Mga Debosyonal ng Relief Society
Nakatuong Mabuti ang mga Banal na Babae kay Jesucristo


11:39

Nakatuong Mabuti ang mga Banal na Babae kay Jesucristo

Debosyonal ng Relief Society sa 2026: Isang Pandaigdigang Pagtitipon ng Kababaihan

Linggo, Marso 8, 2026

Isa sa pinakamatatamis na pagpapala ng calling ko ay ang makaramdam ng matinding pagmamahal na tagos hanggang kaluluwa para sa inyo, na kababaihan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa aking isipan, kasama mo ako sa iyong mga sagradong espasyo—marahil ay nagtitipon sa isang kapilya, o sa ilalim ng isang tolda, sa isang casita, o fale, o sa apartment ninyo—at nakaupo tayo na nagdidikit na ang mga tuhod para masabi ko sa inyo na mahal ko kayo, na sigurado ako na anak kayo ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, at natitiyakko na maaari kayong magtiwala kay Jesucristo.

Isang regalo ang makasama ang kababaihang Banal sa buong mundo na nagpapakita ng malalim na kalakasan, kakayahan, pananalig, at pananampalataya kay Jesucristo. Ang pagmamahal ng Diyos sa kababaihan ay ipinapakita sa pagbibigay sa atin ng oportunidad na matuto mula sa isa’t isa at kasama ang bawat isa.

Ano ang napag-alaman ko mula sa oras na ginugol ko kasama ang kababaihan ng Simbahan ni Jesucristo—sa mga pagbisita sa ministering, pagsalubong sa parking lot, at mga kuwentuhan sa grocery?

Alam ko na mahirap ang buhay.

Maaari kayong mahirapang kasama si Jesus, o mahirapan kayong mag-isa. Iyan ang pagpipilian ninyo. Pero kapag nahihirapan kayo nang kasama si Jesucristo, ang paghihirap ay nagdudulot ng kabanalan. Kayo ay nagiging mga banal na babae.

May nakasalubong akong sister sa parking lot kamakailan. Lumapit siya sa akin para sabihin na naaksidente sa bumaligtad na kotse ang anak niyang babae at nasa ospital. Ipinagtapat niya na kailan lang ay nawalan na siya ng isang anak dahil sa kanser. Inakala ko na gusto ng bagong kaibigan ko na aluin ko siya. Pero hindi iyon ang gusto niya. Hindi siya lumapit sa akin para aluin ko, pinuntahan niya ako para magpatotoo na ang kanyang anak na babae ay binantayan ng mga anghel, alam niya na isa sa mga anghel na iyon ang anak niya na namatay na, at natitiyak niya na walang hanggan ang kanyang pamilya dahil sa pagbubuklod sa bahay ng Panginoon. Isang pinagtipanang anak na babae ng Diyos, hinaharap niya ang mga hamon ng buhay nang may pananampalataya at tiwala sa plano ng kaligayahan ng kanyang mapagmahal na Ama, sa nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo, at sa pangako ng mga anghel na nagbabantay sa kanya at sa kanyang mga mahal sa buhay. May anak pa siya na nasa ospital. Ang karanasan niya sa buhay na ito ay mahirap pa rin. Pero pinili ng kaibigan ko na mahirapang kasama si Jesucristo sa halip na mahirapang mag-isa. Ang kanyang paghihirap ay naging banal na sandali, isang banal na panahon.

May kilala akong sister na may apat na maliliit na anak na mag-isang nagpapalaki sa kanila at nagtatrabaho para suportahan ang pamilya niya nang masuri ang sarili niyang ina na may agresibong kanser. Sinabi niya sa akin na sa nakapanlulumong panahong ito, nagsimula siyang manalangin nang mas taimtim at mas madalas—pati na ang paghingi ng tulong kung paano niya pakakainin ang kanyang mga anak. Nagpatulong siya sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Nagtitiwala sa Kanila, naghanda siya para gumawa ng mga tipan sa bahay ng Panginoon. Bagama’t lumalala noon ang lagay ng kanyang ina, naglakbay silang pamilya, kasama ang mga kaibigan, papunta sa pinakamalapit na templo, kung saan natanggap ng bago kong kaibigan ang kanyang endowment bago namatay ang kanyang ina. Ang kanyang karanasan sa buhay na ito ay mahirap pa rin pero ang pagpiling maugnay sa Tagapagligtas sa tipan, ang pagsulong sa landas ng buhay ay naging mas madali. Hindi madali, pero mas madali, dahil mas mabilis siyang makatanggap ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. Tinanong ko siya tungkol sa kanyang ugnayan sa Tagapagligtas, na hinubog sa apoy ng paghihirap. Ipinagtapat ng banal na babaeng ito na hindi niya makikilala at pagkakatiwalaan nang husto si Jesucristo ngayon kung wala ang mahihirap na karanasang ito.

