“Pagkontrol sa Nadaramang Galit: Pagtugon sa Galit sa Pamamagitan ng Pagsunod sa Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pagkontrol sa Nadaramang Galit: Pagtugon sa Galit sa Pamamagitan ng Pagsunod sa Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Pisikal at Emosyonal na Kalusugan: Lesson 186
Pagkontrol sa Nadaramang Galit
Pagtugon sa Galit sa Pamamagitan ng Pagsunod sa Tagapagligtas
Normal lang na makaranas ng galit. Bagama’t maaaring hindi natin makontrol ang mga sitwasyong nagdudulot sa atin ng galit, maaari tayong magpasiya kung paano tayo tutugon. Kapag nakatingin tayo kay Jesucristo, matutulungan Niya tayong tumugon tulad ng gagawin Niya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na sundin ang halimbawa ni Jesucristo kapag nakararanas ng galit.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na maglista ng mga sitwasyon kung saan maaari silang matuksong tumugon nang may galit. Maaari din nilang suriin kung gaano kadalas sila nagagalit at kung paano nila makokontrol ang mga damdaming ito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Nagpatung-patong na tensyon
Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan sa pisara o magdala ng hindi pa nabubuksang lata ng soft drinks sa klase. Habang tinatalakay mo ang sumusunod na tanong, maaari mong alugin ang lata, pero huwag mo itong buksan.
-
Ano ang mangyayari sa loob ng hindi pa nabubuksang lata ng soft drinks kung paulit-ulit mo itong aalugin? Ano ang mangyayari kung bubuksan mo ito?
Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan. Kung nagdala ka ng lata at inalog mo ito, huwag itong buksan; maaari mo itong patuloy na ipakita sa buong lesson.
-
Ano ang ilang paraan na maiuugnay mo ang halimbawang ito kapag nagagalit?
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong ipaliwanag na ang lata ay maaaring kumatawan sa atin, at ang soft drinks ay maaaring kumatawan sa ating damdamin. Ang pag-alog ng lata ay maaaring sumalamin sa mga kilos, sitwasyon, o pakikipag-ugnayan na maaaring humantong sa nagpatung-patong na tensyon (galit) sa kalooban natin.
Ang lahat ay nakadarama ng galit. Tulad ng pagiging normal para tumaas ang presyon sa loob ng isang inalog na lata ng soft drinks, normal din sa atin ang magalit. Gayunpaman maaari nating piliin kung paano tayo tutugon sa mga damdaming ito.
Pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa scale na 1 hanggang 5 (1=mababa; 5=mataas), gaano kayo kadalas nagagalit? Paano maaaring i-rate ng iba kung gaano kadalas kayong magalit?
-
Ano ang madalas ninyong tugon kapag nakadarama kayo ng galit?
Habang nag-aaral kayo ngayon, humingi ng patnubay mula sa Espiritu Santo para tulungan kayong matutuhan kung paano kayo tutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na kontrolin ang nadaramang galit.
Mga kahihinatnan ng pagkilos dahil sa galit
Para sa isang halimbawa sa banal na kasulatan tungkol sa mga ibinubunga ng galit, maaari mong talakayin ang salaysay tungkol kay Esau sa Genesis 27. Kung napag-aralan na ng mga estudyante ang kuwentong ito sa Lesson 30: “Genesis 25–27,” maaari kang gumamit ng ibang kuwento, tulad ng kuwento tungkol kay Cain (tingnan sa Moises 5:21–23, 26–27, 32) o kay Asa (tingnan sa 2 Mga Cronica 16:7–13).
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kuwento tungkol kay Esau, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kanya. Pagkatapos ay basahin o ibuod ang sumusunod na talata. O maaari mong ipanood ang “Jacob and Esau” (time code na 1:10 hanggang 1:53) mula sa ChurchofJesusChrist.org.
