2025
Paano Ako Natulungan ng Ear Surgery ng Aking Anak na Pangalagaan ang Kanyang Koneksyon sa Diyos
Nobyembre 2025


Para sa mga Ina ng Maliliit na Bata

Paano Ako Natulungan ng Ear Surgery ng Aking Anak na Pangalagaan ang Kanyang Koneksyon sa Diyos

Nadama kong tinuturuan ako ng aking Tagapagligtas na malaman na Siya ang namamahala at nangangalaga sa aking anak.

isang bata pang ina at isang maliit na batang lalaki na magkahawak-kamay

Nang dumalaw si Jesucristo sa mga Nephita matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, “kanyang iniutos na ang kanilang maliliit na anak ay ilapit.

“… At ang maraming tao ay nagbigay-daan hanggang sa ang lahat ay madala sa kanya” (3 Nephi 17:11–12; idinagdag ang diin).

Ngayon, paano tayo “nag[bi]bigay-daan” at dinadala maging ang ating maliliit na anak sa Kanya? Nais kong magbahagi ng isang kuwento na nakatulong sa akin na maunawaan kung paano ko ito magagawa sa makabagong panahon.

Noong sanggol at musmos pa lamang ang aking bunsong anak na lalaki, maraming beses siyang inoperahan para maipasok ang mga tubo na mag-aalis ng likido mula sa kanyang mga tainga. Noong siya ay apat na taong gulang, isang tainga niya ang hindi gumagana nang maayos, at namuo ang likido. Ang huling operasyon para maglagay ng tubo ang magpapasiya kung lubusan nang hindi makakarinig ang tainga na iyon.

Dahil alam namin na kailangan namin ang tulong ng Diyos, sinimulan naming mag-asawa na lalo pang sadyang turuan ang aming anak na lalaki tungkol sa kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga basbas ng priesthood, panalangin, at pananampalataya, habang masigasig ding hinahangad ang kapangyarihang iyon para sa kanya. Ang operasyon ay mas matindi kaysa sa ibang mga operasyon niya. Nang magising siya, umiiyak at namimilipit siya sa sakit, ayaw niyang magpayakap sa akin—o kahit hawakan ko. Pinanghinaan ako ng loob! Pero hindi nagtagal ay nakarekober siya, at umuwi kami para hintayin kung gagaling ang kanyang tainga.

Sa loob ng ilang linggo, ipinagdasal ng aming anak sa kanyang bawat panalangin na gumaling na ang kanyang tainga. Patuloy na nanalangin ang aming pamilya, pero sa tuwing nagdarasal siya para sa kanyang sarili, mas napapanatag ako. Lalo siyang nagtuon sa paghingi ng pagpapala sa kanyang Ama sa Langit.

Nadama kong tinuturuan ako ng aking Tagapagligtas na malaman na Siya ang namamahala at nangangalaga sa aking anak. Higit sa lahat, nakita ko na nagsisimulang maunawaan din iyon ng aking anak. Sa kanyang murang edad ay tila alam na niya na kasama niya ang Diyos. Nakita ko na nakadama siya ng personal na koneksyon. Napanatag ako. Anuman ang resulta, ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay sasamahan at palalakasin siya—at ang aming pamilya—para magawa ang anumang hinihingi sa kanya.

Akayin Sila Patungo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Ang karanasang ito ay nagpaunawa sa dalawang mahahalagang realisasyon.

Una, kailangan kong magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanilang karunungan at pagmamahal sa aking anak.

Hindi matanggap ng bawat himaymay ng aking pusong-ina na hindi protektahan, ayusin, at iligtas ang aking mga anak mula sa kanilang mga pakikibaka sa buhay. Ngunit kung minsan, ang pagmamahal at pag-akay sa kanila patungo sa kanilang Ama sa Langit at sa kanilang Tagapagligtas habang nakikibaka sila sa buhay ang maaaring lubos na magpala sa kanila.

Sila ay may mapagmahal na Ama sa Langit na may perpektong plano. At kung minsan, sa Kanyang karunungan at pagmamahal, pinahihintulutan Niya ang ating mga anak na makadama ng sakit, pagdurusa, at kalungkutan habang nararanasan nila ang mortal na karanasang ito at nagiging katulad Niya. Natanto ko na kung aalisin ko ang mga paghihirap, maaaring mahadlangan ko ang ilang pagkakataong umunlad sa maluwalhating gawain ng Ama sa Langit.

