Mga Debosyonal ng Relief Society
Pagtuklas sa Banal na Disenyo sa Aking Pamilya: Andrea McConkie


3:11

Pagtuklas sa Banal na Disenyo sa Aking Pamilya: Andrea McConkie

Debosyonal ng Relief Society sa 2026: Isang Pandaigdigang Pagtitipon ng Kababaihan

Linggo, Marso 8, 2026

Ibang-iba ang pamilya ko kaysa sa inaakala ko. Pumanaw ang asawa ko ilang panahon matapos kaming ikasal kaya mag-isa kong inalagaan ang pamilya ko. At alam kong hindi lang ako ang nakaisip na “mukhang iba ito kaysa sa inakala ko.” Marami ang nakakaranas ng ganitong pakiramdam, at maaari itong magdulot ng matinding sakit sa damdamin. Pero may ilang bagay akong natutuhan. May mga tunay na pagkakataong makita ang kamay ng Diyos na sumusuporta at nagbibigay sa akin ng kakayahang gawin ang mga bagay na kailangan kong gawin na mahalaga at nais kong gawin nang maayos para sa Kanya.

Napakaraming tumulong para punan ang mga kakulangan, at magmahal at ipaabot ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod at pagiging mabait sa amin. Pero ang talagang natutuhan ko ay ang pagiging bahagi higit sa lahat ng isang walang hanggang pamilya. Ako ay anak ng Ama sa Langit, at inalok Niya akong makipagtipan, na kung tatanggapin at gagawin ko ang lahat para magpalakas, ibibigay Niya sa akin ang lahat ng bagay para maitaguyod ang aking pamilya, na maging pinakamahusay na ina na kaya ko, na mahalin ang mga miyembro ng aking pamilya, mga kamag-anak, at ang pamilya ng Diyos. Kapag pinatitibay ko ang aking tipan, natutulungan ako nitong magmahal nang higit na katulad Niya. At ang pagkilala sa pag-ibig ng Diyos sa ating buhay ay napakalakas—isang makapangyarihang kaloob. At kapag kinikilala ko kung gaano ako kamahal ng Ama sa Langit, kung gaano Siya katiyaga, at kung gaano Niya ako kagustong mapalapit sa Kanya, mas pinagyayaman at pinalalalim at pinasusulit nito ang pagsisikap ko para sa aking pamilya.

Tulad ng nadarama kong napakapalad ko na makilala ang Diyos at ang pagmamahal Niya sa akin, nagpapasalamat din ako na nararanasan at naituturo ko iyon sa mga taong ipinagkatiwala sa akin at sa mga minamahal ko. Ang pinakamahalagang bagay na gusto kong malaman ng iba tungkol sa akin ay na mahal ko si Jesucristo. Alam kong kilala ako ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. May kinalaman Siya sa mga detalye ng buhay ko. At ang dahilan kung bakit nais Niyang makipagtipan ako sa Kanya at gumawa ng mga pagpiling magtutulak sa akin na maging katulad Nila ay sapagkat nais Niyang magmahal ako tulad ng paraan ng pagmamahal Niya. Isang malaking pagpapala na magawa iyon at makita ang Kanyang kamay sa pagmamahal na iyon.