“Genesis 25–27: Si Jacob at si Esau,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 25–27: Si Jacob at si Esau,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 24–33: Lesson 30
Genesis 25–27
Si Jacob at si Esau
Sa pagsilang ng kanilang kambal na sina Jacob at Esau, ang pangako ng mga inapo para kina Rebecca at Isaac ay natupad rin. Si Esau, bilang nakatatanda sa kambal, ay may karapatan sa mga pangako sa pagkapanganay na ibinibigay sa panganay na anak na lalaki. Nakalulungkot na hindi inuna ni Esau ang kanyang mga walang-hanggang pagpapala, sa halip ay hinangad na bigyang-kasiyahan ang kanyang mga makamundong hangarin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas pahalagahan ang mga walang-hanggang pagpapala ng Panginoon kaysa sa mga makamundong hangarin.
Paghahanda ng estudyante: Hikayatin ang mga estudyante na mapanalanging suriin kung gaano karaming oras ang inuukol nila sa mga bagay ng Diyos (hal., panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, aktibidad sa simbahan) at sa mga bagay ng mundo. Sabihin sa kanila na tukuyin ang anumang bagay sa mundo na maaaring mas nagiging priyoridad nila kaysa sa mga bagay na walang hanggan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagpapahalaga sa mga bagay ng Diyos
Upang matulungan ang mga estudyante na isipin kung paano nakakaapekto kung minsan ang mga agarang pangangailangan o ninanais sa mga pangmatagalang mithiin, gawin ang sumusunod na chart sa pisara:
|
Kasalukuyan |
Hinaharap |
Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mithiing mayroon sila para sa kanilang hinaharap. Ilista ang mga ito sa pisara sa pangalawang column. Pumili ng isa sa mga mithiin sa pangalawang column. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga agarang pangangailangan o ninanais na, kung gagawin, ay makahahadlang sa isang tao na makamit ang mithiing iyon. Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi ng ilang iba’t ibang ideya. Talakayin kung paano maaaring makaapekto ang mga pagpiling ginagawa natin ngayon sa ating mga mithiin sa hinaharap at marahil ay makahadlang pa sa atin na makamit ang mga ito.
Kapag natapos na ang mga estudyante, ipaliwanag na maiaangkop din ang konseptong ito sa ating mga pagsisikap na hangarin ang mga walang-hanggang pagpapala ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na tapusin ang sumusunod na pagsusuri sa sarili sa kanilang study journal.
Mapanalanging pagnilayan ang mga sumusunod na pahayag. Itala sa iyong journal kung paano naaangkop sa iyo ang bawat pahayag, gamit ang mga sagot na “oo,” “minsan,” “kaunti,” at “hindi talaga.”
-
Handa akong isakripisyo ang mga makamundong hangarin para sa mga walang-hanggang pagpapala.
-
Nauunawaan ko kung bakit iniuutos sa akin ng Panginoon na mas pahalagahan ang Kanyang mga walang-hanggang pagpapala kaysa sa mga bagay na ninanais ko ngayon.
-
Nakikita ko ang mga pagpapalang dumarating kapag mas inuuna ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo kaysa sa mga makamundong bagay.
Sa inyong pag-aaral ngayon, anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong makita ang kahalagahan ng mga walang-hanggang pagpapala. Maghangad ng inspirasyon kung paano mas uunahin ang mga walang-hanggang pagpapala kaysa sa mga makamundong hangarin.
Pamana at basbas ng pagkapanganay
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kultural na kahalagahan ng mga desisyong ginawa nina Esau at Jacob, ibuod ang mga sumusunod na talata gamit ang sarili mong mga salita.
Noong panahon ng Lumang Tipan, karaniwang ang panganay na anak na lalaki ang nakatatanggap ng pagkapanganay. Kasama sa pamana ng pagkapanganay ang dalawang bahagi ng lupain at kayamanan. Kasama rin dito ang mas malaking responsibilidad na pangalagaan ang ina at ang natitira pang kapamilya pagkatapos ng pagpanaw ng ama. Bukod pa sa temporal na pamana, ibibigay ng ama ang basbas ng pagkapanganay upang ipagkaloob ang awtoridad ng priesthood sa panganay na anak na lalaki. Itinatalaga ng basbas na ito ang katungkulan ng anak na lalaki sa pamilya bilang guro at namumuno.
Nanalangin sina Rebecca at Isaac na mabiyayaan ng matwid na mga inapo sa loob ng maraming taon. Kalaunan, sila ay biniyayaan ng kambal na batang lalaki, sina Esau at Jacob. Dahil si Esau ang unang isinilang, siya ang anak na lalaki sa pagkapanganay. Gayunpaman, ipinahayag ng Panginoon kay Rebecca na si Jacob ang magiging anak na lalaki sa pagkapanganay (Genesis 25:22–23).
Basahin ang Genesis 25:27–34, at alamin kung paano ipinakita ni Esau na hindi niya pinahalagahan ang kanyang pagkapanganay.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Basahin ang Genesis 26:34–35, at alamin kung ano ang desisyon ni Esau at ang nadama ng kanyang mga magulang tungkol sa kanyang mga pagpili sa pag-aasawa. (Ang mga Hittite ay mga taga-Canaan na sumasamba sa mga huwad na diyus-diyusan.)
-
Bakit nalungkot sina Rebecca at Isaac sa desisyon ni Esau?
Kung hindi sigurado ang mga estudyante kung paano sasagutin ang nakaraang tanong, maaari mong ipaliwanag na sumasamba ang mga taga-Canaan sa mga diyus-diyusan at gumagawa ng iba pang masasamang gawain. Ang pagpapakasal sa mga babaeng taga-Canaan ay nangangahulugan na tinalikuran ni Esau ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham at sa kanyang mga inapo.
