Seminary
Pagharap sa Kalungkutan at Depresyon: Papasanin ni Jesucristo ang Ating Pighati at Pasakit


“Pagharap sa Kalungkutan at Depresyon: Papasanin ni Jesucristo ang Ating Pighati at Pasakit,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pagharap sa Kalungkutan at Depresyon: Papasanin ni Jesucristo ang Ating Pighati at Pasakit,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Pisikal at Emosyonal na Kalusugan: Lesson 185

Pagharap sa Kalungkutan at Depresyon

Papasanin ni Jesucristo ang Ating Pighati at Pasakit

Artwork entitled "Healer" by Lightweave. Jesus Christ stands with his arms outstretched and comforting and elderly woman.

Alam ng Ama sa Langit na ang mortal na buhay na ito ay maghahatid ng mga sandali ng kalungkutan, panghihina-ng-loob, pagkabigo, at depresyon. Isinugo Niya ang Kanyang Anak upang maranasan ang lahat ng ating pagdurusa, na may pangakong matutulungan tayo ng Kanyang kapangyarihan na makahanap ng kapahingahan (tingnan sa Mateo 11:28–30). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano sila tutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na matiis ang nadaramang kalungkutan at depresyon.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng banal na kasulatan o sipi mula sa isang lider ng Simbahan na makatutulong sa isang tao na magtuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag sila ay nalulungkot o nalulumbay. Maaari silang maghandang ibahagi ang kanilang banal na kasulatan sa klase.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga pasanin ng ating buhay

Paalala: Hindi mo kailangang maging isang dalubhasa sa kalusugan ng pag-iisip upang ituro ang lesson na ito. Manalangin para sa patnubay ng Ama sa Langit, sundin ang mga materyal ng lesson, at magtiwala sa Espiritu Santo. Kung ibabahagi ng mga estudyante ang mga personal na paghihirap na kinakaharap nila o kung magtatanong sila ng mga bagay na hindi mo masasagot, tiyakin sa kanila na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Hikayatin silang humingi ng karagdagang payo mula sa mga magulang, lider ng Simbahan, tagapayo sa paaralan, o iba pang propesyonal sa emosyonal na kalusugan.

Scouts Backpacking in the Grand Tetons

Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng mga hiker habang naglalakad sa isang landas sa bundok. Anyayahan ang mga estudyante na talakayin kung paano ito magiging katulad ng ating paglalakbay sa mundo. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay kailangang magdala ang isang hiker ng mabigat na backpack sa buong paglalakbay nila.

  • Paano mas mapapahirap ng mabigat na backpack ang paglalakbay? Paano ito maaaring maging pagpapala?

Maaari mong hilingin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga emosyonal na “backpack” na maaaring dala-dala ng mga tinedyer ngayon. Pagkatapos magbahagi ng mga estudyante, ipaliwanag na magtutuon ang lesson na ito sa mga nadaramang kalungkutan o depresyon na kung minsan ay dala-dala natin sa buhay.

Maging ang mga mapanghamong emosyon na tulad ng kalungkutan at depresyon ay normal na bahagi ng ating mortal na paglalakbay. Tulad ng isang mabigat na backpack, maaaring maging tila nakakatakot ang ating paglalakbay dahil sa ating mabibigat na damdamin, ngunit ang mga emosyong ito ay makatutulong din sa atin na maging sensitibo at magkaroon ng awa sa ibang nahihirapan.

Sa inyong study journal, itala kung paano maaaring nakaaapekto ang kalungkutan at depresyon sa inyong buhay ngayon o kung nakaapekto na ang mga ito noon.

Alam ni Jesucristo kung ano mismo ang nadarama natin

Ipaalala sa mga estudyante na itinuro ng mga sinauna at modernong propeta na matutulungan tayo ng Tagapagligtas na matiis ang lahat ng mahirap na damdamin.

Basahin ang Isaias 53:3–5 at Alma 7:11–12, at alamin ang mga katotohanan tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na tutulong sa atin kapag tayo ay nalulungkot, pinanghihinaan-ng-loob, o nakadarama ng depresyon.

  • Aling mga salita o parirala ang tumatak sa inyong isipan?

  • Paano ito makatutulong sa isang tao na nahihirapang tiisin ang bigat ng mga emosyonal na pasaning ito?

Nalalamang magdurusa ang mga anak ng Ama sa Langit sa buhay na ito, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Nagsusumamo ako sa inyo na lumapit [kay Jesucristo] upang mapagaling Niya kayo! … Pagagalingin Niya kayo mula sa kalungkutan at takot. Pagagalingin Niya kayo mula sa mga sugat ng mundong ito.

Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya! (“Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127)

  • Paano ninyo ibubuod ang natutuhan ninyo mula kina Isaias, Alma, at Pangulong Nelson tungkol sa pagharap sa mga pasanin na tulad ng kalungkutan at pighati?

    Bukod sa iba pang bagay na maaaring ibahagi ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang isang katotohanan na tulad ng: Kapag lumalapit tayo sa Kanya, tutulungan tayo ng Tagapagligtas na buhatin ang mga pasanin ng kalungkutan at pighati.

    Maaaring makinabang ang mga estudyante sa mga video sa Facebook ng Come Unto Christ na “Because Jesus Christ died …” (1:06) o “Rise,” (1:42) mula sa ComeUntoChrist/facebook.com.

