2025
Nag-aalala Ka Ba Tungkol sa Ikalawang Pagparito? Narito ang mga Dahilan Kung Bakit Hindi Mo Kailangang Mag-alala
Nobyembre 2025


Paggamit ng Doktrina at mga Tipan sa Iyong Buhay

Nag-aalala Ka Ba Tungkol sa Ikalawang Pagparito? Narito ang mga Dahilan Kung Bakit Hindi Mo Kailangang Mag-alala

Maaari tayong maghanda at umasam sa pagbabalik ng Tagapagligtas nang may kagalakan.

sikat ng araw na sumisinag sa mga ulap

Bilang mga young adult, maraming positibong bagay ang naghihintay sa atin sa hinaharap. At malamang, hindi natin alam kung ano ang mga ito.

Anong klaseng trabaho ang mapapasukan ko? Ano kaya ang hitsura ng magiging pamilya ko? Saan ako titira? Anong mga pakikipagsapalaran ang gagawin ko? Anong mga hamon ang kakaharapin ko?

Sa palagay ko, lahat tayo ay maaaring sumang-ayon na ang pag-iisip tungkol sa hinaharap ay kinabibilangan ng takot at pananabik, kaba at pag-asa. Gustung-gusto ko ang ideya na ang ilan sa aking pinakamagagandang alaala ay hindi pa nalilikha. Napakarami kong aasamin!

Ngunit may isang bagay sa hinaharap na laging nagpapakaba sa akin nang kaunti kaysa sa iba—ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Ang Dakila at Kakila-kilabot na Araw

Alam mo ang sinasabi ko. Lahat ng mga nakakatakot na palatandaang iyon ng mga panahon na naririnig natin. Ang “dakila at kakila-kilabot na araw”? (Doktrina at mga Tipan 110:16; idinagdag ang diin). Mga bulaang propeta at panlilinlang, “mga digmaan at mga bali-balita ng mga digmaan,” mga “taggutom, [at mga salot,] at mga lindol” (Mateo 24:6–7). Ang mga bundok ay “[mapabababa]” (Doktrina at mga Tipan 49:23), ang “mga alon sa dagat [ay] pinaaalon ang kanilang sarili na lagpas sa kanilang mga hangganan” (Doktrina at mga Tipan 88:90), at mahuhulog ang mga bituin at magdidilim ang araw (tingnan sa Mateo 24:3–7, 29).

At nakakasindak ang lahat ng iyon. Iyon ba talaga ang mga kalagayan na babalikan ng Tagapagligtas?

Kapag naiisip ko ang mga nakakatakot na pangyayari sa Ikalawang Pagparito, madalas akong bumaling sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta para mapayapa at mapanatag. At nalaman ko na bagama’t ang Kanyang pagbabalik ay kinapapalooban ng maraming bagay na hindi natin alam, isang bagay ang sigurado:

Kung ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang ipamuhay ang ebanghelyo, hindi talaga tayo kailangang matakot.

Kaya sa halip na isipin ang lahat ng nakakatakot na bagay na iniuugnay natin sa pagbabalik ng Tagapagligtas, isipin natin kung paano natin maihahanda ang ating sarili para sa araw na iyon.

Paghahanda para sa Kanyang Pagparito

Isipin ang unang araw mo sa kolehiyo o sa isang bagong trabaho. Naaalala mo ba kung gaano ang kaba at pangamba mo? Para sa akin, naaalala ko kung paanong ang lahat ng mga hindi kilalang bagay ay pinagsama sa isang higanteng bola ng pagkabalisa.

