“Genesis 29–33: ‘Hayaang Manaig ang Diyos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 29–33: ‘Hayaang Manaig ang Diyos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 24–33: Lesson 32
Genesis 29–33
“Hayaang Manaig ang Diyos”
Ang propetang si Jacob ay isang halimbawa ng kung paano niya hinayaang manaig ang Diyos sa kanyang buhay. Ginawa niya ang lahat ng makakaya niya para makasal sa loob ng tipan, matamo ang mga pagpapala ng Panginoon sa kanyang gawain sa araw-araw, at magawa ang iniutos sa kanya ng Diyos upang mapabuti ang mga ugnayan ng kanyang pamilya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kahandaan nila na hayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay.
Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ilista ang mga paraan kung paano nagiging impluwensya ang Diyos sa kanilang buhay. Kung nais ng mga estudyante na madagdagan pa ang kaalaman nila tungkol sa paksang ito, maaari silang makinig, manood, o magbasa ng mga bahagi ng mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos” (18:51).
Mga Video: “Hayaang Manaig ang Diyos” (18:51) mula sa time code na 12:18 hanggang 13:02, “Jacob and His Family” (3:00)
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang mga impluwensya sa ating mga buhay
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na gumawa ng listahan ng ilan sa mga impluwensya sa kanilang buhay sa kanilang study journal. Maaari nilang isama ang mga kaibigan, titser, tagapayo, personalidad sa media, magulang, propeta, ang Panginoon, at maging ang sarili nilang mga iniisip at ambisyon.
Pagkatapos ay anyayahan sila na i-rank nang pinag-iisipang mabuti ang impluwensya ng bawat item sa listahan. Maaaring maglagay ang mga estudyante ng numerong 1 sa tabi ng pinakamalakas na impluwensya sa kanilang buhay, na sinusundan ng numerong 2, at iba pang kasunod na numero. O maaaring isulat ng mga estudyante ang mga salitang tulad ng “malakas,” “bahagya,” o “mahina” upang maipakita kung gaano kalakas ang impluwensya ng bawat item.
Bago nila basahin ang sumusunod na pahayag, maaaring makatulong na ipaliwanag na kapag hinayaan nating manaig ang Diyos, Siya ang magiging pinakamalakas na impluwensya sa ating buhay.
Basahin ang mga sumusunod na inspiradong tanong ni Pangulong Russell M. Nelson. Pag-isipan kung paano ninyo sasagutin ang mga ito.
Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban? (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94).
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang mga sagot nila sa mga tanong na ito. Maaaring kabilang dito ang mga paraan kung paano sila handang hayaang manaig ang Diyos o maging pinakamalakas na impluwensya sa kanilang buhay. Maaari din nilang isama ang mga paraan kung paanong hindi sila handa at kung bakit mahirap ito para sa kanila.
Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang mabigyan kayo ng mga ideya at tulong sa alinman sa inyong mga alalahanin o paghihirap, at upang matulungan kayong makadama ng ibayong hangaring hayaan Siyang lalong manaig sa inyong buhay.
Halimbawa ni Jacob
Sa isang pangyayari, si Jacob ay “natakot nang husto at nabahala” (Genesis 32:7), nag-aalala sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya. Siya ay “nakipagbuno” (Genesis 32:25) sa buong magdamag, determinadong matamo ang mga pagpapala ng Panginoon para sa mahirap na sitwasyong kinakaharap niya. (Pag-aaralan pa ninyo ang tungkol sa sitwasyong ito kalaunan sa lesson.) Bilang tugon, nangako ang Panginoon na tutulungan si Jacob, at pinalitan din Niya ang pangalan ni Jacob.
Basahin ang Genesis 32:28 at markahan ang ipinalit ng Panginoon na pangalan ni Jacob at bakit.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na itala sa kanilang mga banal na kasulatan na ang isa sa mga kahulugan ng pangalang Israel ay “Hayaang manaig ang Diyos.”
Binibigyang-diin sa lesson na ito ang tatlong aspeto ng buhay ni Jacob, o Israel, kung saan hinayaan niyang manaig ang Diyos. Sa inyong pag-aaral, maghanap ng mga halimbawa ng sumusunod na alituntunin: Kapag handa tayong hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay, pagpapalain Niya tayo sa lahat ng bagay.
Maghanda ng mga kopya ng mga sumusunod na handout at gawin ang isa sa mga sumusunod:
-
Ibigay ang mga handout na ito sa tatlong estudyante o sa mga grupo ng mga estudyante nang maaga pa lang at anyayahan silang pamunuan ang klase sa pamamagitan ng materyal.
-
Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang lahat ng tatlong aktibidad sa maliliit na grupo.
-
Bigyan ang mga estudyante ng pangunahing buod ng tatlong handout at hayaan silang pumili ng isa o dalawa sa mga ito na pag-aaralan nila. Isang paraan upang makapagbigay ng buod ang panonood sa “Jacob and His Family” (3:00).
Kung pag-aaralan ng mga estudyante ang tatlong bahaging ito sa mga grupo, sabihin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila at kung paano ito magiging makabuluhan sa kanila. Kung hindi nila ito mababanggit, itanong kung ano ang natutuhan nila tungkol sa Panginoon.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng ibang halimbawa na nakita nila sa mga tao na hinayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay.
Hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay
Maglaan ng sandali upang pagnilayan ang natutuhan ninyo o ang nais ninyong maalala mula sa lesson na ito. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang idinaragdag ninyo ang inyong mga naiisip sa inyong journal entry mula sa simula ng lesson. Isama ang mga dahilan kung bakit gusto ninyong hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay. Maaari din ninyong isama ang sa palagay ninyo ay magagawa ninyo upang madagdagan ang inyong hangaring hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay.
Kung hindi masyadong personal ang mga ito, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip. Maaari mo ring ibahagi ang iyong sariling saloobin at patotoo.