“Ang Ating Banal na Pagkatao at Layunin: Ako ay Anak ng Diyos,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Ang Ating Banal na Pagkatao at Layunin: Ako ay Anak ng Diyos,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili: Lesson 173
Ang Ating Banal na Pagkatao at Layunin
Ako ay Anak ng Diyos
Ipinapahayag ng mga kabataang babae ng Simbahan sa buong mundo na “Ako ay minamahal na anak na babae ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at walang hanggang tadhana” (“Tema ng Young Women”). Ipinapahayag ng mga kabataang lalaki, “Ako ay minamahal na anak na lalaki ng Diyos, at may gawain Siyang ipinagagawa sa akin” (“Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood”). Ang lesson na ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang banal na pagkatao at layunin.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang unang linya ng “Tema ng Young Women” o “Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood.” Maaari nilang subukang isaulo ito o bigkasin ito nang maraming beses sa buong araw. Maaaring ibahagi ng mga estudyante kung paano naimpluwensyahan ng paggawa nito ang kanilang mga pag-uugali o pagkilos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ako ay anak ng Diyos!
Ang simula ng kursong ito ng seminary ay naglalaman ng maraming lesson sa Lumang Tipan na tumutugon sa ating banal na pagkatao at layunin. Halimbawa, Lesson 3: “Abraham 3,” Lesson 4: “Moises 1:1–11,” Lesson 5: “Moises 1:12–26,” at Lesson 8: “Genesis 1:26–27.” Rerebyuhin sa lesson na ito ang mga katotohanan tungkol sa banal na pagkatao mula sa ibang lesson sa Lumang Tipan. Maaaring isa itong pagrerebyu kung natalakay na ng mga estudyante ang mga lesson na ito o nagkaroon na sila ng preview ng mga lesson na pag-aaralan nila kalaunan sa seminary.
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng salamin sa mga estudyante. Sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong nang may kapartner:
-
Gaano kadalas kayong tumitingin sa salamin sa buong araw?
-
Ano ang karaniwang naiisip ninyo kapag tumitingin kayo sa inyong repleksyon?
Maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag:
Ipinaabot ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na paanyaya sa mga kabataan:
Marami sa inyo ang sinisimulan ang araw sa pagtayo sa harap ng salamin. Bukas, sa linggong ito, sa taong ito, sa tuwina, tumigil sandali habang tinitingnan ninyo ang inyong sarili sa salamin. Isipin sa inyong sarili, o sabihin nang malakas kung gusto ninyo, “Aba, tingnan mo nga naman! Ako ay magaling! Anak ako ng Diyos! Kilala Niya ako! Mahal Niya ako!” (“Mga Pahiwatig ng Espiritu,” Liahona, Nob. 2023, 45)
Upang makatulong sa pagbibigay-diin sa paanyaya ni Elder Stevenson, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tumayo at bigkasin ang kanyang pahayag nang sabay-sabay simula sa “Aba, tingnan mo nga naman!”
Bigyan ang mga estudyante ng oras para pag-isipan ang sumusunod:
-
Sa palagay ninyo, totoo ba ang pahayag ni Elder Stevenson tungkol sa inyo? Bakit oo o bakit hindi?
Habang pinag-aaralan ninyo ang mga talata ng banal na kasulatan sa lesson na ito, pagnilayan kung paano nauugnay ang mga ito sa inyo. Habang ginagawa ninyo ito, makatutulong ang Espiritu Santo na muling pagtibayin o dagdagan ang inyong kumpiyansa tungkol sa inyong banal na pagkatao at layunin.
Isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan
Maaari mong idrowing ang sumusunod na chart sa pisara at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang study journal. Maaari mong bawasan ang bilang ng mga scripture passage na pag-aaralan ng mga estudyante ayon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante o sa oras na magagamit ng klase.
Marami tayong matututuhan tungkol sa ating banal na pagkatao at layunin mula sa mga karanasan at turo ng mga tao sa Lumang Tipan. Bagama’t marami sa mga passage na ito ay tungkol sa mga tao sa Lumang Tipan, ang mga katotohanan ay maiaangkop din sa atin.
Bago simulan ng mga estudyante ang pag-aaral ng mga passage na ito, maaaring makatulong na pag-aralan ang isa sa mga passage nang sama-sama. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano ninyo ito magagawa.
Basahin ang Moises 1:3, 6, 12–13 at alamin ang kaibhang naidulot kay Moises nang kaalamang siya ay anak ng Diyos.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Maaaring ibinahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng ako ay anak ng Diyos at may gawain Siya na ipinagagawa sa akin o dahil alam kong anak ako ng Diyos, makatutulong ito sa akin na madaig ang tukso. Sa pisara, magdrowing ng mga arrow mula sa Moises 1:3, 6, 12–13 na nakaturo sa mga bagong bilog. Isulat ang mga katotohanang ito, o ang maaaring natukoy ng ibang estudyante, sa mga bagong bilog na ito. Maaaring anyayahan ang mga estudyante na gawin din ito sa kanilang study journal.
Kung makikinabang ang mga estudyante sa karagdagang talakayan tungkol sa mga katotohanang ito, maaari mong gamitin ang materyal mula sa Lesson 4: “Moises 1–11” at Lesson 5: “Moises 1:12–26.”
-
Paano nakagawa ng pagbabago sa inyong buhay ang mga katotohanang ito na nalaman ninyo (o paano ito makakagawa ng kaibhan)?
-
Ano ang maaaring ilan sa gawain ng Diyos na dapat ninyong isakatuparan?
