“Genesis 28: Mga Tipan sa Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 28: Mga Tipan sa Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 24–33: Lesson 31
Genesis 28
Mga Tipan sa Panginoon
Matapos pagbantaan ang kanyang buhay ng kapatid niyang si Esau, inutusan si Jacob ng kanyang mga magulang na maglakbay patungo sa bayan ng kanyang ina upang maghanap ng asawa. Habang naglalakbay, nagkaroon siya ng pangitain na naghikayat sa kanya na makipagtipan sa Diyos sa tipang Abraham. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng mas matinding hangarin na makipagtipan sa Diyos sa templo.
Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahing muli ang mga pangako ng tipang Abraham (Abraham 2:8–11). Maaaring hikayatin ang mga estudyante na subukan at ipaliwanag sa isang miyembro ng kanilang pamilya ang tungkol sa tipang Abraham at kung bakit ito mahalaga sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Bakit kailangang makipagtipan?
Maaari mong simulan ang klase sa pagpapakita ng larawan ng templo at pagkanta ng awit sa Primary na “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99).
Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na pahiwatig. Sabihin sa mga estudyante na piliin ang pahayag na pinakatotoo tungkol sa kanila. Bilang alternatibo, maaari mong ibahagi lamang ang unang bahagi ng pahiwatig, at maaaring tapusin ng mga estudyante ang pahayag sa isa o dalawang pangungusap na tumpak na nagpapakita ng kanilang damdamin at saloobin.
Kapag iniisip ko ang tungkol sa pagpunta sa templo sa hinaharap upang makipagtipan sa Diyos:
-
Hindi ko alam kung ano ang iisipin. Hindi ko masyadong iniisip ang tungkol dito.
-
Nasasabik ako. Talagang inaasam ko ang araw na iyon.
-
Medyo kinakabahan ako. Hindi ko alam kung ano ang aasahan ko.
-
Hindi ko masyadong nauunawaan ang layunin nito.
Bigyan ang mga estudyante ng oras na isulat ang kanilang mga sagot. Sabihin sa kanila na humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo sa oras ng lesson. Matutulungan sila ng Espiritu Santo na pahalagahan ang kahalagahan ng pakikipagtipan sa Diyos.
Ang panaginip ni Jacob
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang sumusunod na hindi kumpletong katotohanan sa kanilang study journal. Maaari mo rin itong isulat sa pisara at dagdagan ito sa buong lesson.
Sa lesson na ito, pag-aaralan ninyo ang tungkol kay Jacob sa Genesis 28. Sa Genesis 28:3–4, 12–20, nagtatag ang Diyos ng tipan kay Jacob, na tinanggap ni Jacob. Mula sa salaysay na ito, matututuhan natin ang mahahalagang aral tungkol sa kahalagahan ng pakikipagtipan sa Diyos. Sa pag-aaral ninyo ng lesson na ito, maghanap ng mga paraan upang makumpleto ang katotohanang ito: Kapag gumawa at tumupad tayo ng mga tipan sa Diyos, Siya ay …
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila tungkol sa tipang ginawa ng Panginoon kay Abraham. Para sa mga partikular na detalye tungkol sa tipan na ito, tingnan sa Lesson 23: “Genesis 12, 17.” Matapos magbahagi ang mga estudyante, ibuod ang sumusunod na talata gamit ang sarili mong mga salita.
Bagama’t si Jacob ay apo ni Abraham, maaaring nadama niya na ang mga pagpapala ng tipan ni Abraham ay hindi niya makakamtan. Hindi pa ikinakasal si Jacob sa tipan. Gayundin, ang alitan sa pagkapanganay at basbas ang nagtulak kay Esau na naising patayin si Jacob (Genesis 27:41). Upang maprotektahan si Jacob at matiyak na mayroon siyang pagkakataong makasal sa loob ng tipan, tinagubilinan si Jacob ng kanyang mga magulang na lumisan sa tahanan at maglakbay nang ilang daang kilometro papunta sa bayan ng kanyang ina (tingnan sa Genesis 27:42–46; 28:1–2). Ang paglalakbay na ito ay maglalayo kay Jacob sa Canaan, ang lupaing ipinangako sa kanya sa pagkapanganay.
Basahin ang Genesis 28:10–15, at alamin kung ano ang naranasan ni Jacob noong isang gabi sa kanyang paglalakbay.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magdrowing ng larawan kung ano ang nakita ni Jacob sa kanyang panaginip. Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga drowing sa isang kapartner at ipaliwanag kung ano ang pinakamahalaga sa kanila mula sa mga talata.
Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan bilang isang paglalarawan sa pangitain.
-
Anong mga pangako mula sa tipang Abraham ang ibinigay ng Panginoon kay Jacob sa mga talatang ito?
-
Anong mga karagdagang pangako ang ibinigay ng Panginoon kay Jacob sa talata 15?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na idagdag ang mga karagdagang pangakong ito sa kanilang katotohanan. Maaari mong isulat ang mga posibleng sagot sa pisara. Maaaring kasama sa mga sagot ang tayo ay sasamahan, tayo ay poprotektahan at pangangalagaan, tayo ay hindi iiwan.
-
Sa inyong palagay, bakit kaya makabuluhan ang mga pangakong ito kay Jacob sa panahong ito?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga pangakong ito, anyayahan silang tapusin ang sumusunod na aktibidad nang may kapartner o sa maliliit na grupo. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga karagdagang banal na kasulatan o pahayag na magpapatibay sa mga pangakong ito.
