2025
Gumugugol Ka Ba ng Masyadong Maraming Oras nang Nag-iisa?
Nobyembre 2025


Gumugugol Ka Ba ng Masyadong Maraming Oras nang Nag-iisa?

Akala ko ang paghiwalay ko sa iba ay magbibigay sa akin ng kapayapaan.

isang lalaki na tila malungkot sa gitna ng isang grupo ng mga taong nag-uusap

Gusto kong mapag-isa. Kahit isa akong extrovert, ang pagkakaroon ng oras nang mag-isa ay tumutulong sa akin na gawing makabuluhan ang aking maghapon at mapanatag.

Pero kapag hindi maganda ang araw ko, nakagawian kong ihiwalay ang aking sarili at humiga sa aking kama, magtalukbong ng kumot, at mag-scroll sa aking telepono. Inaalis nito sa isipan ko ang mga bagay na bumabalisa sa akin.

Pero napansin ko na kapag lalo kong ginagawa ito, mas lalong mahirap itong itigil. At kapag inihihiwalay ko palagi ang aking sarili, mas lalong hindi maganda ang nadarama ko kaysa dati.

Kamakailan, ang pag-uugaling ito ay nakaapekto sa aking espirituwal na buhay at nagpadama sa akin na ganap akong hindi nakakonekta sa Ama sa Langit. Pinalala rin nito ang problema ko sa kalusugan sa pag-iisip. Gusto kong makawala sa gawing ito na paghiwalay ng aking sarili sa iba, kaya nagpasiya akong pag-aralan kung ano ang panlaban sa kalungkutan. Gusto kong malaman kung paano palalakasin ang aking mental at espirituwal na kalusugan.

Narito ang ilang bagay na nalaman ko.

Ang Kahalagahan ng Mabubuting Ugnayan

Habang mas marami akong natututuhan tungkol sa kalungkutan, natagpuan ko ang isang pag-aaral na nakatuon sa kung ano ang humahantong sa habambuhay na kaligayahan. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang pagkakaroon ng malapit at masayang relasyon ay maaaring magpabuti sa kalidad ng ating buhay. Sa katunayan, ang pakikipag-ugnayan sa komunidad ay mas nagpapasaya sa atin at mas nagpapahaba ng buhay.

Ang pagbabasa tungkol sa pag-aaral na ito ay nagpaalala sa akin kung paano pinaglingkuran ni Jesucristo ang iba sa Kanyang ministeryo sa mundo. Bawat isa sa mga pakikipag-ugnayang ginawa Niya sa pamamagitan ng paglilingkod ay tunay at makabuluhan. Siya ang perpektong halimbawa ng mataas na uri ng pakikipag-ugnayan.

Inilarawan ni Elder Ian S. Ardern ng Pitumpu ang magiliw at likas na kabaitan ng Tagapagligtas: “Ang pagiging mahabagin ay isang katangian ni Cristo. Ito ay nagmumula sa pagmamahal sa kapwa at walang limitasyon. Si Jesus, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, ay uliran sa pagiging mahabagin.”

Ang pahayag na ito ay nagbigay-inspirasyon sa akin na tularan ang halimbawa ni Jesucristo at tunay na tumulong sa iba. Maging sa trabaho, sa paaralan, o sa aking pamilya, nagpasiya akong pagtuunan ang iba sa buong maghapon. Tinanong ko ang sarili ko kung may sinuman na maaari kong matulungan, maaari kong maging kaibigan, o sinuman na nangangailangan ng kaunting dagdag na pagmamahal.

Nang lalo akong naglingkod sa iba, mas lalo akong espirituwal na sumigla.

Kailan Magandang Ideya ang Mapag-isa?

Maaaring makabuti ang pag-uukol ng oras nang mag-isa para magpahinga at suriin ang ating mga iniisip, lalo na kapag kailangan nating magnilay at makinig sa Espiritu. Pero kung lagi tayong nag-iisa sa lahat ng oras, maaaring humantong ito sa pagpapakasaya sa sarili, at mawala sa atin ang mga pagkakataon na makipag-ugnayan.

Habang sinisikap kong alamin kung paano ibabalanse ang oras nang mag-isa at oras na kasama ang iba, pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan at ang buhay ng Tagapagligtas at nanalangin para humingi ng kasagutan.

Ang Tagapagligtas ay “[umalis] papunta sa ilang at nanalangin” (Lucas 5:16). Malamang na nais Niyang mapag-isa upang makausap ang Kanyang Ama. Tulad ni Cristo, maaari din nating gamitin ang oras nang nag-iisa upang makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit, na makatutulong sa atin na anyayahan ang Espiritu Santo sa ating buhay.

Paghahanap ng Balanse

Kung iniisip mo kung nag-uukol ka ng masyadong maraming oras nang nag-iisa, sumangguni sa Ama sa Langit. Pansinin ang pakikisalamuha at emosyonal na mga pangangailangan mo. Kapag nalulungkot ka, tumulong! Huwag mag-ukol ng mas marami pang oras nang nag-iisa. Sanayin ang pagkakaroon ng wastong balanse ng iyong oras at dapat alam mo ang tendensiyang ihiwalay ang iyong sarili.

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Walang sinumang napakalakas na hindi sila kailanman napapagod o naiinis o kumikilala sa pangangailangang pangalagaan ang kanilang sarili. …

“… Kailangang mayroong gasolina ang tangke bago ninyo ito maibigay sa iba.”

Alam ng Ama sa Langit ang ating mga kalagayan. Alam Niya ang ating mga alalahanin, hangarin, at mga pangangailangan. Alam din Niya ang ating mga personalidad—at na maaaring kailangan ng ilan sa atin na mas mapag-isa kaysa sa iba upang matimbang kung ano talaga ang mahalaga. At OK lang iyan!

Kung magtitiwala tayo na papatnubayan Niya tayo, mauunawaan natin kung kailan ang oras na kailangan nating mapag-isa at kung kailan ang oras na kailangan nating makipag-ugnayan sa iba.