“Pangangalaga sa Ating Pisikal na Katawan: Pagpapabuti ng Ating Pisikal at Emosyonal na Kalusugan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pangangalaga sa Ating Pisikal na Katawan: Pagpapabuti ng Ating Pisikal at Emosyonal na Kalusugan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Pisikal at Emosyonal na Kalusugan: Lesson 182
Pangangalaga sa Ating Pisikal na Katawan
Pagpapabuti ng Ating Pisikal at Emosyonal na Kalusugan
Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng pisikal na katawan bilang bahagi ng Kanyang plano na maging katulad Niya (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Ngunit hindi lang naaapektuhan ng paraan ng pangangalaga natin sa ating katawan ang ating kinabukasan; naaapektuhan din nito ang ating nadarama ngayon. Makatutulong sa mga estudyante ang lesson na ito na maunawaan kung paano naaapektuhan ng ating mga pagpili ang ating pisikal at emosyonal na kalusugan.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang tungkol sa kanilang mga pagpili sa kalusugan (pagkain, pagtulog, pag-eehersisyo, at iba pa) sa nakalipas na linggo. Hikayatin silang suriin kung paano nakaapekto ang mga pagpiling iyon sa kanilang pisikal at emosyonal na nadarama.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang ating mga pagpili ay pisikal at emosyonal na nakaaapekto sa atin
Ang sumusunod na sitwasyon ay ginagamit sa buong lesson upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nakaaapekto ang mga nakabubuti o nakasasamang desisyon na ginagawa natin araw-araw sa ating pisikal at emosyonal na nadarama. Ginagamit sa sitwasyon ang pangalang “Maya,” pero maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumili ng pangalan at dagdagan o baguhin ang mga detalye ng kuwento.
Napapagod at pinanghihinaan-ng-loob si Maya nitong mga nakaraang linggo. Ipinapakita ng sumusunod na larawan ang ilan sa mga pagpiling ginawa ni Maya sa panahong iyon.
-
Ano ang ilan sa mga pagpiling ginagawa ni Maya na maaaring makaapekto sa kanyang nadarama?
Maaaring banggitin ng mga estudyante na siya ay nagpupuyat, kumakain ng hindi masusustansyang pagkain, at nagagambala ng kanyang telepono. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbigay ng mga karagdagang pagpili na puwedeng ginagawa ng mga tinedyer sa inyong lugar na maaaring negatibong makaapekto sa kanilang pisikal at emosyonal na kalusugan.
Maaaring makatulong na ipaliwanag sa mga estudyante na, bilang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, ganap na magkaugnay ang ating katawan at espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:15). Samakatuwid, naaapektuhan tayo ng mga pagpiling ginagawa natin na may kaugnayan sa ating kalusugan sa mga paraang higit pa sa pisikal na nadarama natin.
-
Paano maaaring makaapekto ang mga pagpili ni Maya sa kanyang pisikal na nadarama? sa emosyonal niyang nadarama?
-
Ano ang ilan pang pagpili na maaari nating gawin habang pinangangalagaan natin ang ating pisikal na katawan na maaaring makaapekto sa ating nadarama?
Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa nakaraang tanong sa dalawang column, “nakabubuti” at “nakasasamang” pagpili. Maaaring gamitin ng mga estudyante ang mga sagot na ito sa pisara o ang iba pang naisip nila sa kanilang sarili upang kumpletuhin ang chart sa susunod na aktibidad
Gawin ang sumusunod na chart sa inyong study journal. Ilista ang kapwa nakabubuti at nakasasamang aktibidad sa unang tatlong kahon na nakaapekto sa inyong nadama noong nakaraang linggo. Habang nag-aaral kayo, anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong makilala ang mga paraan kung paano ninyo mapapabuti ang inyong paraan ng pangangalaga sa inyong katawan at ilista ang mga ito sa kahon 4.
|
1. Mga hindi ko pinili |
2. Mga pinili ko nang ilang beses |
|
3. Madalas kong pinipili |
4. Mga maaari kong piliin |
Ang pangangalaga sa ating pisikal na katawan ay naghahatid ng mga pagpapala
Isipin na kunwari ay nakikipag-usap kayo kay Maya na nagsasabing, “Sana ay hindi na ako makadama ng sobrang pagod at hindi na ako panghinaan-ng-loob palagi.” Alam ninyong hindi nauunawaan ni Maya kung paano siya naaapektuhan ng kanyang mga pagpili.
Maghanda ng sagot na may mga kasamang banal na kasulatan at turo ng mga lider ng Simbahan na maaaring makatulong sa pag-unawa ng isang taong katulad ni Maya:
-
Paano siya naaapektuhan ng kanyang mga pagpili sa pisikal at emosyonal na aspekto.
-
Bakit mahalaga sa Diyos kung paano natin pinangangalagaan ang ating katawan.
-
Ang mga pagpapalang ipinapangako ng Diyos sa mga nag-aalaga ng kanilang katawan.
Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at ibigay ang handout na “Pangangalaga sa Ating Pisikal na Katawan” para tulungan ang mga estudyante sa paghahanda ng kanilang sagot para kay Maya. Ang ibaba ng handout ay may chart na makatutulong sa mga estudyante sa pag-aayos ng kanilang mga sagot ayon sa paksa.
Ang karagdagang resources para sa bawat kategorya ay matatagpuan sa Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila at kung paano ito makatutulong sa isang taong katulad ni Maya.
Tutulungan tayo ng Tagapagligtas na gumawa ng mga nakabubuting pagpili
Maaaring kabilang sa isa sa mga katotohanang maaaring matukoy ng mga estudyante sa handout ang dahil ang ating katawan ay kaloob ng Diyos, inaasahan Niyang aalagaan natin ito.
Para matulungan ang mga estudyante na isipin kung paano sila matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pangalagaan ang kanilang katawan, talakayin ang isang tanong tulad ng isa sa mga sumusunod:
-
Paano ninyo nakitang pinagpala ng Panginoon ang mga nagsisikap na pangalagaan ang kanilang pisikal na katawan?
-
Paano tayo matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na gumawa ng mas mabubuting pagpili sa pangangalaga ng ating katawan, kahit na hindi natin ito gusto?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magdagdag sa bahagi 4 ng chart ng mga nakabubuting pagpili mula sa simula ng lesson.
Tingnan ang chart na ginawa ninyo sa inyong study journal. Idagdag ang inyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Mula sa inyong napag-aralan, aling mga pagpili ang maaari ninyong iakma upang tulungang mapabuti ang inyong pisikal at emosyonal na kalusugan?
-
Paano ninyo isasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa inyong mga pagsisikap?
Maaari kang magwakas gamit ang iyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano ng kaligtasan, at mga pagpapalang nakita mo sa pagsisikap na gumawa ng mga nakabubuting pagpili.