Matapos Makaranas ng Trauma, Paano Ko Matututuhan na Ituring ang Seksuwalidad Bilang Kaloob ng Diyos?
Pakiramdam ko ay imposibleng makita ang mabuti sa seksuwalidad matapos akong masaktan ng seksuwal na pang-aabuso at pornograpiya.
Ang awtor ay naninirahan sa Nevada, USA.
Minsan ay naniwala ako na ang seksuwalidad ay banal na kaloob sa lahat ng anak ng Diyos—maliban sa sarili ko.
Nalantad ako sa pornograpiya noong maliit pa ako at biktima ako ng seksuwal na pang-aabuso. Habang lumalaki ako, nahirapan ako sa trauma na naranasan ko noong bata pa ako. Bumaling ako sa mga nakapipinsalang gawain para makayanan ang nararamdaman ko.
Ang pagpapagaling ko ay hindi madali, at hindi pa rin ito tapos, pero malayo na ang narating ko sa landas tungo sa paggaling. Sa mga sandali ng kapayapaan, pakiramdam ko ay pinalitan ng Diyos ng kapayapaan at kapahingahan ang aking pagkalito at pasakit. Kinailangan ng pagtitiyaga ng maraming tao na may katangian ni Cristo, resources mula sa Diyos, at Pagbabayad-sala ni Cristo para makadama ng paggaling.
Narito ang ilang bagay na natutuhan ko na nakatulong sa akin at maaaring makatulong sa iyo para maunawaan ang mga layunin ng Panginoon para sa seksuwalidad.
Ipagdasal ang Iyong mga Paghihirap
Sa loob ng mahabang panahon, hindi ko inisip na nagmamalasakit ang Diyos tungkol sa hirap na nararanasan ko sa seksuwalidad. Ngunit ang pahayag na ito ni Pangulong Russell M. Nelson ay nakatulong sa akin na matanto na alam ng Diyos ang lahat ng paghihirap o problema natin: “Tinitiyak ko sa inyo na mahal kayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Alam na alam Nila ang inyong sitwasyon, inyong kabutihan, inyong mga pangangailangan, at inyong paghingi ng tulong sa inyong mga panalangin.”
Alam ng Diyos ang epekto ng lahat ng problema sa ating buhay, gaano man ito kakumplikado. Nais Niyang marinig ang ating mga alalahanin at katanungan, sa anumang paksa. Maaaring naniniwala ang ilan na hindi nararapat na makipag-usap sa Diyos tungkol sa mga isyu na may kinalaman sa seksuwalidad, ngunit nais Niya na kausapin natin Siya tungkol sa lahat ng bagay.
Nang humingi ako ng tulong sa Ama sa Langit, ang mga pagsubok ko ay nagbigay-daan upang mas maunawaan ko ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas at ang Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan. Alam ko na nauunawaan Niya ang aking mga paghihirap, kaya mas madaling bumaling sa Kanya.
Humingi ng Payo sa mga Pinagkakatiwalaang Indibiduwal
Ang pakikipag-usap sa mga pinagkakatiwalaang indibiduwal tulad ng mga lider ng relihiyon, mga mental health professional, at mga miyembro ng pamilya tungkol sa mabibigat na paksa ay maaaring mahirap, pero ang payo nila ay maaaring magbigay ng kapanatagan.
Pagkatapos ng misyon ko, kinausap ko ang aking bishop tungkol sa trauma ko. Ang aming pag-uusap, na ginabayan ng Espiritu Santo, ay nakatulong sa akin na magkaroon ng mas positibong pananaw. Mas naging tapat din ako sa aking mga magulang, na nagbigay ng payo mula sa maraming taon ng karunungan. Nakinabang ako nang malaki sa pagbabahagi ng mga hamon ko sa matatapat, espirituwal na matalino, at nagmamalasakit na mga tao sa buhay ko na nagturo sa akin kung ano talaga ang tunay na kahulugan ng “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” at “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” (Mosias 18:8, 9).
Dagdag pa rito, ang tamang mga consultant at therapist sa kalusugan ng pag-iisip ay naging mahalaga sa aking pagpapagaling. Kapag ang isang tao ay nakaranas ng seksuwal na trauma, iba’t ibang pangmatagalang epekto ang kadalasang kasama nito. Ang mga propesyonal ay sinanay upang tugunan ang sikolohikal na pinsala at magbigay sa atin ng mga wastong kasangkapan upang gumaling.
Maging Maingat sa Pagpili ng Media
Sa therapy natutuhan ko na ang pag-iingat at patnubay ng Espiritu ay makatutulong sa atin sa pagpili ng media. Ang masasama, at makamundong paglalarawan sa seksuwalidad ay maaaring makapinsala dahil sa maling impormasyon na bumabaluktot sa kasagraduhan ng seksuwalidad at seksuwal na intimasiya.
Sinabi minsan ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023): “Karamihan sa mga sitcom, drama, at [reality show ngayon] ay naglalaman ng imoralidad … at tagong panlilibak sa tradisyunal na pinahahalagahan at pamilya. Taun-taon tila palala nang palala ang mga bagong palabas, na pinalalawak ang mga hangganan ng pagtanggap ng publiko.”
Natutuhan ko rin ang tungkol sa banal na layunin ng seksuwal na damdaming ibinigay ng Diyos at na dapat itong ipahayag nang may paggalang at pagmamahal sa mga hangganang itinakda Niya: ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Ito ay nagpabago sa akin.
Sikaping Unawain ang Bawat Isa (Pati na ang Iyong Sarili) Ayon sa Pag-unawa ng Diyos
Noon ay galit ako sa mga taong nakakasakit sa iba, maging ito man ay pisikal, emosyonal, espirituwal, o seksuwal. Ang galit ay isang normal na damdamin, lalo na kung biktima ka ng trauma o pang-aabuso, at nahirapan ako sa naiisip na kasamaan sa mundo.
Pakiramdam ko ay makatwirang isipin ito, pero ang pamumuhay nang may pagkapoot ay hindi nagbunga ng anumang positibong resulta. Ang pagpiling mapoot ay humadlang sa aking paggaling. Sa halip na mapoot, sinubukan kong ipakita ang pagmamahal sa lahat, pati na sa aking sarili.
Tulad ng itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nang nakaunat ang mga bisig, ibinibigay sa inyo ng Tagapagligtas ang kaloob na pagpapagaling. Nang may katatagan, tiyaga, at tapat na pagtuon sa Kanya, hindi magtatagal ay lubos ninyong matatanggap ang paggaling na ito. Maaari na ninyong pawalan ang pasakit na nadarama ninyo at ipaubaya ito sa Kanya.”
Pinatototohanan ko na alam ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang ating mga kalagayan. Sila ay nagmamalasakit sa ating buhay at nais na makahanap tayo ng paggaling mula sa pasakit na dinaranas natin. May paggaling, kapayapaan, at kapahingahan para sa lahat. Hindi natin dapat pasanin nang mag-isa ang ating mga pasanin.
Anuman ang pinagdaanan natin, sa tulong ng Tagapagligtas, matututuhan nating maunawaan ang ating seksuwal na damdamin bilang kaloob na bigay ng Diyos.