Sina Isaac at Rebeca ay nagkaroon ng kambal na anak na lalaki na sina Esau at Jacob. Bilang panganay, si Esau ay may karapatan sa pagpapala ng basbas ng pagkapanganay ng kanyang ama. Ang ibig sabihin ng pagkapanganay ay mamanahin ni Esau ang mga ari-arian ng kanyang ama at siya ang magiging tagatustos para sa pamilya at espirituwal na lider. Dahil sa mga masamang kilos ni Esau (tingnan sa Genesis 25:31–34; 26:34–35), ibinigay kay Jacob ang basbas ng pagkapanganay (tingnan sa Genesis 27:1–33).
Basahin ang Genesis 27:41–45, at alamin kung paano tumugon si Esau nang malaman niyang ibinigay ng kanyang ama kay Jacob ang basbas ng pagkapanganay.
-
Ano ang naging resulta ng galit ni Esau?
-
Ano ang iba pang maaaring maranasan ng isang tao bunga ng pagkilos dahil sa galit?
Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang dalawang magkapatid ay nagkahiwalay sa loob ng 20 taon hanggang sa sila ay nagkasundo kalaunan (tingnan sa Genesis 33:4).
Ang halimbawa ng Tagapagligtas
Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante, kung saan ang bawat estudyante ay magbabasa ng isa sa mga passage sa ibaba. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng bawat magkapartner kung paano nila sasagutin ang tanong sa ibaba.
Basahin ang sumusunod, at alamin kung ano ang natututuhan ninyo tungkol sa pagtugon sa nadaramang galit:
Mga Awit 103:8
Mga Kawikaan 16:32
-
Paano ninyo ibubuod ang matututuhan natin tungkol sa pagharap sa galit?
Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanang tulad ng: Kapag hindi tayo madaling magalit, sinusunod natin ang halimbawa ng Panginoon.
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo na maging hindi madaling magalit?
Mag-isip ng halimbawa kung kailan hindi madaling nagalit si Jesus.
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong patingnan sa kanila ang mga halimbawa na tulad ng mga sumusunod:
-
Lucas 9:51–56 (Tinanggihan ng komunidad ng Samaritano si Jesus.)
-
Lucas 23:8–11 (Si Jesus ay inusisa ni Herodes.)
-
Juan 19:3–12 (Si Jesus ay dinakip.)
-
Paano makatutulong sa isang tao na makita kung paano tumugon si Jesus sa mga sitwasyong ito?
Mga hakbang sa pagkontrol ng galit
Ang bahaging ito ng lesson ay makatutulong sa mga estudyante na sanayin ang mga sumusunod na hakbang sa pagkontrol sa nadaramang galit:
-
Kilalanin kung ano ang nagpasiklab sa nadaramang galit.
-
Tukuyin ang mga kasalukuyang nadarama.
-
Pumili ng mga diskarte sa pagkalma.
Para matulungan ang mga estudyante na matutong kontrolin ang galit bilang disipulo ni Jesucristo, ipamahagi ang handout na “Mga Hakbang sa Pagkontrol ng Galit.” Dahil ang handout ay may ilang personal na tanong, maaaring gawin ito ng mga estudyante nang nag-iisa. O maaari nila itong gawin nang magkakapartner, at huminto paminsan-minsan upang sagutin ang mga personal na tanong.
Pangwakas
Pagkatapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, maaari mong itanong ang mga sumusunod na bagay sa talakayan kung may oras pa:
-
Ano ang natutuhan ninyo ngayon na maaaring makatulong sa isang taong nahihirapang kontrolin ang kanilang galit?
-
Ano ang mga naging karanasan ninyo o ng iba sa pagkontrol ng galit sa paraang katulad ng kay Cristo?
Maaaring madama ng ilang estudyante na tila imposible para sa kanila na hindi magalit. Maaari kang magtapos sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na basahin ang Eter 12:27, at alamin kung paano matutulungan ni Jesucristo ang isang tao na nahihirapan sa anumang kahinaan. Magpatotoo na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaaring gawing kalakasan ni Jesucristo ang ating mga kahinaan—kabilang ang pagkontrol sa ating galit.