Mga Debosyonal ng Relief Society
Ang Pagmamahal at Liwanag ng Diyos ay Palagian, Hindi Nagbabago, at Hindi Natitinag


8:52

Ang Pagmamahal at Liwanag ng Diyos ay Palagian, Hindi Nagbabago, at Hindi Natitinag

Debosyonal ng Relief Society sa 2026: Isang Pandaigdigang Pagtitipon ng Kababaihan

Linggo, Marso 8, 2026

Mahal kong mga kapatid, saanman kayo nakatira sa mundo, dapat ninyong malaman na mahal namin kayo at ng inyong Ama sa Langit at ng inyong Tagapagligtas. Alam ko na kung minsa’y maaaring mahirap madama ang Kanilang pagmamahal. Naranasan ko na iyon mismo. Pero pinatototohanan ko sa inyo na ang Kanilang pagmamahal para sa inyo ay ndi kailanman nagbabago. Ito ay palaging nariyan kahit sa madidilim na panahong iyon sa inyong buhay na maaaring mahirap itong madama.

Gustung-gusto ng karamihan sa atin ang maganda at maaliwalas na mga panahon, ’di ba! Mas matingkad ang lahat ng kulay ng kalikasan kapag nakasikat ang araw. Kapag malamig ang panahon, gustung-gusto nating maramdaman ang sikat ng araw sa ating mukha. Pinupuspos tayo nito ng init at liwanag. Pero hindi maiiwasang dumating ang maulap, maulan, at madilim na mga panahon kung saan hindi natin makita ang araw o maramdaman ang init nito at malabo at mapusyaw ang lahat ng mga kulay. Sa maulap o maunos na mga araw na iyon o sa kadiliman ng gabi, nag-aalinlangan ba tayo kung may araw nga ba? Natatakot ba tayo na hindi na muling sisikat ang araw? Siyempre hindi! Alam natin na kapag tapos na ang bagyo o gabi, kapag nahawi na ang mga ulap, makikita nating muli ang maningning na mga sinag ng araw at madarama ang init nito. Laging nariyan ang araw, hindi nagbabago at hindi natitinag. Ito ay palaging nariyan.

Ito ay mahalagang analohiya para sa liwanag ng ating Tagapagligtas at sa pagmamahal Niya sa atin. Ang Kanyang liwanag ay nagbibigay ng kulay at kahulugan sa lahat sa ating buhay. Pinasisigla ng Kanyang pagmamahal ang ating kaluluwa at binibigyan tayo ng pag-asa sa hinaharap. Pero tulad ng maulap, maunos, at madilim na mga panahon na hindi natin makita ang araw, sa buong paglalakbay natin sa buhay na ito, magkakaroon din ng maulap, maunos, at madilim na mga panahon kung saan maaaring mahirap madama ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas o makita ang Kanyang liwanag. Maaaring may mga pagkakataon na ang ating Ama sa Langit at ating Tagapagligtas ay wala sa ating buhay, at natatakot tayo na baka pinabayaan na Nila tayo, na hindi Nila tayo mahal, at na nag-iisa tayo. Naranasan ni Joseph Smith at ng Tagapagligtas mismo ang pakiramdam na mapabayaan ng Diyos.

Pero, mga kapatid ko, pinatototohanan ko sa inyo na walang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo! Ang Kanilang liwanag at Kanilang pagmamahal sa atin ay palagian, hindi nagbabago, at hindi natitinag, tulad ng liwanag at init ng araw. Hindi tayo kailangang matakot na pinabayaan na Nila tayo dahil hindi Nila gagawin iyon kailanman. Hindi Nila ugaling gawin ito.

Naaalala ko na nadama ko na nag-iisa ako nang lumipat kami sa Mexico matapos kaming ikasal ng asawa ko. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, tumira ako nang malayo sa aking pinagmulang tahanan at pamilya. Hindi pa ako marunong magsalita o makaunawa ng wika, buntis ako sa panganay namin, at kadalasa’y nasa trabaho at paaralan ang asawa ko. Naaalala ko na talagang nag-iisa, nalilito, at natatakot ako. Nahirapan akong madama na alam ng aking Ama sa Langit ang nangyayari sa akin. Hindi ko madama ang init at liwanag ng pagmamahal ng aking Tagapagligtas. Nagsimula akong makadama ng kadiliman, panghihina ng loob, at kawalan ng pag-asa.

Pero sinagip ako ng ilan sa aking mga Relief Society sister. Niyakap nila ako at tinulungan akong madama na hindi ako nag-iisa. Pinalakas nila ang loob ko at sinuportahan ako sa pamamagitan ng kanilang mga ngiti, kabaitan, at magiliw na pagmamahal, kahit hindi ko maunawaan ang sinasabi nila at hindi nila maunawaan ang sinasabi ko. Pero dahil nadarama ko ang pagmamahal at pagtanggap nila sa akin, hinawi nito ang mga ulap ng kadiliman na matagal kong nadama, at muli kong nadama ang pagmamahal at suporta ng aking Ama sa Langit.

