Ang Sakripisyo ni Jesucristo Noon at Ngayon ay Para sa Inyo
Debosyonal ng Relief Society sa 2026: Isang Pandaigdigang Pagtitipon ng Kababaihan
Linggo, Marso 8, 2026
Mahal kong mga Kapatid, lagi akong nagpapasalamat na makasama kayo. Personal man o sa diwa, naaantig at binibigyang-inspirasyon ako ng inyong katapatan at kabutihan. Pagpalain nawa kayo sa paghahatid ng pagmamahal at ginhawa ng Tagapagligtas sa mga nasa paligid ninyo. Mahal namin kayo at ipinagdarasal namin kayo.
Ilang taon na ang nakararaan, binisita ko ang isang nursery class. Wala ang nursery leader noong araw na iyon, at natanto ko na walang lesson na naihanda. Tumingin ako sa kabinet at nakakita ako ng lesson book at pumili ng lesson tungkol sa pagmamahal ng Diyos. May larawan ito ng mga bata mula sa iba’t ibang panig ng mundo na sumasagisag sa pagmamahal ng Diyos sa lahat. Tinanong ko ang maliit na nursery class kung paano maaabot ng pagmamahal ng Diyos ang lahat ng mga batang ito. Isa sa maliliksing batang lalaking nagngangalang Charlie ang nagtaas ng kanyang mga kamay at nagsabing, “MALAKI ang pag-ibig ng Diyos!” Totoo nga, Charlie. Ang pag-ibig ng Diyos ay talagang “malaki.” Ang Kanyang pagmamahal ay umaabot “sa [ating] puso” at laging nariyan para sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Walang sinuman ang hindi Niya minamahal. Tulad ng itinuro ni Apostol Pablo:
“Sapagkat ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay sa kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating,
“Ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.”
Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ay makikita sa pamamagitan ng buong awang pagkakaloob ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang ating mga tipan ay nag-uugnay sa atin sa Kanya at sa Kanyang Nagbabayad-salang kapangyarihan. Dahil sa Kanya, maaari tayong magsisi at magbago. Dahil sa Kanya, makatatanggap tayo ng lakas at kakayahang higit pa sa taglay natin. Dahil sa Kanya, makasusumpong tayo ng banal na kapayapaan at katiyakan na “lahat ay itatama.”
Naparito si Jesucristo para tulungan tayong buhatin ang ating mga pasanin at dalhin ang hindi natin kaya at ang hindi nilayong ipapasan sa atin nang mag-isa. Narito ang isang personal na halimbawa.
Ilang taon na ang nakararaan, natagpuan ko ang sarili ko sa isang sitwasyon na nagdulot sa akin ng pagkabalisa at na madama na hindi ako pinahahalagahan. Nagsimulang matuon sa sitwasyon ang mga iniisip ko at lakas ko. Inisip ko kung bakit labis akong nabagabag nito. Sinikap kong maging matulungin, mabait, at malinaw, pero parang walang nagbago. Parang wala akong magawa at desperado kong inasam ang kaginhawahan at kapayapaan.
Sa gitna ng aking kawalang-katiyakan, lumuhod ako sa tabi ng kama ko isang gabi at nagsimulang manalangin sa aking Ama sa Langit. Hindi ko na talaga kaya ito. Napaluha ako at sinabing, ”Hindi ko na po kayang dalhin ito, sobra na ito, kailangan na pong maging sa Inyo ito. Maaari po ba Ninyo itong kunin? Ibinibigay ko po ito sa Inyo. Tulungan po Ninyo ako.” Humingi ako ng tulong sa pamamagitan ng awa ng Kanyang Anak. Naalala ko sa sandaling iyon na nagdusa si Jesucristo para sa akin at dinala ang aking mga kalungkutan, at na sa pamamagitan Niya, ang pasaning ito ay maaaring maalis. Bigla akong nakadama ng pag-asa, tulad ng naranasan ni Nakababatang Alma, na, sa pag-alaala sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ay nagsabing, “Nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan.”
Kinabukasan, nagsimulang mapalitan ng kapayapaan ang mabigat na damdamin. Isang kapayapaang tunay na hindi maabot ng aking pag-iisip. Isang kapayapaan na ang sitwasyong ito ay nasa mga kamay ng Ama at ng Anak at hindi ko dapat pasanin. Nang piliin kong ipagkatiwala ang pasanin ko sa Kanila, nadama ko ang Kanilang pagmamahal at ginhawa at ginabayan akong malaman kung paano makukuha ang suportang kailangan ko.
Isang mas magandang pananaw ang pumasok din sa aking puso’t isipan sa mga sumunod na araw at linggo. Hindi ko natanto na ang pananaw na mas malapit sa paraan ng pagtingin ng Diyos ay maaaring maging napakabisang kaloob sa pagdaig sa mga pagsubok na kinakaharap natin. Nakatulong ito para maunawaan nang lubos ang sitwasyong ito. Ito ay naging ayon sa paglalarawan ng Panginoon na isang “patak lamang” kumpara sa “mas [mahahalagang] bagay.”