Alam ninyo, ang mainit na apoy ng pagdadalisay ay mahihirap na karanasang pinagdaraanan. Ito ang kabayaran ng kabanalan. Ang manlalantay at tagadalisay ng pilak ay gumagamit ng apoy para sunugin at alisin ang mga dumi nito. Pero hindi basta na lang inihahagis ng manlalantay ang inang mina sa hurno at lumalakad palayo. Maingat na sinusubaybayan ng manlalantay ang temperatura at ang oras para sa paggamit ng oxygen, at pinanonood ang dumi ng pilak na nabubuo sa ibabaw ng tinutunaw na metal. Hinihipan ng manlalantay ang dumi para maalis at maiwan ang dalisay na pilak, ang ibabaw nito ay nagniningning at nagliliwanag—tulad ng isang salamin, na sumasalamin sa hitsura ng manlalantay.

“Siya’y [tinutukoy si Jesucristo] uupo gaya ng [naglalantay] at nagpapadalisay ng pilak.” Tayo ang mamahaling pilak na mga nilantay at pinili sa hurno ng paghihirap. At tulad ng pilak na dinalisay, na sinunog ang mga dumi, nagkakaroon tayo ng katangian na mas makadiyos at nagiging mga banal na babae tayo.

Kikilalanin, sasalubungin, at yayakapin ba ninyo ang mapagbantay na tingin ng Manlalantay kapag kayo ay nasa apoy ng paghihirap?

Ipinayo ni Pangulong D. Todd Christofferson: “Sa gitna ng apoy ng [mandadalisay] na ito, sa halip na magalit sa Diyos, maging malapit sa Diyos. Magsumamo sa Ama sa pangalan ng Anak. Lumakad na kasama Nila sa pamamagitan ng Espiritu, araw-araw. Hayaang maipakita Nila sa paglipas ng panahon ang Kanilang katapatan sa inyo. Kilalanin Silang mabuti at kilalaning mabuti ang inyong sarili.”

Magiging mahirap ang mga bagay-bagay. Maaari kayong mahirapang kasama si Jesus, o mahirapan kayong mag-isa. Kapag nahihirapan kayong kasama si Jesucristo, ang paghihirap ay nagiging tungo sa kabanalan.

Ang banal na babaeng si Ana ay halimbawa ng alituntuning ito sa banal na kasulatan.

Nagpunta si Ana sa bahay ng Panginoon, kung saan siya umiyak. Sa mapagpakumbabang panalangin, sinabi niya sa Diyos ang hinagpis ng kanyang kaluluwa at ang lungkot ng kanyang espiritu dahil wala siyang anak. Hindi siya nagrereklamo. Ito ay taos na katapatan ng pagsasabi sa Kanya ng kanyang matinding pagkadismaya at pagdadalamhati. “Ibinuhos niya ang [kanyang] kaluluwa sa harapan ng Panginoon,” walang anumang bagay na itinago, kahit tiyak na alam Niya ang lalim ng sakit ng kanyang kalooban.

At pagkatapos ay sumumpa ng isang panata si Ana—isang pagpapahayag na handa siyang ilaan ang biyayang ibinigay sa kanya ng Panginoon para sa Kanyang mga layunin. Buong tapang niyang ipinahayag: “O Panginoon ng mga hukbo, kung iyong … pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa Panginoon sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.”

Sinabi ng priest na si Eli kay Ana na “humayo kang payapa” at siniguro sa kanya na ang kanyang idinulog sa

Panginoon na isang anak na lalaki ay ipagkakaloob. Ang kaamuan ni Ana ay makikita sa kanyang naging sagot, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” At umalis siya at ang kanyang “mukha’y hindi na malungkot.”

Hindi nagtagal, si Ana ay biniyayaan ng isang anak, si Samuel. Nang naawat na siya sa pagsuso sa ina, tinupad niya ang kanyang pangako at dinala ang bata sa bahay ng Panginoon. Kumanta siya ng mga papuri ng pasasalamat sa Panginoon sa panalangin. Sinabi niya, “Nagagalak ang aking puso sa Panginoon.” “Walang banal na gaya ng Panginoon: sapagkat walang iba maliban sa iyo, walang batong gaya ng [ating] Diyos.”

At pagkatapos ay iniwan niya si Samuel sa priest na si Eli, na lubos siyang inilalaan sa paglilingkod sa Diyos. Isang batang kaaawat pa lang sa pagsuso sa ina. Naiisip ba ninyo ito? Bagama’t kalaunan ay nabiyayaan siya ng lima pang anak, noong ipahiram niya si Samuel sa Panginoon, siya ay kanyang nag-iisang anak. Hindi niya alam na magkakaroon siya ng iba pang mga anak. Hindi pa niya natamasa nang husto ang lahat ng matatamis na sandali na hinahangad ng isang ina—ang mapanood siyang tumakbo at naglalaro, ang turuan siyang magmahal at magbahagi, at ayusin ang higaan niya sa pagtulog.

Taun-taon kapag nagpupunta silang mag-asawa sa bahay ng Panginoon para sa taunang pag-aalay nila, nagdadala siya ng bagong maliit na balabal na ginawa niya para kay Samuel. Ano ang sinabi niya nang magkita sila? Ano ang naramdaman ng kanyang pusong ina nang kailangan niyang magpaalam na muli?

