Seminary
Genesis 12; 17: Ang Tipang Abraham


“Genesis 12; 17: Ang Tipang Abraham,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Genesis 12; 17: Ang Tipang Abraham,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 12–17; Abraham 1–2: Lesson 23

Genesis 12; 17

Ang Tipang Abraham

The Old Testament prophet Abraham kneeling in prayer on the plains of Mamre. Abraham's wife, Sarah, is standing in the doorway of a tent in the background. Sarah is watching Abraham. There is desert scenery in the background.

Nakipagtipan ang Panginoon at si Abraham na kilala ngayon bilang tipang Abraham. Kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Diyos ngayon, matatanggap natin ang mga pagpapalang natanggap din ni Abraham mula sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maipaliwanag ang tipang Abraham at kung paano ito nauugnay sa kanila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang “Tipang Abraham” sa Gospel Library o Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at pumasok sa klase na handang ibahagi ang nalaman nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang tipang Abraham

Anyayahan ang mga estudyante na isipin na kunwari ay hiniling sa kanila na magbigay ng mensahe sa sacrament meeting tungkol sa tipang Abraham. Upang matulungan silang ma-assess kung gaano sila kahandang gawin ito, anyayahan silang isulat at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang tipang Abraham?

  • Paano ko matatanggap ang tipang Abraham?

  • Bakit mahalaga sa akin ang tipang Abraham?

Tiyakin sa mga estudyante na ayos lang kung wala silang gaanong alam tungkol sa tipang Abraham. Ipaalam sa kanila na makapagdaragdag sila sa kanilang mga sagot habang nagkaklase. Hikayatin silang humingi ng pagpapatibay mula sa Espiritu Santo tungkol sa katotohanan ng natututuhan nila.

Paalala: Ang lesson na ito ay nakatuon sa kung ano ang mga pagpapala ng tipang Abraham at kung bakit mahalaga ang mga ito sa atin. Ang Lesson 24: “Abraham 2:9–11” ay magtutuon sa ating mga responsibilidad sa tipang Abraham.

Ano ang tipang Abraham?

Alalahanin na hinangad ni Abraham “ang mga pagpapala ng mga ama,” at maging isang “tagasunod ng kabutihan” (Abraham 1:2). Nangako ang Panginoon na ibibigay Niya ang Kanyang pangalan kay Abraham at ibibigay sa kanya ang priesthood (tingnan sa Abraham 1:18).

Maaari mong gawin sa pisara ang sumusunod na chart. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga talata sa unang column at ilista ang mga pagpapalang nakita nila sa tabi ng mga katugmang talata sa pisara. Pag-aaralan nila ang mga talata sa pangalawang column kalaunan sa lesson.

Ang mga pagpapala ng Panginoon na ipinangako kay Abraham

Ang mga pagpapala ng Panginoon na ipinangako sa akin

Genesis 12:2; 17:1–2, 4–6

Genesis 12:3; 17:7

Genesis 12:7; 17:8

Abraham 2:11

Doktrina at mga Tipan 132:19–22, 30–31

Abraham 2:9–11

Doktrina at mga Tipan 88:18–20

Doktrina at mga Tipan 84:33–38

Basahin ang Genesis 12:2–3, 7; 17:1–8; Abraham 2:11, at alamin ang mga pagpapalang ibinigay ng Diyos kay Abraham.

Habang binabasa ng mga estudyante ang mga banal na kasulatan, maaari kang lumibot sa silid. Mas malamang na magtanong ang ilang estudyante kapag malapit ang titser, kaya mas magiging madali ang paghingi ng tulong ng ilang estudyante sa iyo kung maglilibot ka sa silid-aralan habang nagbabasa sila. Kapag tapos na ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang nalaman ninyo?

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng mga pangakong ito tungkol sa Diyos?

Ang sumusunod ay listahan ng ilan sa mga pagpapalang maaaring makita ng mga estudyante:

  1. Genesis 12:2; 17:1–2, 4–6: ama ng maraming bansa; labis na pararamihin; napakaraming anak (Sa Hebreo, ang ibig sabihin ng pangalang Abram ay “dinakilang ama,” at ang ibig sabihin ng pangalang Abraham ay “ama ng marami.”)

  2. Genesis 12:3; 17:7: ang lahat ng pamilya sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng kanyang mga inapo; ang tipan ng Diyos ay magpapatuloy sa mga inapo ni Abraham

  3. Genesis 12:7; 17:8: lupain ng Canaan

  4. Abraham 2:11: priesthood

Maaari ding matukoy ng mga estudyante ang pariralang “magbubuhat sa iyo ang mga hari” (Genesis 17:6). Tumutukoy ito sa mga hari na mamumuno sa Israel at sa Juda; ngunit higit sa lahat, ito ay tumutukoy kay Jesucristo (tingnan sa Mateo 1:1; Apocalipsis 19:16).