Ngunit bagama’t ang pag-iisip tungkol sa Ikalawang Pagparito ay nagdudulot ng maraming gayon ding damdamin, itinuro sa atin kung paano tayo maghahanda. Sa isang pangkalahatang kumperensya kamakailan, itinuro sa atin ni Elder Steven D. Shumway ng Pitumpu na ang paglilingkod sa Simbahan at pagtupad sa ating mga tungkulin ay tutulong sa atin na maging handa sa pagharap sa Tagapagligtas:

“Habang tayo ay nakikibahagi sa gawain ng Diyos, inihahanda natin ang ating sarili at ang ibang tao sa pagbabalik ni Cristo. Ganoon na lamang kahalaga ang pangako ng Panginoon na ang mga calling, ministering, pagsamba sa templo, pagsunod sa mga pahiwatig, at iba pang paraan na naglilingkod tayo sa Diyos ay maghahanda sa atin na makita ang Tagapagligtas. …

“Sa masigasig na pagsisikap nating kumatawan para sa Tagapagligtas, tayo ay nagiging higit na katulad Niya. Iyan ang pinakamainam na paghahanda para sa sagradong sandali na ang bawat isa sa atin ay luluhod at kikilalanin na si Jesus ang Cristo.”

Noon pa man ay nahihikayat na ako ng katotohanan na tinutulungan tayo ng ebanghelyo na maging mas katulad ni Cristo para mas makilala natin Siya kapag Siya ay muling pumarito (tingnan sa 1 Juan 3:2).

Nalaman natin sa mga banal na kasulatan na “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” na “ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod [ni] … Jesucristo.” At dahil may kakayahan tayong manalangin at tumanggap ng ganitong uri ng pag-ibig, “na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad Niya na dalisay” (Moroni 7:47, 48).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang regular na pagsamba sa bahay ng Panginoon ay nagdaragdag sa kakayahan nating magkaroon ng kabanalan at pag-ibig sa kapwa-tao. … Ang dagdag na oras sa templo ay tutulong sa atin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi natin alam ang araw o ang oras ng Kanyang pagdating. Pero alam ko na ipinahihiwatig sa akin ng Panginoon na himukin tayo na maghanda para sa ‘dakila at kakilakilabot na araw’ na iyon [Malakias 4:5].”

Ang Dakilang Araw na Iyon

Malinaw na darating ang araw na iyon, anuman ang nadarama natin tungkol dito. Ngunit sa palagay ko ay hindi magiging kakila-kilabot ang araw na iyon para sa atin na umaasa nang may pananampalataya kay Jesucristo.

Sa araw na iyon, maririnig natin ang Kanyang tinig (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:21–22).

Makikita natin Siya bilang Siya, na puspos ng kaluwalhatian “kung kaya’t ang araw ay magkukubli ng kanyang mukha sa kahihiyan, at ang buwan ay magkakait ng kanyang liwanag” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:49).

Maaalaala natin kung paano Niya tayo iniligtas at tinubos “sa kanyang pag-ibig” (Doktrina at mga Tipan 133:53).

Ang matatapat ay “magsisiluhod at puputungan ng kaluwalhatian” (Doktrina at mga Tipan 133:32).

Tayo ay “mapupuspos ng mga awit ng walang hanggang kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 133:33).

Ang “ebanghelyo … ay ipangangaral sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao” (Doktrina at mga Tipan 133:37).

Yaong matatapat na Banal na pumanaw ay muling babangon at aawit ng mga papuri, “araw at gabi” (Doktrina at mga Tipan 133:56).

Siya ay “tatayo sa gitna ng kanyang mga tao, at maghahari sa lahat ng laman” (Doktrina at mga Tipan 133:25).

Wala akong maisip na mas dakilang araw kaysa sa araw na iyon!

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pinakamainam na payo sa [mga natatakot], sa inyo, at sa akin ay ang sumunod sa mga turo ng Tagapagligtas. Ang Kanyang mga tagubilin ay hindi misteryoso o komplikado. Kung sumusunod tayo sa mga ito, hindi natin kinakailangang matakot o mabahala.”

Kaya sa susunod na natatakot ka o nag-aalala o nababalisa tungkol sa maaaring mangyari sa Ikalawang Pagparito—o sa mga pangyayaring humahantong dito—tandaan lamang na para sa mga nagsisikap na maging katulad Niya, mahihigitan ng mga dakilang pangyayari ang mga kakila-kilabot na pangyayari.

“Sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagparito”? (Doktrina at mga Tipan 128:24).

Sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesucristo, makatatagal tayo.