Hindi inilalarawan ng mga banal na kasulatan ang paghihirap ng kanyang kalooban. Pero naiisip ko ito.

Nakikita ninyo, si Ana ay naging tapat, at naging mahirap pa rin ang buhay.

May nabibilang na mga kapatid ko sa Relief Society na mga makabagong Ana na mga banal na babae, na sa kabila ng kanilang paghihirap ay sumasamba sa bahay ng Panginoon, nag-aayuno, ibinubuhos ang kanilang buong kaluluwa sa Panginoon sa panalangin, inilalaan ang bagay na pinagpala sa kanila ng Panginoon, tinutupad ang mga pangakong ginawa nila sa Kanya, at nagtitiwala sa Panginoon—sa Kanyang kalooban para sa kanila at sa Kanyang takdang panahon.

Dumaranas tayo ng karanasan sa buhay na ito sa mga katawang tumatanda at nagkakasakit. Tayo, at ang iba pa, ay may napakagandang oportunidad na gamitin ang ating kalayaang pumili, para sa ikabubuti o ikapapahamak natin. Kaya nga magiging mahirap ito. Maaari kayong mahirapan nang kasama si Jesucristo, o mahirapan kayo nang mag-isa. Nakatitiyak ako na kapag nahihirapan kayo nang kasama si Jesucristo, ang paghihirap ay nagdudulot ng kabanalan—mga banal na panahon, banal na lugar, banal na kababaihan.

Kamakailan, narinig kong kinanta ng mga bata ang mga lirikong ito:

Kailangan ko, Jesus. …

Kaunti pang liwanag,

Kaunti pang pag-ibig,

Kaunti pang pag-asa.

Kailangan ko, Jesus.

Mga kapatid, higit nating kailangan si Jesucristo. Ang Kanyang liwanag, Kanyang pagmamahal, Kanyang pag-asa, at Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan.

Itinutuon ng mga banal na babae ang kanilang atensiyon kay Jesucristo. Tayo’y “mangusap tungkol kay Cristo, [tayo’y] magsaya kay Cristo, [tayo’y] magpakabusog sa mga salita ni Cristo, at magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo.” Ang pag-ibig sa kapwa-tao, na dalisay na pag-ibig ni Cristo, kailanman ay hindi sa atin nagkukulang.

At kung sakaling hindi kayo nabibigatan sa mga hamon na nararanasan ninyo sa buhay na ito, pag-isipan ang payong ito ni Elder Neal A. Maxwell, “Kapag, sa sandaling iyon, tayo ay hindi nakaunat sa isang partikular na krus, dapat ay nasa paanan tayo ng iba—na puno ng pagdamay at nagbibigay ng espirituwal na lakas.”

Iyan ang gawain ng mga banal na babae.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Manunubos at ating mapagbantay, at mapagmahal na Manlalantay. Kapag nagtiwala tayo sa Kanya sa apoy ng paghihirap, ang mahihirap na sandali ay nagiging mga banal na panahon, at nagiging mga banal na babae tayo. Mahal ko kayo; sigurado ako na kayo’y mga anak ng mapagmahal na mga magulang sa langit, at nakatitiyak ako na maaari kayong magtiwala kay Jesucristo.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:22.

  2. “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigkis sa atin sa Kanya sa isang paraan na mas pinadadali ang lahat ng bagay sa buhay. Huwag sana kayong magkamali ng pag-unawa sa akin: Hindi ko sinabi na nagiging madali ang buhay dahil sa pakikipagtipan. Sa katunayan, asahan ang kabaligtaran nito, dahil ayaw ng kaaway na matuklasan ninyo ang kapangyarihan ni Jesucristo. Ngunit ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo angKanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.” (Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 97)

    “Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.” (Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 93–94)

  3. Tingnan sa “Refiner’s Fire and Fullers’ Soap,” Ensign, Set. 2016, 74–75.

  4. Malakias 3:3.

  5. Tingnan sa 1 Nephi 20:10.

  6. D. Todd Christofferson, “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos,” Liahona, Mayo 2022, 79.

  7. Tingnan sa 1 Samuel 1:7 KJV.

  8. Tingnan sa 1 Samuel 1:10, 15 KJV.

  9. 1 Samuel 1:15 KJV.

  10. 1 Samuel 1:11 KJV.

  11. 1 Samuel 1:17–18 KJV.

  12. Tingnan sa 1 Samuel 1:20 KJV.

  13. Tingnan sa 1 Samuel 1:24 KJV.

  14. 1 Samuel 2:1 KJV.

  15. 1 Samuel 2:2 ESV.

  16. Tingnan sa 1 Samuel 2:21 KJV.

  17. Tingnan sa 1 Samuel 2:19 KJV.

  18. Angie Killian at Monica Scott, “More Jesus.”

  19. Russell M. Nelson, “Maglaan ng Oras para sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2021, 120.

  20. Neal A. Maxwell, “Endure It Well,” Ensign, Mayo 1990, 34.