Hindi nawala ang mahirap na sitwasyon, pero hindi na ako nahirapan tulad ng dati, at hindi na ito ang nangibabaw sa isipan ko. Isa talagang himala iyon. Tanging Siya lamang ang “magpapagaan” ng ganitong uri ng pahirap sa kaluluwa.
Habang natatanggap ko ang kaginhawahang ito, nabasa ko ang banal na kasulatang ito mula kay propetang Zenos, na naglalarawan sa aking karanasan: “At dininig ninyo ako dahil sa aking mga paghihirap at aking katapatan; at dahil sa inyong Anak kung kaya’t naging maawain kayo nang gayon sa akin, kaya nga, ako ay magsusumamo sa inyo sa lahat ng aking paghihirap, sapagkat nasa inyo ang aking kagalakan; sapagkat iwinaksi ninyo mula sa akin ang inyong mga kahatulan, dahil sa inyong Anak.”
Mga kapatid, piliin nating maniwala kay Jesucristo at humingi ng tulong na kailangan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Minsan, natatagpuan natin ang ating sarili sa “automatic” mode, na karaniwan tayong naniniwala na tutulungan tayo ng Diyos, pero ‘di tayo humihiling nang may pananampalataya, at pinipiling maniwala na matutulungan at tutulungan Niya tayo. Sa palagay ko, umaasa ang ating Ama sa Langit na hihingin natin ang tulong na kailangan natin nang taos-puso at may pananampalataya na ang sakripisyo ni Jesucristo, noon at ngayon ay para sa INYO. Ang Kanyang Pagbabayad-sala, ang Kanyang masakit na pagdurusa, ay para sa inyo. Mahal Niya kayo at hangad Niyang pagalingin at biyayaan kayo ng tulong na kailangan ninyo, ngayon at magpakailanman. At may kapangyarihan Siyang gawin ito kapag nananampalataya tayo, ipinamumuhay ang ating mga tipan, at pinipiling maniwala sa Kanya.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang karanasan sa mortalidad, napanatag, napagaling, at napalakas ng ating Tagapagligtas ang lahat ng kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako, pero naniniwala ako na gagawin lang Niya ito sa mga taong naghahanap sa Kanya at humihingi ng Kanyang tulong. … [Nagiging] karapat-dapat tayo sa pagpapalang iyon kapag naniniwala tayo sa Kanya at nagdarasal na tulungan Niya tayo.”
Hindi nilayon na dumanas tayo ng mga hamon at pighati nang mag-isa. Nilayon na magkaroon tayo ng Tagapagligtas, Siya na ang banal na kapangyarihan, pagmamahal, at ibinibigay na kaginhawahan ay personal. Nais Niyang bigyang-kasiyahan at panatagin ang nagdurusang kaluluwa.
Naririnig ba ninyo Siyang nangungusap sa inyo tulad ng pakikipag-usap Niya sa mga tao ni Alma sa kanilang mga paghihirap?
“Itaas ang inyong mga ulo at maaliw, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin.
“At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin; at ito ay gagawin ko upang kayo ay tumayong mga saksi para sa akin magmula ngayon, at upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.“
Ang pamagat ng painting na ibinahagi ko sa aking huling mensahe sa Pangkalahatang Kumperensiya ay “And I Partook.” Nagmumula ito sa sariling mga salita ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan nang inilarawan Niya ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani:
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat. …
“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”
Nagdusa ang Tagapagligtas upang makapagsisi tayo at maging malinis. Nagdusa Siya upang mapalakas, matulungan, at mapagaling tayo. Nagdusa Siya upang pagaanin ang ating mga pasanin at bigyan tayo ng kapayapaan. Nagdusa Siya upang makabalik tayo sa piling ng Ama at makapiling ang mga mahal natin sa buhay magpakailanman. Nagdusa Siya dahil sa Kanyang pagmamahal sa inyo at sa akin.
Ang kahulugan ng painting na ito ay nagbabago sa paglipas ng panahon dahil nagbabago ako. Ang aking relasyon at pag-unawa sa aking Tagapagligtas at sa nagawa Niya para sa akin ay lumalalim.
Ang pagtingin natin sa Kanya sa ating buhay ay magbabago kapag pinili nating maniwala sa Kanya, matuto sa Kanya, magsisi, at hayaang maabot ng katotohanan ng Kanyang Pagbabayad-sala ang lahat ng bahagi ng ating buhay.
Alam ko na mahal kayo ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Alam kong buhay si Jesucristo; Siya ang Manunubos ng sanlibutan. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay para sa inyo. Nawa’y hilingin natin nang may pananampalataya kung ano ang kailangan natin at ang aking dalangin ay “magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng [ating Diyos].“ Sa pangalan ni Jesucristo, amen.