Pag-aaral at talakayan ng estudyante
Maaari mong pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante at ibigay ang mga tagubilin sa ibaba. Maaari mong baguhin ang mga tagubilin ayon sa magagamit na oras ng klase.
Mga Paalala: Maaari mong anyayahan ang mga estudyanteng nagbabasa ng Genesis 1:26–27 na tingnan din ang pangalawang talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” para sa mga karagdagang kabatiran. Kung hindi pamilyar ang mga estudyante sa kuwento tungkol kay Reyna Esther, maaari mong ipaliwanag na siya ay isang babaeng Judio sa Persia na inilagay sa peligro ang kanyang buhay para iligtas ang mga tao ng Panginoon mula sa pagkalipol.
-
Basahin ang tatlo o mahigit pa sa mga natitirang scripture passage sa chart.
-
Sa chart sa inyong study journal, magdrowing ng mga arrow mula sa bawat banal na kasulatan na inyong binabasa. Magdrowing ng mga bagong bilog sa dulo ng mga arrow na ito.
-
Sa loob ng mga bagong bilog na ito, isulat kung ano ang itinuturo ng banal na kasulatang iyon tungkol sa inyong banal na pagkatao o layunin.
-
Talakayin sa inyong grupo kung paano naapektuhan ng mga turong ito ang inyong buhay o kung paano maaaring makaimpluwensya ang mga ito.
Kapag natapos na ang mga estudyante, maaari mo silang anyayahan na idagdag sa pisara ang ilan sa mga katotohanang natutuhan nila sa chart.
Nakalista sa ibaba ang mga katotohanang maaaring natukoy ng mga estudyante, kasama ang mga kaugnay na lesson.
Abraham 3:22–23. Nabuhay ako sa piling ng Ama sa Langit bilang isa sa Kanyang mga espiritung anak bago ako isinilang. Tingnan sa Lesson 3: “Abraham 3.”
Abraham 3:24–26. Ipinadala ako sa mundo upang subukin kung susundin ko ang mga kautusan ng Diyos.
Genesis 1:26–27. Ako ay anak ng mga magulang sa langit, na nilikha ayon sa kanilang larawan. Tingnan sa Lesson 8: “Genesis 1:26–27.” Tingnan din ang pangalawang talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”
Esther 4:14. Inilalagay ako ng Ama sa Langit sa mga sitwasyon kung saan makatutulong ako sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain. Tingnan sa Lesson 94: “Esther Bahagi 1.”
Mga Awit 82:6. Ako ay anak ng Diyos at may potensyal na maging katulad Niya.
Jeremias 1:5. Bago ako isinilang, kilala na ako ng Panginoon at binigyan Niya ako ng mga partikular na responsibilidad na gagampanan sa mortalidad. Tingnan sa Lesson 130: “Jeremias 1.”
Malakias 2:10. Lahat tayo ay anak ng Diyos at dapat nating pakitunguhan ang isa’t isa nang mabuti.
Maaari kang pumili ng ilan sa mga pahayag na isinulat ng mga estudyante sa pisara at talakayin ang mga ito gamit ang materyal mula sa kaugnay na lesson. Tingnan ang dulo ng lesson na ito para sa isang kumpletong bersiyon ng graphic. O maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang malaman ang katotohanang ito?
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na maniwalang totoo ito?
-
Paano makaiimpluwensya sa paraan ng pakikitungo natin sa iba ang kaalaman tungkol sa banal na pagkatao at layunin nila?
Maaari mong ipakita ang pahayag na ito bilang bahagi ng talakayan tungkol sa naunang tanong:
Nakiusap sa atin si Pangulong Russell M. Nelson na igalang ang lahat ng anak ng Diyos nang sabihin niyang:
Bawat isa sa atin ay may banal na potensiyal dahil bawat isa ay anak ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Malawak ang implikasyon ng katotohanang ito. Mga kapatid, sana’y makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Pantay-pantay ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng lahi. Malinaw ang Kanyang doktrina ukol sa bagay na ito. Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” [2 Nephi 26:33].
Tinitiyak ko sa inyo na ang katayuan sa harap ng Diyos ay hindi batay sa kulay ng inyong balat. Ang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng Diyos ay batay sa inyong katapatan sa Kanya at sa Kanyang mga utos at hindi sa kulay ng inyong balat.
Nalulungkot ako na nararanasan ng mga kapatid nating Itim sa buong mundo ang pait na dulot ng rasismo at diskriminasyon. Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo. Nakikiusap ako sa inyo na itaguyod ang respeto para sa lahat ng anak ng Diyos.
Ang tanong para sa bawat isa sa atin, anuman ang lahi, ay iyon pa rin. Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94)
Pangwakas
Isipin na habang paalis ka sa seminary, sinabi ng isang estudyante: “Hindi ako sigurado sa mga bagay na natutuhan natin ngayon. Talaga bang pinaniniwalaan mo ang lahat ng bagay tungkol sa ating banal na pagkatao at layunin?”
Pagnilayan ang mga bagay na maaaring natutuhan at nadama ninyo ngayon. Sa inyong study journal, magsulat ng maikling tugon na maibabahagi ninyo sa inyong kaibigan.
Ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila. Hikayatin ang mga estudyante na ilagay ang pahayag ni Elder Stevenson sa isang salamin na madalas nilang ginagamit, para masunod nila ang kanyang paanyaya. Ang sumusunod na larawan ay nagbibigay ng ilang ideya sa kung ano ang maaaring maging hitsura ng nakumpletong chart kapag natapos na ang mga estudyante sa aktibidad sa pag-aaral.