5 Paraan para Maproseso ang mga Alaala na Hindi Gaanong Masaya sa Mission
Ang pag-uwi mula sa mission ay isang malaking pagbabago sa buhay, at normal lang na makadama ng pagkabalisa.
Kapag iniisip natin ang misyon, maaari nating maisip ang mga sandaling nagpapabago sa buhay, taos-pusong paglilingkod, at malalim na espirituwal na paglago. At maaari din nating maisip ang ilang mahihirap na sandali—na iniisip ang ating sarili na walang kahirap-hirap na nagtagumpay.
Pero ano ang mangyayari kung hindi umayon sa ipinlano mo ang iyong misyon? Paano kung umuwi kang dismayado, nalilito, o hindi gaanong tiwala sa sarili kaysa dati?
Narito ang katotohanan: Hindi ganap na nangyayari sa ilang mission ang gaya ng inaasahan (bagama’t bibihira ang napakatinding sitwasyon). Sa katunayan, dahil sa masalimuot na katangian ng mga mission, karaniwan na sa mga returned missionary ang magkaroon ng mahihirap na tanong.
Maaaring iniisip ng ilan:
“Sapat na ba ang nagawa ko?”
“Bakit mas hindi ako sigurado ngayon kaysa noon?”
O kaya’y, “Bakit, pagkatapos ng maraming pagsasakripisyo, hindi ako masaya tulad ng inaasahan ko?”
Kung mahirap ang buhay pagkatapos ng misyon, maitatanong mo rin, “Paano ko matatagpuan ang mga ipinangakong pagpapala mula sa aking paglilingkod?”
Tunay ang mga damdaming ito, at hindi ka nag-iisa. Narito ang ilang ideya na dapat pag-isipan habang pinoproseso mo ang anumang hindi gaanong masasayang karanasan sa mission:
1. Humingi ng Payo sa Tamang mga Tao
Mahalagang makipag-usap sa isang taong makatutulong sa iyo na iproseso ang iyong karanasan sa mabuting paraan at bumaling kay Jesucristo—tulad ng mga pinagkakatiwalaang kaibigan, mga lider ng Simbahan, o isang counselor.
Iwasan ang mga tao na maaaring husgahan ang iyong nadarama o ang mga taong sisisihin ang iyong misyon. Sa halip, maghanap ng isang taong tutulong sa pagbalanse—isang taong tutulong sa iyo na pagnilayan ang iyong mga karanasan nang hindi nahihiya habang hinihikayat ang personal na kalayaan at responsibilidad.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Isangguni ang inyong mga tanong sa Panginoon at sa iba pang mapagkakatiwalaang sanggunian. Mag-aral nang may hangaring maniwala sa halip na umasang may makikitang kamalian.”
Kasama ang Tagapagligtas, maaari kang makahanap ng kabuluhan sa iyong misyon, gaano man kahirap ang iyong mga naranasan. Nakausap ko ang mga returned missionary na naghintay ng maraming taon para iproseso at unawain ang mahihirap na karanasan sa misyon. Pero hindi kailangang patuloy na isipin ang malulungkot na karanasan—huwag maghintay ng maraming taon para magsimula. Maaari mong simulan ang paggaling ngayon sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
2. Hayaan ang Iyong Sarili na Malungkot
OK lang na malungkot kung hindi gaanong naging tulad ng inaasahan mo ang iyong misyon. Ang ganitong uri ng kalungkutan—pagkilala sa kung ano ang hindi nangyari ayon sa ipinlano—ay maaaring magpagaling. Ang mga saloobing tulad ng “Hindi nangyari ang inaasahan ko, at OK lang iyon” ay makatutulong sa iyo na tanggapin ang katotohanan, damhin at unawain ang kalungkutan, at sumulong.
Sa kabilang banda, ang mga saloobing tulad ng “Siguro may mali sa akin” ay maaaring humantong sa pagkadismaya at hindi pagsulong. Ang pagtanggap sa iyong karanasan at nadarama kung ano talaga ang mga ito, nang walang paninisi, ang unang hakbang sa paggaling.
Nagpatotoo si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Natutuhan ko na kung lalapit tayo sa Diyos at aabutin Siya, talagang makasusumpong tayo ng paggaling, kapayapaan, at kagalakan.”
3. Maging Responsable sa Iyong mga Iniisip at Nadarama
Ang nadarama mo tungkol sa iyong misyon ay naiimpluwensiyahan ng mga kaisipang pinagtutuunan mo. Subukang isulat ang mga naiisip mo tungkol sa iyong misyon. Alin sa mga ito ang nagdudulot sa iyo ng kapayapaan? Alin sa mga ito ang nagpapahina ng iyong loob?
Ang kalayaan mong pumili ay hindi lamang kinapapalooban ng mga kilos mo kundi pati na ng mga iniisip mo. Sa pamamagitan ng unti-unting pagbabago ng paraan ng iyong pag-iisip tungkol sa iyong misyon, mababago mo ang nadarama mo tungkol dito. Ang paggaling ay nagsisimula sa pagbabagong ito ng nasasaloob natin—paisa-isang saloobin, ngunit kapag handa ka na.
4. Piliin ang Pag-ibig sa Kapwa-tao at Pagpapatawad
Maaaring nakaugnayan mo ang mga tao—mga kompanyon, lider, o iba pa—na ang mga kilos ay nakakadismaya o nakakasakit. Mahalagang tandaan na ang kanilang inasal ay naglalarawan sa sarili nilang mga problema o pagdurusa, at hindi ito naglalarawan ng iyong halaga. Lahat ng tao ay nakakaranas ng stress, pressure, at matinding emosyon na kung minsan ay humahantong sa di-magandang pag-uugali. Bagama’t hindi iyon makatwiran, ang pag-unawa na ang kanilang mga aksiyon ay hindi tungkol sa iyo ay makatutulong sa iyo na alisin ang galit at hinanakit. Ang paggawa nito ay magpapalaya sa iyo para makasulong nang payapa.
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Inaanyayahan ko kayong hangaring wakasan ang personal na tunggalian na nagpapabigat sa inyo. Mayroon bang mas mainam na pagpapakita ng pasasalamat para sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Kung sa ngayon ay parang imposible ang pagpapatawad, humingi ng kapangyarihan na tulungan kayo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo. Sa paggawa nito, nangangako ako ng personal na kapayapaan at ng biglang paglakas ng espirituwal na momentum.”
5. Maging Mabait sa Iyong Sarili
Ang pag-uwi mula sa mission ay isang malaking pagbabago sa buhay, at normal lang na makadama ng pagkabalisa. Ang nararamdaman mo ay mahalaga. Kaya sa halip na husgahan ang iyong sarili, kahabagan ang sarili. Maging matiyaga sa iyong sarili, at magtiwala na kapag bumaling ka sa Tagapagligtas at ginamit ang kapangyarihang ibinigay Niya sa iyo upang magbago at umunlad, tutulungan ka Niyang matagpuan ang paggaling at closure na hinahangad mo.
Tandaan, madalas na nangyayari sa mga hindi inaasahang sandali ang pinakamalaking pag-unlad. Kapag humihingi ka ng tulong, natututong maging matiyaga sa iyong sarili at sa iba, at “[hindi ka nakasalig] sa sarili mong pang-unawa” (Mga Kawikaan 3:5), tatanggap ka ng kapayapaan.
Nagtitiwala sa iyo ang Ama sa Langit at si Jesucristo, at mapagkakatiwalaan mo Sila at ang Kanilang plano ng kaligayahan, na palaging kinabibilangan ng panghihikayat na espirituwal na umunlad.
Matututuhan mong pagaanin ang kabiguan sa pamamagitan ng pag-unawa, kabaitan, at habag—ang gayon ding pag-unawa, kabaitan, at habag na ipinadama sa iyo ng Tagapagligtas.