Seminary
Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip: “Na ang Pag-iisip ay Nananatili sa Iyo”


“Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip: ‘Na ang Pag-iisip ay Nananatili sa Iyo,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip: ‘Na ang Pag-iisip ay Nananatili sa Iyo,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Pisikal at Emosyonal na Kalusugan: Lesson 183

Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip

“Na ang Pag-iisip ay Nananatili sa Iyo”

Young woman sitting looking off into the distance

Maaaring maapektuhan ng ating mga naiisip ang ating nadarama at ang mga pagpiling ginagawa natin araw-araw. Tumutulong sa atin ang ilang kaisipan na gumawa ng mabubuting desisyon habang ang iba ay maaaring negatibong makaimpluwensya sa ating mga damdamin at kilos. Gaya ng kaalaman at pag-unawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa ating mga kaisipan (Mga Awit 139:1–2), makatutulong sa atin ang pagpokus sa Kanila na lumikha ng mabubuting paraan ng pag-iisip. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na tumingin sa Tagapagligtas habang gumagawa sila ng mabubuting paraan ng pag-iisip.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na bigyang-pansin ang mga iniisip nila sa buong araw. Maaari pa nilang pagnilayan kung ano ang nararamdaman nila sa mga iniisip nilang iyon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang epekto ng ating mga naiisip

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga estudyante ng 30 segundo para isulat ang ilan sa mga naisip nila kahapon o ngayon.

Maaari mong ipakita sa pisara ang sumusunod na larawan. Maaari mong ipaliwanag na ang diagram na ito ay maaaring kumatawan sa epekto ng ating mga paraan ng pag-iisip sa ating mga aksyon at progreso. Kung hindi natin pangangasiwaan ang mga ito sa mabuting paraan, maaaring magresulta ang mga hindi nakatutulong na paraan ng pag-iisip sa ating pakiramdam na hindi tayo umuusad. Maaaring naiisip natin kung minsan na limitado ang ating kakayahang magdesisyon at kumilos. Kapag nagtutuon tayo sa mga kaisipang ito, maaaring maging dahilan ang mga ito ng pagkakaroon natin ng masamang saloobin sa ating sarili at sa iba. Ang mga kapaki-pakinabang na paraan ng pag-iisip ay tumutulong sa atin na sumulong. Tinutulungan tayo ng mga ito na makilala ang kakayahan nating kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo.

Thoughts
  • Anong mga uri ng kaisipan ang maaaring magresulta sa ating pakiramdam na hindi tayo makausad (ang hukay)? Anong mga uri ng kaisipan ang tumutulong sa atin na sumulong (ang landas)?

    Maaaring banggitin ng mga estudyante ang mga kaisipan na tulad ng, “Ginalit mo ako,” na maaaring magdulot sa kanila ng pakiramdam na hindi makasulong. Makatutulong ang pag-iisip na “Maaari kong subukang muli” para makasulong sila.

  • Ano ang ilan sa mga desisyong maaaring gawin ng isang tao batay sa hindi tumpak o hindi nakatutulong na kaisipan?

Maglaan ng sandali para anyayahan ang Espiritu na tulungan kayong makilala kung paano ninyo nakitang naapektuhan ng inyong mga naiisip ang mga pagkilos na ginagawa ninyo. Habang nag-aaral kayo, humingi ng inspirasyon para malaman kung ano ang magagawa ninyo para madaig ang mga negatibong paraan ng pag-iisip na ito.

Pagtutuon ng ating isipan kay Jesucristo

Habang sinisikap nating kontrolin ang mga hindi nakatutulong o hindi tumpak na paraan ng pag-iisip, maaaring maging kapaki-pakinabang na muling ituon ang ating isipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Para tulungan ang mga estudyante na makita ang mga paraang ipinangako ng Panginoon na pagpapalain tayo kapag nakatuon tayo sa Kanya, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na scripture passage. Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro at sabihin sa bawat estudyante na pag-aralan ang isang passage at ibahagi ang natutuhan nila.

Isaias 26:3–4

Jacob 3:1–2

Doktrina at mga Tipan 6:23, 36–37

  • Anong mga pagpapala ang matatanggap natin kung itutuon natin ang ating mga isipan (mga kaisipan) kay Jesucristo?

    Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag itinuon natin ang ating isipan kay Jesucristo, bibigyan Niya tayo ng kapayapaan at lakas.

