“Pagtugon sa Stress at Pagkabalisa: Matutulungan Tayo ni Jesucristo na Tugunan ang Ating Stress at Pagkabalisa,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pagtugon sa Stress at Pagkabalisa: Matutulungan Tayo ni Jesucristo na Tugunan ang Ating Stress at Pagkabalisa,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Pisikal at Emosyonal na Kalusugan: Lesson 184
Pagtugon sa Stress at Pagkabalisa
Matutulungan Tayo ni Jesucristo na Matugunan ang Stress at Pagkabalisa
Lahat tayo ay nakadarama ng stress at pagkabalisa. Ang mga emosyong ito ay makatutulong sa atin na magawa ang mga gawain araw-araw at harapin ang mga hamon ng buhay. Gayunpaman, ang matagal na stress at pagkabalisa ay maaaring negatibong makaapekto sa atin. Mabuti na lang at ipinangako sa atin ng Tagapagligtas ang Kanyang tulong at kapayapaan (tingnan sa Juan 14:27). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapraktis ang mga kasanayan sa paghugot sa kapangyarihan ng Tagapagligtas upang matugunan ang stress at pagkabalisa.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan sila nakadama ng stress o pagkabalisa at mga paraan na maaari silang humingi ng tulong sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Stress at pagkabalisa
Paalala: Hindi mo kailangang maging isang dalubhasa sa kalusugan ng pag-iisip upang ituro ang lesson na ito. Manalangin para sa patnubay ng Ama sa Langit, sundin ang mga materyal ng lesson, at magtiwala sa Espiritu Santo. Kung ibinabahagi ng mga estudyante ang mga personal na paghihirap na kinakaharap nila o nagtatanong sila ng mga tanong na hindi mo matutugunan bilang bahagi ng lesson na ito, ipahayag ang iyong pasasalamat sa kanilang pagtitiwala sa pagbabahagi sa iyo. Tiyakin sa kanila na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Hikayatin silang humingi ng karagdagang payo mula sa mga magulang, lider ng Simbahan, tagapayo sa paaralan, o iba pang propesyonal sa emosyonal na kalusugan.
Maaaring simulan ang lesson sa paraang makatutulong sa mga estudyante na mag-isip tungkol sa pagtugon sa stress at pagkabalisa. Halimbawa, ang sumusunod na sitwasyon ay maaaring gamitin o iangkop upang mas maiugnay sa iyong mga estudyante:
-
Kung ang isang tao ay nakabubuhat lamang ng 25 kg (55 lbs) at sinubukan niyang magbuhat ng 70 kg (154 lbs), ano ang puwedeng mangyari? Ano ang maaari niyang madama?
-
Paano kung ang tao ring ito ay nagsimulang magbuhat ng 25 kg (55 lbs) at unti-unting nagdagdag ng kaunting timbang kada linggo? Paano ito makaaapekto sa kanyang lakas? Ano ang maaari niyang madama?
-
Ano ang mangyayari kung hindi sinubukan ng taong ito na magbuhat ng mahigit sa 25 kg (55 lbs)?
-
Paano maikukumpara ang bigat sa mga sitwasyong ito sa pagtugon sa stress at pagkabalisa?
Para tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang iba’t ibang antas ng stress at pagkabalisa, maaari mong ibahagi ang handout na “Stress at Pagkabalisa.” Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang chart at punan ang mga tanong sa pagsusuri sa sarili sa pangatlong column.
Habang pinag-aaralan ninyo ang lesson na ito, humingi ng tulong sa Panginoon habang natututo kayo ng mga kasanayan na makatutulong sa inyo na tugunan ang mga nadaramang stress at pagkabalisa.
Payo mula sa isang propeta
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at alamin kung paano natin malalampasan ang ating pagkabalisa.
Ipinahayag ng Panginoon na sa kabila ng mahihirap na hamon sa buhay ngayon, ang mga nagtayo ng kanilang pundasyon kay Jesucristo, at natutuhan kung paano gamitin ang Kanyang kapangyarihan, ay hindi kailangang sumuko sa mga hindi pangkaraniwang problema ng panahon ngayon. (“Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 94)
-
Ano ang nagustuhan o natutuhan ninyo mula sa pahayag na ito?
Maaaring banggitin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng: Kapag humuhugot tayo ng lakas sa kapangyarihan ni Jesucristo, matutugunan natin ang ating pagkabalisa.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng humugot ng lakas sa kapangyarihan ng Tagapagligtas?
-
Paano tayo matutulungan ng Kanyang kapangyarihan na tugunan ang stress at pagkabalisa? Aling karagdagang resources ang makikilala natin sa tulong ni Jesucristo?
Ang natitirang bahagi ng lesson na ito ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong magsanay na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo na makatutulong sa kanila na humugot ng lakas sa kapangyarihan ni Jesucristo upang matugunan ang pagkabalisa.
Suriin ang ating mga inaasahan at bumaling sa Panginoon para humingi ng tulong
Ang isang paraan upang harapin ang ating nadaramang stress o pagkabalisa ay kilalanin ang ating mga inaasahan at iayon ang mga ito sa mga hangarin ng Panginoon para sa atin. Ang mga hindi makatotohanan o hindi nakakamit na inaasahan ay maaaring maging isang matinding pagmumulan ng pagkabigo at stress.
Basahin ang Mosias 4:27, at alamin kung ano ang inaasahan ng Panginoon sa atin.
Kung hindi ito matukoy ng mga estudyante, tandaan na hindi inaasahan ng Panginoon na tumakbo tayo nang mas mabilis kaysa sa kaya natin, pero umaasa pa rin Siya na magiging masigasig tayo. Hindi natin kailangang magbuhat ng masyadong mabigat, pero kailangan nating patuloy na magsikap.
Para sa halimbawa ng isang taong nangangailangang suriin ang kanyang mga inaasahan, ibahagi sa mga estudyante na habang pinamumunuan niya ang mga anak ni Israel bilang propeta, sinikap ni Moises na gumawa nang higit pa sa dapat niyang gawin. Tinulungan ng Panginoon si Moises sa pamamagitan ng payo ng kanyang biyenan na si Jetro.
Basahin ang Exodo 18:13–18, at alamin kung bakit nag-alala ang biyenan ni Moises.
-
Aling mga parirala ang nagsasaad ng mangyayari kay Moises kung ipagpapatuloy niya ang pagpapayo sa mga tao sa buong maghapon sa araw-araw?
-
Ano kaya ang kahalintulad nito ngayon?
Linawin
Ipaliwanag sa mga estudyante na maaaring maging kapaki-pakinabang na kasanayan ang pagsusuri ng kanilang mga inaasahan sa pamamagitan ng paggamit ng sumusunod na dalawang tanong. Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara.
-
Sinusubukan ko bang gumawa nang higit o mas kaunti kaysa sa ipinagagawa sa akin ng Panginoon (tumakbo man nang mas mabilis kaysa sa lakas ko o hindi maging masigasig)?
-
Paano ako makababaling sa Panginoon para humingi ng tulong?
Ipakita
-
Kung kayo ang nasa sitwasyong kinaharap ni Moises, paano ninyo sasagutin ang dalawang tanong sa pisara?
Kung maaaring maging kapaki-pakinabang ang mga karagdagang makabagong halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng ilang hindi makatotohanang inaasahan na nagkaroon sila o ang iba. Maaari nilang gamitin ang mga tanong sa pisara para suriin ang mga sumusunod na inaasahan:
-
Babasahin ko ang Aklat ni Mormon sa loob ng 90 minuto bawat araw.
-
Hindi na ako kailanman gagawa ng anumang pagkakamali.
-
Hindi ko kailangang maghanda para sa isang misyon. Malalaman ko na lang kapag nandoon na ako.
Magsanay
Pumili ng isang bagay sa iyong buhay na nagdudulot sa iyo ng stress at pagkabalisa at magsanay na suriin ang iyong mga inaasahan. Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang tinatanong mo sa iyong sarili ang mga tanong sa pisara at isipin kung paano ka maaaring humingi ng tulong sa Panginoon.
Humingi ng payo sa isang taong mapagkakatiwalaan mo para matukoy ang susunod na hakbang
Linawin ang kasanayan
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na pagkatapos nilang suriin ang kanilang mga inaasahan, nais ng Panginoon na tulungan silang malaman kung ano ang susunod na gagawin. Ang isang paraan na tinutulungan tayo ng Panginoon ay sa pamamagitan ng iba; halimbawa, ang paghingi ng payo sa isang taong mapagkakatiwalaan natin. Habang humihingi ng payo ang mga estudyante sa iba, maaari nilang talakayin kung ano ang dapat gawin ngayon, kung ano ang makapaghihintay, o kung ano ang maaaring ihinto o gawin ng ibang tao. Tiyakin sa mga estudyante na hindi nakatutulong na makonsensiya sa pagtatakda ng mabubuting hangganan o sa pagsasabi ng “hindi” o “hindi pa” sa ilang pagkakataon.
Ipakita ang kasanayan
Tinulungan ng Panginoon si Moises sa pamamagitan ng kanyang biyenan na si Jetro. Nang humingi ng payo si Moises sa kanyang biyenan, nagmungkahi si Jetro ng solusyon sa problema.
Basahin ang Exodo 18:19–24, at alamin ang ipinayo ni Jetro kay Moises na susunod na gagawin.
-
Sa inyong palagay, bakit kapaki-pakinabang ang payo ni Jetro?
Sa halip na harapin ang lahat ng kanyang problema nang sabay-sabay, nakuha ni Moises ang tulong na kailangan niya upang gawin ang susunod na hakbang.
-
Sino ang ilang taong maaaring gusto ng Panginoon na hingan ninyo ng payo kapag nakadarama kayo ng stress at pagkabalisa? Ano na ang payo na naibigay nila sa inyo?
-
Paano nababawasan ng matalinong payo ang stress o pagkabalisa para sa inyo o sa isang kakilala ninyo?
Tulungan ang mga estudyante na makilala na matutulungan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng mga magulang, nakatatandang kapatid, titser, tagapayo, propesyonal sa kalusugan ng pag-iisip, mga lider ng Simbahan, at iba pa kapag nakadarama sila ng pagkabalisa o stress.
Sanayin ang kasanayan
Sa inyong study journal, pagnilayan ang isang pagkakataon na nakadama kayo ng labis na paghihirap, stress, o pagkabalisa. Isulat kung kanino maaaring naisin ng Panginoon na humingi kayo ng payo tungkol sa susunod na gagawin at kung paano makatutulong sa inyo ang pakikipag-usap sa taong iyon.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang handout at ibahagi ang nagustuhan o natutuhan nila sa lesson na ito. Idagdag ang iyong mga naiisip at magpatotoo sa katotohanan ng lesson na ito.