  • Ano ang maaaring ibig sabihin ng “lumapit sa Kanya,” “bumaling sa Kanya,” at “sundin Siya” para sa isang taong humihingi ng tulong sa Tagapagligtas tungkol sa kalungkutan, panghihina-ng-loob, o depresyon?

  • Sa palagay ninyo, paano makatutulong ang pag-unawa sa katotohanang ito sa isang taong nahihirapan sa mga damdaming ito?

Anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong makilala ang mga paraan ng personal na paglilingkod sa inyo ng Tagapagligtas habang nahaharap kayo sa kalungkutan, pighati, o anupamang emosyonal na pasanin.

Kasama ng Tagapagligtas, makapagtitiis tayo

Elijah sitting among rocks with a ray of light shining on him.

Ang kuwento tungkol kay propetang Elijah ay makatutulong sa atin na matukoy ang mga paraan na tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na tiisin ang mga emosyonal na hamon.

Maaari kang magpakita ng larawan ni Elijah na nag-iisa sa gilid ng bundok. Habang pinakikinggan ng mga estudyante ang mga sumusunod na detalye mula sa kuwento, anyayahan silang isipin kung ano ang maaaring madama nila sa isang katulad na sitwasyon.

Matapos kondenahin ni Elijah ang mga bulaang propeta ni Baal sa Bundok Carmelo (tingnan sa 1 Mga Hari 18), hinangad ng masamang reyna na si Jezebel na ipapatay siya. Binalaan ng Panginoon si Elijah, na tumakas sa ilang nang mag-isa (tingnan sa 1 Mga Hari 19:1–3).

  • Anong mga emosyon ang maaaring naramdaman ninyo sa sitwasyong ito?

Basahin ang 1 Mga Hari 19:4, at alamin ang nadama ni Elijah.

icon ng seminary Para tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga paraan na tinulungan ng Panginoon si Elijah at matutulungan Niya silang pamahalaan ang kalungkutan at depresyon, bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na “Tinutulungan Tayong Magtiis ng Panginoon.” Anyayahan ang mga estudyante na gumawa nang mag-isa, nang may kapartner, o sa isang grupo, at sundin ang mga tagubilin sa handout.

Pagkatapos ng aktibidad sa handout, maaari mong anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. Maaari kang magbigay ng pagkakataon para matulungan nila ang iba pang miyembro ng klase sa pamamagitan ng pagtatanong ng sumusunod.

  • Ano ang ilan pang paraan na nakita ninyong tinulungan kayo o ang isang kakilala ninyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makayanan ang mga emosyonal na pasanin?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng paboritong banal na kasulatan, himno, o larawan na nakatulong sa kanila na umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag nakadarama sila ng kalungkutan o depresyon.

Ang 1 Mga Hari 19:4 ay maaaring lumikha ng mga tanong tungkol sa pananakit ng sarili o pagpapakamatay. Dapat seryosohin palagi ang mga paksang ito. Ipaalala sa mga estudyante na kumikilos sila nang may pananampalataya kay Jesucristo kapag sinasabi nila sa isang tao ang kanilang nararamdaman. Ang karagdagang resources tungkol sa depresyon at pagpigil sa pagpapakamatay ay matatagpuan sa Gospel Library at sa Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral sa online na bersyon ng manwal na ito.

Ibahagi ang nadama ninyo

Paalala: Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na, kahit na may magiliw, mapagmahal, at patuloy na pangangalaga ng Panginoon, kung minsan ay may mabibigat na emosyon pa ring namamalagi. Kung minsan ang depresyon ay maaaring humadlang sa ating kakayahang madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas o makilala ang tulong ng Espiritu Santo.

Sa inyong study journal, pumili ng isa o higit pang kukumpletuhin sa mga sumusunod:

  1. Isulat ang isang bagay na natutuhan o nadama ninyo ngayon na makatutulong sa inyo na umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag nakadarama kayo ng kalungkutan o depresyon.

  2. Magsulat ng isang talata sa banal na kasulatan na makatutulong sa inyo kapag nakadarama kayo ng kalungkutan o depresyon (tulad ng Isaias 53:3–5; Mga Awit 34:18; o Alma 7:11–12). Paano makatutulong ang mga salita o parirala mula sa talatang ito para madama ninyo na malapit kayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  3. Kung mayroon kayong kaibigan na nakadarama ng kalungkutan o depresyon, ano ang gusto ninyong maunawaan ng taong ito tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa natutuhan ninyo ngayon? Isulat kung ano ang ibabahagi ninyo.

Maaaring makinabang ang mga estudyante mula sa mensahe ni Pangulong Jeffrey R. Holland tungkol sa kung paano tutulungan ang mga nahihirapan sa depresyon. Maaari mong ipanood ang video na “Mental Health: Compassion for Those Who Struggle” (2:26) na makikita sa Gospel Library. Sa video na ito, ipinapaalala sa atin ni Pangulong Holland na kahit nagpupursigi, hindi malulutas ang matinding depresyon nang nag-iisa. Ang paghingi ng tulong ng propesyonal ay susi sa pagpapagaling sa ating mga isyu sa kalusugan ng pag-iisip sa tulong ng suporta at awa ng iba.

2:26

Maaari kang magtapos sa pamamagitan ng karanasan nang tinulungan ka ng Panginoon na makayanan ang mabibigat na emosyon.