    Upang pataasin ang kumpiyansa ng mga estudyante na tutulungan sila ng Tagapagligtas na ituon ang kanilang isipan sa Kanya, maaari mong ipanood ang video na “Filling Our Minds with the Power of Jesus Christ” (2:07) bilang kapalit ng pahayag ni Elder Andersen sa ibaba.

    2:7
  • Sa iyong palagay, paano tayo binibigyan ng kapayapaan at lakas sa pagtutuon ng ating isipan kay Jesucristo?

Itinuro sa atin ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin maitutuon ang ating isipan kay Jesucristo.

13:26
Former Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.   Replaced September 2019.

Ang pagpuno sa ating isipan ng kapangyarihan ni Jesucristo ay hindi nangangahulugang Siya lamang ang iniisip natin. Ngunit nangangahulugan ito na lahat ng ating iniisip ay nakatuon sa Kanyang pagmamahal, sa Kanyang buhay at mga turo, at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at maluwalhating Pagkabuhay na Muli. Si Jesus ay hindi kailanman binabale-wala, dahil lagi natin Siyang naiisip at “buung-buo [natin siyang iniibig]!” Nagdarasal tayo at inaalala ang ating mga karanasan sa ating isipan na mas naglapit sa atin sa Kanya. Malugod nating tinatanggap sa ating isipan ang mga banal na larawan, banal na kasulatan, at inspiradong mga himno na nagpapagaan sa di-mabilang na kaisipan sa araw-araw na dumadagsa sa ating abalang buhay. Ang pagmamahal natin sa Kanya ay hindi nagliligtas sa atin laban sa lungkot at pighati sa buhay na ito, ngunit tinutulutan tayo nitong lumakad sa mga hamon nang may lakas na higit pa sa ating sariling lakas. (“Naapuhap ng Aking Isipan ang Kaisipang Ito Tungkol kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 92) (time code na 3:50 hanggang 5:02)

  • Aling mga rekomendasyon mula kay Elder Andersen ang tumatak sa isipan mo?

  • Paano nakatulong sa inyo o sa isang kakilala ninyo ang mga larawan, banal na kasulatan, o sagradong musika na magtuon kay Jesucristo?

Magsanay na tumugon sa hindi nakatutulong na kaisipan

Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong sa atin na madaig ang mga negatibong paraan ng pag-iisip. Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara.

Kapag mayroon tayong mga hindi nakatutulong na kaisipan, maaari nating:

  1. Kilalanin ang mga kaisipan habang nangyayari ang mga ito at ang mga emosyon na nagreresulta rito.

  2. Ibahin ang ating pag-iisip.

  3. Sumulong nang may pananampalataya kay Jesucristo.

1. Kilalanin. Ang sumusunod na sitwasyon ay makatutulong sa mga estudyante na makilala ang ilang hindi nakatutulong na kaisipan ng isang tao sa buong maghapon. Iangkop ang sitwasyon upang tumugma sa mga pangyayari na maaaring maranasan ng iyong mga estudyante.

Sa klase sa matematika, nahihirapan si Tony na unawain ang mga konsepto na naiintindihan ng ibang estudyante.

Nang makauwi si Tony mula sa paaralan, nagbanta ang kanyang mga magulang na kukunin ang kanyang telepono kung hindi niya lilinisin ang kanyang silid.

Noong gabing iyon, nalaman ni Tony na ang karamihan sa kanyang mga kaibigan ay pupunta sa isang party kung saan hindi siya imbitado.

  • Ano kaya ang mga naiisip ni Tony sa buong maghapon?

    Narito ang mga posibleng paraan na maaaring sumagot ang mga estudyante. Ang mga parenthetical ay mga label ng mga karaniwang hindi tumpak na paraan ng pag-iisip. Malalaman ninyo ang higit pa tungkol sa mga ito sa Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin, “Mabubuting Paraan ng Pag-iisip: Matuto.”

    • “Hindi ako magaling sa matematika. Mas matalino ang lahat kaysa sa akin.” (Hindi Angkop na Paglalarawan sa Sarili)

    • “Hindi sinasabi sa akin kailanman ng aking mga magulang kung ano ang ginagawa kong tama; palagi nilang sinasabi sa akin kung ano ang kailangan kong pagbutihin.” (Lahat o Wala)

    • “Hindi ako gusto ng mga kaibigan ko.” (Pagbibigay Kaagad ng Konklusyon)

    • “Walang magandang nangyari ngayong araw. Puro kabiguan na lang.” (Negatibong Mental Filter; Binabale-wala ang Positibo)

  • Aling mga emosyon ang maaaring maranasan ni Tony sa mga kaisipang ito?

