3 Alituntunin ng Ebanghelyo na Tutulong para Magabayan Ka sa mga Dating App
Nasubukan mo na bang gumamit ng isang dating app para hanapin ang iyong makakasama sa kawalang-hanggan?
Ang pakikipagdeyt ay maaaring maging kapana-panabik at masaya! Gayunman, maaari ding mahirap na makakilala ng isang tao na kapareho mo ng mga pinahahalagahan—lalo na kung hindi ka nakatira malapit sa maraming miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (o marahil ay kilala mo na ang lahat ng miyembro sa inyong lugar). Sa sitwasyon ko, ang pinakamahusay na tool sa pakikipagdeyt na nakatulong sa akin na kumonekta sa iba ay ang isang app.
Noong una, nag-alangan at nagduda ako na makakatagpo ako ng isang tao sa ganitong paraan. At mahirap ito! Marami ang umayaw sa akin. Pero nakabuo din ako ng mga makabuluhang koneksyon.
Nang magsimula ako sa isang dating app, ang tatlong alituntuning ito ng ebanghelyo ang gumabay sa akin. Kung magpapasiya kang gumamit ng isang dating app, sana ay magabayan ka rin ng mga ito!
“Naniniwala kami sa pagiging matapat.”
Ang katapatan ay isang kahanga-hanggang unang impresyon, at ito ay matibay na pundasyon para sa kasal na pang-walang hanggan.
Itinuro ni Sister Ann M. Dibb, dating Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency: ”Kapag tayo ay tapat sa lahat ng bagay, malaki man o maliit, napapanatag ang isip natin at budhi. Bumubuti ang ating pagsasamahan dahil naroon ang pagtitiwala. At ang pinakamalaking pagpapalang nagmumula sa pagiging tapat ay ang makasama natin ang Espiritu Santo.”
Mahalagang maging matapat sa iyong profile at pakikipag-ugnayan sa iba. Narito ang ilang paraan na maaari kang maging matapat:
-
Ipakita mo ang totoo at kasalukuyang mga larawan mo.
-
Sabihin ang iyong totoong edad.
-
Kung hindi ka interesado sa isang tao, tapatin sila sa halip na i-ghosting o paasahin sila.
-
Huwag magsinungaling tungkol sa iyong edukasyon, taas, atbp. Kapag tapat ka sa iyong sarili, pasasalamatan ng iyong kadeyt na mapagkakatiwalaan ka.
“Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.”
Maging bukas at handang makilala ang iba’t ibang tao. Napakaraming mas mahahalagang bagay kaysa sa pisikal na hitsura at atraksiyon. Maaaring masaya palang kasama ang isang tao na karaniwang hindi mo sinu-swipe on. Magtuon sa mga espirituwal na katangian, parehong mga pinahahalagahan, at kung paano ka niya (at ang iba) pinakikitunguhan!).
Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, ”Sa plano ng kaligayahan ng Diyos, hindi tayo naghahanap ng isang taong perpekto kundi ng isang taong makakatuwang natin, habambuhay, sa mga pagsisikap na bumuo ng mapagmahal, tumatagal, at mas perpektong relasyon.“
Bigyan ng pagkakataon ang mga tao. Maaaring mapalapit ka sa isang tao na hindi mo inaasahan! Ang asawa ko, sa totoo lang, ay hindi tugma sa mga ekspektasyon ko. Naisip ko na magpapakasal ako sa isang extrovert na katulad ko, pero sa halip, nagpakasal ako sa isang introvert. Si Gavin ay matiyaga, mahinahon, at kalmado; binabalanse niya ako.
Manatiling bukas ang isip at puso—hindi mo alam kung sino ang maaari mong makasundo.
“Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti.”
Bagama’t nakatutulong ang mga dating app, dapat isaalang-alang ang pag-iingat.
Ilang beses na akong nakipagdeyt at nakadama ako ng pagkabalisa. Minsan bago ako lumabas bago makipagdeyt, talagang sobra ang pagkabalisa ko, at nadama ko na ikansela ito; gayunman, nag-alala ako na masaktan ang damdamin ng aking kadeyt, kaya itinuloy ko pa rin ito.
Hindi nagtagal ay naging malinaw sa akin na hindi nirerespeto ng lalaking ito ang mga pamantayan ko. May sinabi siya na naging dahilan para maasiwa ako, at sana ay nakinig ako sa pahiwatig na natanggap ko na kanselahin ang deyt.
Kung sa tingin mo ay hindi ka ligtas o hindi ka komportable sa sinuman, OK lang na umalis nang maaga o kanselahin ang deyt. Makinig sa Espiritu at maging handang sundin ang paghahayag na natanggap mo.
Narito ang ilang paraan na maaari mong matiyak na ligtas ka sa iyong deyt:
-
Magkita sa isang pampublikong lugar sa halip na sunduin ka ng iyong kadeyt sa bahay.
-
Ipaalam sa isang tao kung saan ka pupunta at kung gaano katagal ka mawawala.
-
Magkaroon ng isang kaibigan na kokontakin mo kung malagay ka sa panganib.
Ang pagtitiwala sa Espiritu ay maaari ding mangahulugan ng pag-alam kung dapat mong ipagpatuloy ang isang relasyon. Bagama’t mabuti ang pagsasaalang-alang ng damdamin ng iba, hindi katalinuhan ang ikompromiso ang personal na paghahayag na natanggap mo dahil ayaw mong makasakit.
Tandaan: nais ng Panginoon na may pagsisikap.
Kung sa palagay mo ay mabuting paraan para sa iyo ang subukan ang isang dating app upang makakilala ng mga tao, dapat mong malaman na magkakaiba ang karanasan ng bawat isa. Siguro makakahanap ka ng makakasama mo sa kawalang-hanggan. O maaari kang matutong mas harapin ang mga hamon at hirap sa relasyon at lumabas sa iyong comfort zone.
Anuman ang mangyari, mahal ka ng Diyos. Alam niya ang nasa puso mo. Sinabi ni Sister Joy D. Jones, dating Primary General President: “Nais ng Panginoon na may pagsisikap, at ang pagsisikap ay naghahatid ng mga gantimpala. Patuloy tayong nagpapraktis. Palagi tayong umuunlad hangga’t nagsisikap tayong sumunod sa Panginoon.”
Ang pakikipagdeyt sa pamamagitan ng mga app ay maaaring mahirap, pero kapag ginamit sa matwid na praan, maaari kang ikonekta ng mga ito sa mabubuting tao. Darating sa iyo ang mga pagpapala kapag ipinamumuhay mo ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo at ginagawa ang lahat para maging katulad ni Cristo habang hinahanap mo ang iyong makakasama sa kawalang-hanggan.