Pangalawa, natanto ko na isang masayang pagpapala ang tumulong na pangalagaan ang koneksyon ng ating mga anak kay Jesucristo at sa Ama sa Langit bago sila sumapit sa kanilang hustong gulang para makipagtipan sa Kanila.

Pagningasin ang Apoy

Sinabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang hamon sa atin bilang mga magulang at guro ay hindi ang lumikha ng espirituwal na pundasyon sa kanilang mga kaluluwa kundi sa halip ay ipagpatuloy ang kanilang espirituwal na pag-unlad dahil sa taglay nilang pananampalataya noon pa sa buhay bago ang buhay na ito.”

Maaari nating pagningasin ang apoy na iyon ng pananampalataya sa maraming maliliit at simpleng mga paraan, kabilang na ang pagtuturo ng tatlong mahahalagang alituntunin sa ating mga anak:

Manalangin Upang Malaman na Nariyan ang Diyos

Sa pagtuturo sa ating mga anak na magpasalamat at humingi ng mga pagpapala, maaari nating pag-isipan ang simpleng payo sa mga bata ni Pangulong Susan H. Porter, Primary General President, na “ipagdasal na malaman [kung ang] … ‘Ama sa Langit … ba’y nar’yan?’”

Kapag tinutulungan natin ang mga bata na ibuhos ang kanilang puso at pakinggan ang nadarama nila at ang mga ideyang pumapasok sa kanilang isipan, “maaari[ng] malaman [nila mismo] na nariyan Siya at na mahal Niya [sila].”

Pagkatapos, makatutulong tayo na maikonekta ang ating mga anak sa Kanya kapag kailangan nila ng tulong sa pag-aaral ng isang bagay na bago. Ang pagbaling ng kanilang batang puso sa Kanya ay maaaring maging isang likas na huwaran ng paglago.

Kilalanin ang Espiritu Santo

Kapag nakikita natin na nadarama ng isang bata ang impluwensya ng Espiritu Santo, maaari nating itanong, “Ano ang pakiramdam mo? Sa tingin mo, saan nanggagaling ang mga nadarama mong iyon? Ano sa palagay mo ang nais ng Ama sa Langit na malaman mo?” Bigla na lang, itinuturo sa inyo ng inyong anak ang tungkol sa Espiritu Santo.

Unawain ang Kasagraduhan ng Salita ng Diyos

Kahit maliliit pa ang mga anak para magbasa, matututo sila sa pamamagitan ng inyong halimbawa na ang salita ng Diyos ay sagrado at na pinagpapala tayo kapag sinusunod natin ang Kanyang mga salita.

Nakakita ako ng tatlong taong gulang na mga bata na yakap ang mga banal na kasulatan at masayang nagmamarka ng mga talata at “nagbabasa” sa sarili nilang kopya ng mga banal na kasulatan. Kahit nakabaligtad ang mga salita, natutuhan nila na mahalagang malugod sa salita ng Diyos!

Gabayan Sila upang Madama ang Kanyang Presensiya

Maaari ninyong itanong sa inyong mga anak ang tanong na gustung-gusto kong itanong sa mga bata sa Primary: “Paano kayo pinagpapala dahil kay Jesucristo?” Maaaring magulat kayo sa kanilang mga sagot.

Maaaring matuto ang mga bata na umasa sa Kanya para sa kapanatagan, lakas, at kaalaman. Maaari tayong “magbigay-daan” para makita, maramdaman, at malaman nila ang Kanyang kapangyarihan at presensya sa kanilang buhay habang bata pa sila.

Ang aming anak na lalaki ay nabiyayaan ng ganap na paggaling at panunumbalik ng kanyang pandinig, pero kahit hindi ito ang kalooban Niya, natutuhan ko pa rin kung paano tulungan ang aking anak na ikonekta kay Jesucristo at sa Ama sa Langit.

Sa pamamagitan ng maliliit at simpleng mga paraan, ang kanyang espirituwal na pundasyon ay nagsimulang magliwanag.