Maaari mong ipaliwanag na ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham ay kilala bilang tipang Abraham. Ipaliwanag na ganito ibinibigay ng Diyos ang Kanyang mga pinakadakilang pagpapala sa Kanyang mga anak. Muling pinagtibay ng Diyos ang tipang ito kay Abraham nang maraming beses sa kanyang buhay (tingnan sa Genesis 13:14–17; 15:5, 18; 22:15–18; Abraham 2:8–12; 3:14).

Paano ko matatanggap ang tipang Abraham?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson upang matulungan ang mga estudyante na makita kung paano nauugnay sa kanila ang tipang Abraham (tingnan din sa Galacia 3:27–29; Abraham 2:10).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano matatanggap din ng bawat isa sa atin ang mga pagpapalang kapareho ng ipinangako ng Diyos kay Abraham:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo at bininyagan tayo, tinataglay natin sa ating mga sarili ang banal na pangalan ni Jesucristo. Ang binyag ang pasukan na humahantong sa pagiging kasamang tagapagmana ng lahat ng pangakong ibinigay ng Panginoon kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo noong sinaunang panahon.

“Ang bago at walang hanggang tipan” (Doktrina at mga Tipan 132:6) at ang tipang Abraham ay halos magkapareho lamang—dalawang paraan ng pagpapahayag ng tipan na ginawa ng Diyos sa mga mortal na kalalakihan at kababaihan sa magkakaibang panahon. …

… [K]ayo at ako ay personal na pumasok sa landas ng tipan sa binyag. Pagkatapos ay pumapasok tayo rito nang mas lubusan sa templo. Ang mga pagpapala ng tipang Abraham ay iginagawad sa mga banal na templo. Ang mga pagpapalang ito ay nagtutulot sa atin, sa pagkabuhay na mag-uli, na “[magmana] ng mga trono, kaharian, kapangyarihan, mga pamunuan, at mga sakop, sa ating ‘kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay’ [Doktrina at mga Tipan 132:19].” (“Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 4, 6)

  • Paano ninyo ibubuod ang matututuhan natin mula kay Pangulong Nelson tungkol sa mga pagpapala ni Abraham?

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad ng: Kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Diyos, tayo ay nagiging mga tagapagmana sa mga pagpapalang ibinigay kay Abraham.

Bakit mahalaga sa akin ang tipang Abraham?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga reference sa pangalawang column at ilista sa kanilang study journal kung paano ipinangako rin sa kanila ang mga pagpapalang ipinangako kay Abraham. Maaaring makabuti sa mga estudyante na mag-aral nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga pagpapalang maaaring mahanap ng mga estudyante:

  1. Doktrina at mga Tipan 132:19–22, 30–31: mga walang-hanggang pamilya (“pagpapatuloy ng mga binhi” at “pagpapatuloy ng mga buhay”)

  2. Abraham 2:9–11: ang ebanghelyo na ibinahagi sa lahat ng mag-anak sa mundo; kaligtasan at kadakilaan

  3. Doktrina at mga Tipan 88:18–20 (tumutukoy ang “ito” sa mundo): mana sa kahariang selestiyal (tingnan din sa Mga Hebreo 11:8, 13–16)

  4. Doktrina at mga Tipan 84:33–38: ang mga pagpapala ng pagkasaserdote, kabilang na ang lahat ng mayroon ang Ama

  • Sa anong mga paraan naging makabuluhan sa inyo ang mga ipinangakong pagpapalang ito?

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng pagpapalang ito tungkol sa nadarama ng Diyos para sa inyo?

Upang ilagay ang tipang Abraham sa konteksto ng plano ng Ama sa Langit, maaari mong itanong sa mga estudyante kung bakit naging posibleng matanggap natin ang mga pagpapalang inilista nila. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pagnilayan o ibahagi ang ilan sa kanilang mga naiisip. Maaari mo ring ibahagi ang pahayag na ito ni Pangulong Nelson.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson kung bakit naging posible para sa atin na matanggap ang mga pagpapala ng tipang Abraham:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang nagtulot sa Ama na tuparin ang Kanyang mga pangako sa Kanyang mga anak. … Ang katuparan ng tipang Abraham ay nagiging posible dahil sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Si Jesucristo ang sentro ng tipang Abraham. (“Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 7).

Ipaliwanag ang tipang Abraham

Sabihin sa mga estudyante na magdagdag sa kanilang mga sagot mula sa simula ng klase:

  • Ano ang tipang Abraham?

  • Paano ko matatanggap ang tipang Abraham?

  • Bakit mahalaga sa akin ang tipang Abraham?

Upang mapagtibay ang kanilang pag-unawa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magpartner-partner at ipaliwanag ang tipang Abraham sa isa’t isa. Hikayatin silang subukan kung maaari nilang magawa nang maikli ngunit kumpleto ang kanilang mga sagot. Ang pagpapaliwanag ng tipang ito sa ilang salita hangga’t maaari ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ito nang mas malinaw.

Patotohanan ang mga pagpapala at pangakong ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng tipang Abraham.