Mga kapatid, magagawa natin iyan para sa isa’t isa. Tayong lahat ay mga anak ng mga magulang sa langit, at kailangan natin ang isa’t isa. Saanman tayo nakatira, anuman ang ating sitwasyon, hindi natin dapat madama kailanman na tayo ay nag-iisa o nakahiwalay. Napapaligiran tayo ng ating espirituwal na mga kapatid. Naparito tayong lahat sa mundo sa panahong ito nang magkakasama, at kailangang-kailangan natin ang isa’t isa. Ang tuksong ikumpara at husgahan ang isa’t isa ay mula sa kaaway. Nais Niyang mahati-hati tayo dahil alam Niya ang matinding lakas na darating kapag tayo ay nakadama ng pagkakaisa, pagmamahal, at suporta sa isa’t isa. Matutulungan natin ang isa’t isa na madama ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas habang nagsisikap tayong magkaisa bilang mga anak ng Diyos. Magkaisa tayo, magtulungan, at sama-sama tayong sumulong tungo sa langit.

Naniniwala ako na madalas tayong padalhan ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas ng mga mensahe ng pagmamahal at suporta, pero madalas ay hindi natin napapansin ang mga mensaheng iyon dahil maaaring hindi natin hinahanap ang mga iyon. Ang makita ang isang munting ibon na lilipad-lipad sa labas ng aking bintana, masaksihan ang kahanga-hangang paglubog ng araw, o mapansin ang lahat ng kagandahan at kababalaghan ng kalikasan ay kadalasang tumutulong sa akin na madama ang Kanilang pagmamahal. Kapag nahihirapan ako at pinanghihinaan ng loob, kung minsa’y napapansin ko ang Kanilang mga mensahe ng pagmamahal at suporta dahil sa isang partikular na talata sa banal na kasulatan na umaantig sa puso ko habang binabasa ko, o dahil sa isang nagbibigay-inspirasyong pakikipag-usap sa isang tao, o isang bagay na nadarama ko habang nakikinig sa mga titik ng isang magandang himno o nakasisiglang awitin.

Gustung-gusto ko ang mga titik ng isa sa ating mga bagong himno: “Kanyang Mahal ang Maya.” Sabi sa unang talata:

Bakit pa manlulumo?

Bakit malulumbay?

Bakit mababahala

Kung sa ’ki’y aakay

Si Cristong kabahagi?

Kaibigan S’yang t’wina.

Kanyang mahal ang maya,

At ako’y mahal din N’ya.

Pinatototohanan ko sa inyo na hindi lamang ang maya ang mahal Niya kundi maging ang bawat isa sa inyo. Kayo ay minamahal na anak ng Diyos, at pinatototohanan ko na hindi kayo kalilimutan kailanman. Kayo ay kilala, kayo ay minamahal, at ang inyong tinig ay talagang mahalaga, lalo na sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Bugtong na Anak. Labis Nilang nauunawaan ang inyong mga dalamhati, luha, kalungkutan, at pasakit. Ang inyong mga panalangin ay laging naririnig ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit.

Ang paglalakbay sa buhay na ito ay puno ng mga hamon at paghihirap, kabilang na ang maraming iba’t ibang uri ng kawalan—kawalan ng mga kaibigan o mahal sa buhay, kawalan ng pisikal o mental na kalusugan, kawalan ng pera, at maging ng kawalan ng kakayahan at tiwala. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin tungkol sa kawalan: “Pinupunan ng Panginoon ang bawat kawalan ng matatapat. Ang ninakaw mula sa mga taong nagmamahal sa Panginoon ay idaragdag sa kanila sa sarili Niyang paraan. Kahit hindi ito mangyari sa panahong nais natin, malalaman ng matatapat na bawat luha ngayon ay papalitan kalaunan ng maka-isandaang ulit na luha ng kagalakan at pasasalamat.”

At sinabi ni Propetang Joseph smith, “Lahat ng nawala sa inyo ay pupunan sa inyo sa pagkabuhay na muli, kung patuloy kayong mananalig. Sa pamamagitan ng pangitain [tungkol sa] Makapangyarihang Diyos, nakita ko ito.”

Pinatototohanan ko na dahil sa ating mahal na Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ang mga pangakong iyon ay totoo. Kung mananatili kayong tapat sa Diyos, lahat ng inyong kawalan ay pupunan kalaunan, at mapapaluha kayo sa kagalakan at pasasalamat sa inyong Ama sa Langit para sa Kanyang nagpupunong mga pagpapala.

Madalas akong maalo at matulungan ng talatang ito sa aklat ng Apocalipsis na madama ang pagmamahal ng Diyos, “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man, sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na.”. Tandaan din ang pangakong ito: “Sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya.” Napakaganda at nakakaaliw na mga salita! Si Jesucristo ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan, at nangako Siya na kapag sinusunod natin Siya, hindi tayo lalakad sa kadiliman.

Pinatototohanan ko sa inyo na hindi kayo kalilimutan kailanman ng inyong Ama sa Langit at ng inyong Tagapagligtas, kahit sino pa kayo, saanman kayo nakatira, anuman ang inyong kasalukuyang sitwasyon, at anuman ang inyong nakaraan. Ang Kanilang liwanag at pagmamahal sa inyo ay palagian, hindi nagbabago, at hindi natitinag. At kapag nahawi ang mga ulap at natapos ang mga unos sa inyong buhay, malalaman ninyo na Sila ay palagi ninyong kasama, kahit sa pinakamadidilim na panahon sa inyong buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.