Mga Debosyonal ng Relief Society
Tayong Lahat ay Pinagpapala ng Impluwensiya at Pananampalataya ng Kababaihan


11:39

Tayong Lahat ay Pinagpapala ng Impluwensiya at Pananampalataya ng Kababaihan

Debosyonal ng Relief Society sa 2026: Isang Pandaigdigang Pagtitipon ng Kababaihan

Linggo, Marso 8, 2026

Mga kapatid, natutuwa akong makibahagi sa kagila-gilalas na kaganapang ito ng Relief Society. Pinasasalamatan ko ang lahat ng nangyari. Gustung-gusto ko ang mensahe nina President Camille N. Johnson, Sister J. Anette Dennis, at Sister Kristin M. Yee.

Biniyayaan ako ng pambihirang kababaihan sa buhay ko, at walang hanggan ang pasasalamat ko sa impluwensiya nila sa akin. hindi sapat ang mga salita para maipahayag ko ang aking pasasalamat. Hangad nilang maging mahusay sa bawat aspekto ng buhay pero binigyang-diin nila ang pagdama ng at pagpapahalaga sa pagmamahal ng Diyos sa buhay nila.

Ipinakita ito ng asawa kong si Mary, at sinisikap niyang “mamuhay nang positibo.”

Nakadarama ako ng malaking responsibilidad sa pagsasalita sa inyong kahanga-hangang kababaihan. Mahal ko kayo at hanga ako sa inyo at sa katapatan ninyo sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan sa mahirap na mundong ito.

Mahal kong mga kapatid, huwag ninyo sanang maliitin ang kapangyarihan at epekto ng inyong kakayahan, pagmamahal, at impluwensiya sa mga nakakasalamuha ninyo. Marami kayong pinagpapala sa pagsisikap na mamuhay na tulad ni Cristo.

Minsan, sa hangarin ninyong sundin si Jesucristo at gumawa ng mabuti, maaari ninyong madama na gaano man kayo magsikap o anuman ang ginagawa ninyo, hindi ito sapat. Kung minsan, kahit nadarama ng lahat na kayo ay “tama,” maaari ninyong madama na may kulang pa. Pero ang napakagandang ginagawa ninyo, ang kabaitan ninyo, at ang pagmamahal na ipinapakita ninyo ay napakalaking pagpapala sa mga taong inyong nakakasama, at sapat na ‘yon!

Nabubuhay tayo sa magulong panahon. Ang daigdig ay talagang napakagulo. Marami sa mga hamon ay hinggil sa espirituwal. Ito ay mga isyung panlipunan na hindi natin kayang lutasin bilang indibidwal pero ikinababahala natin. Ang pagkumbinsi sa mga tao na piliin ang kabutihan ay hamon na noon pa man. Dati nang may “pagsalungat sa lahat ng bagay.” Ang kaibhan ngayon, ang mga nagdududa na nasa “malaki at maluwang na gusali” ay tila mas maingay, mas nang-aaway, at hindi mapagparaya kumpara sa ibang panahon ng buhay ko.

Sa katunayan, ang ganitong uri ng mga hamon ay palaging nariyan. Isang taon bago inorganisa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, isinasalin ni Propetang Joseph Smith ang Aklat ni Mormon. Inihayag ng Panginoon kina Joseph at Oliver Cowdery ang ngayon ay bahagi 6 ng Doktrina at mga Tipan. Ito ay may payo para sa mahihirap na panahon.

Inalo sila ng Panginoon, “Huwag matakot, … gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno … sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig.” Pinayuhan din Niya sila, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot. … Maging matapat, sundin ang … mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian. … Amen.”

Sa pagbabalik-tanaw sa mga Banal na iyon, labis tayong naaantig ng mga paghihirap na tiniis nila at ng halimbawa nila sa pagkilala sa pagmamahal ng Diyos at paglilingkod sa isa’t isa.

Ang baseline o simula ng pagrerebyu ng ating buhay at katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo ay binyag.

Para sa marami sa atin, maliban sa mga bagong binyag at napakabata pa, matagal na tayong nabinyagan. Sinabi ng propetang si Alma, “At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo, … kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”

Nagpatuloy si Alma sa napakagandang mensahe na talagang akma sa ating panahon. Itinanong niya, “Kung sila ay tatawaging mamatay, magiging handa ba silang humarap sa Diyos?” At binigyang-diin ni Alma ang apat na katangian para maging walang-sala sa harapan ng Diyos.

Una, sapat na ba tayong mapagpakumbaba? Sa isang banda, pagbabalik ito sa kinakailangan sa binyag, pagpapakumbaba ng ating sarili at pagkakaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu.

Pangalawa, wala na ba tayong kapalaluan? Tungkol sa kapalaluan, nagpayo si Alma laban sa paglait sa Panginoon at pagmamataas, na itinutuon ang ating puso sa walang-kabuluhang mga bagay ng mundo at sa mga kayamanan, inaakalang mas mabuti tayo kaysa sa iba, inuusig ang mga mababa ang kalooban.

Pangatlo, hindi na ba tayo naiinggit? Para sa mga may malalaking pagpapala pero hindi nagpapasalamat dahil nakatuon sila sa kung anong mayroon ang iba, maaaring labis na makapahamak ang inggit. Nadagdagan ang inggit sa pamumuhay habang napalitan ng katanyagan at kapalaluan ang pananampalataya at pamilya bilang sentro ng halos buong lipunan.

Pang-apat, kinukutya o inuusig ba natin ang isang kapatid? Ngayon, marami tayong nakikitang ganito sa social media.

May mas akma pa ba sa mga isyu ng ating panahon kaysa sa mensaheng ito tungkol sa kapalaluan, inggit, at pang-uusig?

Ang malaking debate sa buong mundo ay tungkol sa temporal at araw-araw na mga isyu sa ekonomiya. Gayunman, kakaunti ang talakayan tungkol sa pagbalik sa mga alituntuning tulad ng kay Cristo na nakatuon sa paghahanda sa pagharap sa Diyos, at sa kalagayan ng ating espiritu. Kailangan nating ituon ang ating buhay at pag-ibayuhin ang mga espirituwal na bagay.

Noon pa man, nabibigyang-inspirasyon ako ‘pag nirerebyu ko ang mga pangyayaring humantong sa paglalaan ng Nauvoo Temple. Humanga ako lalo na sa pananampalataya ng kababaihan. Ang matinding pag-uugaling laganap ay ang pananampalataya ng kababaihan. Ang pananampalataya nila sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at sa Propeta ng Panunumbalik, si Joseph Smith, ay kahanga-hanga.

Ipinakita ng matatapat na kababaihang ito ang pananalig nila sa walang hanggang kahalagahan ng endowment at pagbubuklod sa templo sa pamamagitan ng mga sakripisyong handa nilang gawin. Isinakripisyo nila ang kanilang panahon at ang kaunting kayamanan nila. Sila rin, dahil itinalaga, ang nagsagawa sa unang ordenansa sa Nauvoo temple. Habang tumutulong sa paghahanda na lisanin ang Nauvoo, marami sa kababaihan ang tumulong sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo at pagluluto at paglalaba sa buong magdamag. Gayunman, nilinaw nila na ang pananampalataya at kaalamang ibinigay sa kanila sa templo ay naging daan para magalak sila nang magpunta sila sa lugar na hindi pamilyar sa kanila at tinawid ang kapatagan.

Ayon sa kasaysayan, ang kababaihan ang may mas malaking tungkulin sa tahanan at mga bata at dahil dito, hangad nila ang seguridad at katatagan. Nagbibigay-inspirasyon ang pananampalataya nila sa kahandaang lisanin ang Nauvoo para magpunta sa hindi kilalang lugar.

Ang itinala ni Sister Bathsheba Smith, habang naghahanda siyang umalis, ay nakakaantig. Naranasan niya ang mga pagsalakay ng mga mandurumog sa mga Banal na nasa Missouri at naroon siya noong namatay si Apostol David W. Patten. Habang paalis na siya sa Nauvoo, isinulat niya:

“Ang huli kong ginawa sa mahalagang lugar na iyon ay linisin ang mga silid, walisan ang sahig, at ilagay ang walis sa lagayan nito sa likod ng pinto. Taglay ang mabigat na damdamin sa puso ko … , isinara [ko] ang pinto at humarap na sa walang-katiyakang … hinarap ito nang may pananalig sa Diyos at nang walang gaanong katiyakan kung maitatatag … ang ebanghelyo sa Kanluran at ang totoo at nagtatagal na mga alituntunin nito, na gaya ng nadama ko noon … sa Missouri.”

Itinala ni Sister Smith ang kahirapan, karamdaman, at kalungkutan na naranasan ng mga Banal habang papunta sila sa kanluran. Noong Marso 1847, pumanaw ang nanay niya, at nang sumunod na buwan, isinilang ang pangalawa niyang anak na si John. Maikli ang tala niya tungkol doon, “Siya ang huling anak ko, at apat na oras lang siyang nabuhay.”

Kalaunan, siya ang naging matron ng Salt Lake Temple at ikaapat na pangulo ng General Relief Society.

Kung ilalarawan ang pinakamahahalagang katangian ng ating kababaihang pioneer, iyon ay ang kanilang matibay na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Sa tingin ko, ang kababaihan ng Simbahan ngayon ay kasinlakas at kasintapat nila. Ang pananampalataya ay pagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa Tagapagligtas. Dahil sa Kanyang pagbabayad-sala, walang kabiguang wala nang pag-asa at walang paglabag na hindi maaayos. Kapag nakatuon ang ating pananampalataya kay Jesucristo at nananatili sa tipan, makakamtan natin ang ating mga mithiin.

Patuloy na nangangailangan ang mundo ng pagbabalik-loob ng indibidwal at ng papagpapalakas ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang doktrina at mga banal na kasulatan ng Simbahan ay nagbibigay ng gabay para tulungan kayo sa paggawa ng mabubuting pagpili. Ang propeta ng Panginoon, si Pangulong Dallin H. Oaks, ay nagbibigay ng patnubay para sa ating panahon. Inihanda tayo ng Panginoon, nang taludtod sa taludtod, para sa panahon ngayon.

Anuman ang ating mga pagsubok, sa kasaganaan ng espirituwal na mayroon tayo ngayon, tayo ay walang utang na loob kung hindi natin pinahalagahan ang ating mga pagpapala.

Salamat sa kung sino kayo at kung ano ang ginagawa ninyo. Pinatototohanan ko sa inyo na si Jesucristo ang Tagapagligtas at ang Manunubos ng mundo. Siya’y buhay at ibinibigay ang pagmamahal at gabay na kailangan natin para makabalik sa Kanya. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.