Pag-aralan ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag, at alamin kung paano nito pinalalalim ang inyong pang-unawa sa mga pangakong ginawa ng Panginoon kay Jacob.
Juan 14:18
Mga Gawa 17:27 (pansinin ang Pagsasalin ni Joseph Smith)
Sinabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Habang tumatahak kayo sa landas ng tipan, mula sa binyag hanggang sa templo at habambuhay, ipinapangako ko sa inyo ang kapangyarihang salungatin ang likas na daloy ng kamunduhan—kapangyarihang matuto, kapangyarihang magsisi at mapabanal, at kapangyarihang makasumpong ng pag-asa, kapanatagan, at maging ng kagalakan kapag may mga hamon kayo sa buhay. Nangangako ako sa inyo at sa inyong pamilya ng proteksyon laban sa impluwensya ng kaaway, lalo na kapag ang templo ang pangunahing pinagtutuunan ninyo ng pansin sa buhay. (“Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2023, 37)
Maaaring makatulong sa mga estudyante na maunawaan na hindi tayo inililigtas ng paggawa ng mga tipan mula sa mga hamon sa buhay. Gayunpaman, itinuro ni Elder D. Todd Christofferson na naibibigay ng mga tipan na ito “ang pinakamalaki nating pag-asa para makaiwas sa maiiwasang pagdurusa sa isang banda at magtagumpay rin na makayanan ang di-maiiwasang kapighatian sa buhay” (“Bakit Mahalagang Tahakin ang Landas ng Tipan,” Liahona, Mayo 2021, 117).
-
Alin sa mga pangakong ito ang pinakamakabuluhan sa inyo?
Ang nadarama ni Jacob tungkol sa kanyang karanasan
Maaaring makatulong na ipakita ang sumusunod na passage at mga tanong. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahin at talakayin ang sumusunod nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. (Maaari mong ibahagi sa mga estudyante na ang mga salitang “natatakot” at “nakakapangilabot” ay naglalarawan na si Jacob ay namangha. Mas mainam na isalin ang “nakakapangilabot” bilang “nakamamangha.”)
Basahin ang Genesis 28:16–21, at alamin ang reaksyon ni Jacob sa kanyang karanasan.
-
Anong damdamin tungkol sa Panginoon ang nakikita ninyong ipinapahayag ni Jacob?
-
Paano siya hinihikayat ng mga damdaming ito na makipagtipan sa Panginoon?
Matapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na magtalakayan, maaari mong anyayahan ang ilan na ibahagi sa klase kung ano ang kanilang natutuhan.
Ang pagbibigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang natututuhan ay makadaragdag sa kanilang kumpiyansa sa pakikibahagi sa mga pag-uusap tungkol sa ebanghelyo. Para sa karagdagang training kung paano mahihikayat ang mga estudyante na magbahagi sa iba, tingnan sa “Hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro. (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 35)
-
Anong mga salita o parirala mula sa talata 16–21 ang maiuugnay sa mga makabagong templo?
Maaaring ipaliwanag ng mga estudyante ang mga salita o parirala tulad ng “tunay na ang PANGINOON ay nasa lugar na ito” (talata 16); “ang bahay ng Diyos” at “ang pintuan ng langit” (talata 17); “Bethel” (talata 19), na ibig sabihin ay “bahay ng Diyos” (tingnan sa footnote a); at “nagpanata” (talata 20). Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan.
Maaaring magdagdag ang mga estudyante sa kanilang mga drowing ng pangitain sa pamamagitan ng pagsulat ng “bahay ng Diyos,” “pintuan ng langit,” o “templo” saanmang bahagi malapit sa ibaba ng hagdan.
Pakikipagtipan sa Panginoon
Sabihin sa mga estudyante na gawin ang sumusunod na aktibidad sa kanilang study journal. Maaaring makatulong na sabihin sa mga estudyante na pagnilayan nila ang mga sagot na ito sa isang lesson sa hinaharap. Gagamitin ng mga estudyante ang isinulat nila dito para matapos ang isang aktibidad para sa assessment sa Lesson 37: “I-assess ang Iyong Pagkatuto 2.”
Upang maihanda ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot, maaari mong ibahagi ang sumusunod na talata gamit ang sarili mong mga salita.
Nang lisanin ni Jacob ang tahanan ng kanyang mga magulang at umalis nang mag-isa, nakipagtipan siya sa Diyos. Nangako ang Diyos na sasamahan, pangangalagaan, at poprotektahan Niya si Jacob. Sa loob ng ilang taon, mahaharap kayo sa maraming pagpili kung ano ang susunod na gagawin sa inyong buhay. Kabilang sa mga desisyong ito ang pagkakataong makipagtipan sa Diyos sa templo. Pag-isipan ang pagkakataong ito sa inyong hinaharap habang sinasagot ninyo ang mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:
-
Anong mga ipinangakong pagpapala ang naranasan mo sa pagsisikap na tuparin ang iyong mga tipan sa Diyos o sa paglilingkod sa templo?
-
Anong mga sitwasyon ang maaari mong harapin sa hinaharap kung saan matutulungan ka ng pangangalaga at proteksyong ipinangako ng Diyos sa mga taong makikipagtipan sa Kanya?
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano mo naranasan ang mga pangakong nauugnay sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Panginoon.