  • Ano ang ilang hindi nakatutulong na paraan na maaaring makatukso kay Tony na kumilos ayon sa mga emosyong ito?

2. Ibahin ang ating pag-iisip. Maaaring basahin ang Isaias 55:8–9 at talakayin kung paano naging mas mataas ang mga iniisip ng Panginoon kaysa sa iniisip natin. Ang pag-iba ng ating pag-iisip ay makatutulong sa atin na itaas ang ating pag-iisip upang maging higit na katulad ng sa Panginoon. Maaari mong ipakita ang sumusunod para sa mga estudyante:

Linawin

Ang pag-iiba ng ating mga kaisipan ay nangangahulugan na kapag may nangyaring hindi nakatutulong na kaisipan, sinusuri natin ito mula sa ibang pananaw. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng:

  • Tama ba ang kaisipang ito?

  • Nakatutulong ba ito?

  • Paano ako matutulungan ng pag-iisip tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Kanilang mga turo kapag nasa ganitong kaisipan?

Maaari mong isulat ang mga tanong na ito sa pisara upang magamit ng mga estudyante sa pagtulong kay Tony.

Ipakita

Magkunwari na ikaw si Tony, at naiisip mong “Hindi ako magaling sa matematika.”

Tulungan si Tony na ibahin ang kaisipang ito sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Tama ba ang kaisipang ito?

  • Nakatutulong ba ito?

  • Paano ako matutulungan ng pag-iisip tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Kanilang mga turo kapag nasa ganitong kaisipan?

Maaari ninyong ibahin ang kaisipan ni Tony gamit ang tulad ng: “Hindi nakatutulong ang kaisipang ito (kahit pa tama ito sa ngayon). Alam kong ipinangako ng Ama sa Langit na sasagutin niya ang aking mga panalangin. Maaari akong manalangin para sa Kanyang tulong. Tutulungan ako ng aking titser, at maaari akong magsikap pa.”

  • Ano ang ilan pang paraan upang maiba ni Tony ang kanyang pag-iisip? Ano ang magagawa niya para sumulong nang may pananampalataya kay Cristo?

Magsanay

Pumili ng isa sa mga naiisip ni Tony para ipraktis ang kasanayan sa pag-iba ng kaisipan sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong.

Magsanay na magkaroon ng mabubuting paraan ng pag-iisip

Ipakita ang sumusunod na larawan. Maaari ding magdrowing ang mga estudyante ng kopya sa kanilang mga study journal. Ipaliwanag na maaaring kumatawan ang hagdan sa mga paraan na tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na magtuon sa Kanya, ibahin ang ating mga paraan ng pag-iisip, at sumulong.

Healthy Thinking Patterns
  1. Kilalanin. Magsulat ng negatibo o hindi nakatutulong na pag-iisip na mayroon kayo o maaaring maisip ninyo sa hinaharap sa thought bubble na nasa hukay. Kilalanin ang anumang emosyon na maaaring kasama ng kaisipan.

  2. Ibahin ang inyong pag-iisip. Itanong sa inyong sarili ang mga sumusunod na tanong upang matulungan kayong ibahin ang kaisipang iyon. Maaari ninyong isulat ang mga sagot sa tabi ng hagdan.

    • Tama ba ang kaisipang ito? Nakatutulong ba ito?

    • Paano makatutulong sa akin ang pagtutuon sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Kanilang mga turo kapag nasa ganitong kaisipan?

  3. Sumulong nang may pananampalataya kay Jesucristo. Magsulat ng bagong ideyang tutulong sa inyo na sumulong nang may pananampalataya kay Jesucristo sa thought bubble sa labas ng hukay. Magsulat ng banal na kasulatan o himno, maghanap ng larawan, o maglista ng ibang paraan na mapapanatili ninyo ang inyong pagtutuon kay Cristo (Isaias 26:3–4; Doktrina at mga Tipan 6:36) para mapangasiwaan ang kaisipang iyon.

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi kung ano ang pinaka-natatak sa isipan nila mula sa lesson.

Ipaalala sa mga estudyante na ang paglikha ng mabubuting paraan ng pag-iisip ay kadalasang nangangailangan ng paulit-ulit na pagsisikap, at tutulungan sila ng Tagapagligtas. Maaari mong tapusin ang klase sa pagbabasa ng Isaias 26:3–4 para ipaalala sa kanila ang mga pagpapalang ihahatid ni Jesucristo sa kanilang buhay kapag nagsikap silang ituon ang kanilang isipan sa Kanya.