Ang mga pagpapala sa pagpapahalaga ng mga bagay ng Diyos
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kuwento nina Jacob at Esau, maaaring basahin o ibuod ang sumusunod na talata. O maaari mong ipanood ang video na “Jacob and Esau” (2:06), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Sa kabila ng masasamang pagpili ni Esau, sa kanyang katandaan ay ipinatawag ni Isaac si Esau upang ibigay sa kanya ang basbas ng pagkapanganay. Bago dumating si Esau, pinagpanggap ni Rebecca si Jacob bilang kanyang kapatid. Sa pag-iisip na si Jacob ay si Esau, ipinagkaloob ni Isaac kay Jacob ang pagpapala ng pagkapanganay (tingnan sa Genesis 27:1–29). “Matapos aminin ni Isaac na nabasbasan niya si Jacob sa halip na si Esau, tiniyak niya na si Jacob ay ‘magiging mapalad’ (Genesis 27:33)—na nagpapahiwatig na naisakatuparan na ang kalooban ng Diyos” (Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022, 39).
Basahin ang Genesis 27:34, 38, at alamin kung ano ang reaksyon ni Esau nang malaman niya na naibigay ni Isaac ang pagpapala ng pagkapanganay kay Jacob.
-
Ano ang pinakamahalaga para sa inyo?
-
Paano ninyo ibubuod ang natutuhan natin sa kuwentong ito bilang pahayag ng katotohanan?
Gamitin ang mga salita ng estudyante upang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang pagpili sa agaran o mga makamundong hangarin kaysa sa mga walang-hanggang pagpapala ng Diyos ay maaaring humantong sa kalungkutan at panghihinayang.
Maraming posibleng sagot sa sumusunod na tanong. Ang paghikayat sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot ay makatutulong sa mga estudyante na panatag na makapagbahagi ng iba’t ibang ideya at pananaw.
-
Bakit kung minsan ay mahirap unahin ang mga bagay na may walang-hanggang kahalagahan?
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Dahil sa mga pang-araw-araw na gawain sa buhay at kaguluhan ng bagong mundong ginagalawan natin, maaaring mapalayo tayo sa walang-hanggang mga bagay na pinakamahalaga sa pamamagitan ng pagprayoridad sa kasiyahan, kayamanan, katanyagan, at karangyaan. Ang ating panandaliang pagkaabala sa “mga bagay ng daigdig na ito” at “mga parangal ng tao” ay maaari tayong ilayo sa ating espirituwal na pagkapanganay na ang kapalit ay higit na mas kakarampot pa sa isang mangkok ng nilaga. …
Dapat mataimtim at mapanalanging suriin ng bawat isa sa atin ang ating mga temporal at espirituwal na prayoridad upang matukoy ang mga bagay sa ating buhay na humahadlang sa saganang mga biyaya na nais ibigay sa atin ng ating Ama sa Langit at Tagapagligtas. (“Isuot Mo ang Iyong Lakas, O Sion,” Liahona, Nob. 2022, 94)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nagustuhan o natutuhan nila mula sa pahayag ni Elder Bednar. Pagkatapos ay anyayahan sila na gawin ang sumusunod na tatlong bagay nang mag-isa o sa maliliit na grupo:
-
Lumikha ng isang sitwasyon kung saan maaaring matukso ang isang tao na kaedad mo na “ilayo [tayo] sa ating espirituwal na pagkapanganay na ang kapalit ay higit na mas kakarampot pa sa isang mangkok ng nilaga.”
-
Mag-isip ng isang halimbawa kung paano inuna ng Tagapagligtas ang kalooban ng Kanyang Ama kaysa sa mga agaran o makamundong hangarin. (Para sa halimbawa, tingnan sa Mateo 4:2–10 o Lucas 22:41–42.)
-
Mag-isip ng makabagong halimbawa na inuuna ng isang tao ang kalooban ng Diyos kaysa sa mga agaran o makamundong hangarin.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya. Sa pagbabahagi ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang pagdalo sa seminary ngayon ay isang magandang halimbawa ng pag-una sa Diyos. Maaari mong ipanood ang video na “No Regrets” (5:38) mula sa ChurchofJesusChrist.org. Pinili ng isang binatilyo na dumalo sa seminary kaysa sa mag-surfing. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga pagpapalang natanggap niya dahil sa pagpiling ito.
-
Anong mga pagpapala ang matatanggap natin, ngayon at sa hinaharap, sa pagpili ng mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo?
-
Paano inuna ng Tagapagligtas ang mga walang-hanggang pagpapala kaysa sa mga agarang hangarin?
Gumawa ng plano
Sabihin sa mga estudyante na tapusin ang sumusunod na aktibidad sa kanilang study journal.
Ilista ang iyong limang nangungunang prayoridad ayon sa pagkakasunod-sunod mula sa pinakamahalaga hanggang sa hindi gaanong mahalaga.
Habang sinusuri mo ang listahang ito, isagawa ang anumang pagbabago na nais ng Espiritu Santo na gawin mo.
Sa ibaba ng listahang ito, itala ang anumang iba pang naiisip mo matapos gawin ang aktibidad na ito. Makatutukoy ka ba ng isang malinaw na susunod na hakbang para mas maiprayoridad mo ang mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo? Kung oo, isulat ito sa kung saan mo ito palaging makikita.
Para tapusin ang klase, maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang natanggap mo nang pahalagahan mo ang mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo.