Seminary
Pagtatakda ng mga Mithiin: Epektibong Pagtatakda at Pagsasakatuparan ng Mithiin


“Pagtatakda ng mga Mithiin: Epektibong Pagtatakda at Pagsasakatuparan ng Mithiin,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pagtatakda ng mga Mithiin: Epektibong Pagtatakda at Pagsasakatuparan ng Mithiin,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili: Lesson 172

Pagtatakda ng mga Mithiin

Epektibong Pagtatakda at Pagsasakatuparan ng Mithiin

Illustration from August

Bagama’t maraming tao ang napagpala sa pamamagitan ng pagtatakda at pagsasakatuparan ng mga mithiin, maaaring isantabi ng iba ang mga mithiin o panghinaan sila ng loob kapag hindi nila ito nakakamit. Nais ng Panginoon na tayo ay maging katulad Niya at ng Ama sa Langit (tingnan sa 3 Nephi 12:48). Tutulungan Niya tayo habang nagsisikap tayong matuto at umunlad. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas mapalapit sa Panginoon habang natututo sila na itakda at isakatuparan ang kanilang mga personal na mithiin sa tulong Niya.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga pangmatagalan at panandaliang mithiin na nais nilang makamit. Maaari din nilang tanungin ang mga kakilala nila kung ano ang natutuhan nila tungkol sa pagtatakda at pagsasakatuparan ng mga layunin.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga mithiin at mga pagpili

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagdrowing sa pisara ng sumusunod na diagram. Sabihin sa mga estudyante na gawin din ito sa kanilang study journal.

Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa tabi ng bawat stick figure sa kanan.

  • Ano ang inaasahan ninyong maisakatuparan sa loob ng tatlong buwan mula ngayon? Sa loob ng isang taon? Sa loob ng limang taon?

    Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga sumusunod na tanong. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga nakahandang estudyante ang kanilang mga sagot sa klase.

  • Ano ang naiisip o nadarama ninyo habang pinag-iisipan ninyo ang mga mithiing ito? Bakit?

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maging pinakamagandang bersiyon kayo ng inyong sarili—at sa huli ay maging katulad Nila (tingnan sa 3 Nephi 12:48). Sa lesson ngayon, hingin ang patnubay ng Espiritu para makita kung paano Nila kayo matutulungan sa pagtatakda at pagsasakatuparan ng inyong mga personal na mithiin.

Ang tulong ng Panginoon

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol, at maghanap ng matututuhan ninyo tungkol sa pagtatakda at pagsasakatuparan ng ating mga mithiin:

Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Ang tulong na matatanggap natin mula sa Panginoon sa ating mga mithiin at mabubuting hangarin ay walang katapusan, at susuportahan Niya tayo sa anumang mabuti at matwid na pagsisikap. … Inaanyayahan ko kayong mag-isip ng mga paraan para makamit ang mabubuting pagsisikap sa sarili ninyong buhay, anuman ang inyong sitwasyon. Tinitiyak ko sa inyo na mahal ng Panginoon ang bawat isa sa atin at lagi Siyang nariyan para tulungan tayo, anuman ang sitwasyong kinakaharap natin. (“Mga Mithiin, Paglago, at Pag-unlad—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol,” [digital lamang na artikulo], Liahona, Ene. 2023, Gospel Library)

  • Paano magagamit ang mensahe ni Elder Soares sa pagtatakda at pagsasakatuparan ng ating mga mithiin?

    Bagama’t maaaring gumamit ng iba’t ibang salita ang mga estudyante, tulungan silang makita na tutulungan tayo ng Panginoon na itakda at isakatuparan ang ating matwid na mga mithiin. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.

    Pagkatapos ay isulat ang Ang Panginoon sa pisara, sa itaas ng diagram mula sa simula ng lesson, at itanong ang sumusunod.

  • Ano ang mag-iiba kung alam ninyong tutulungan kayo ng Panginoon sa pagtatakda at paghahangad ninyong isakatuparan ang inyong mga mithiin?

    Maaaring makatulong na ipaliwanag na maaari tayong magtakda ng mga mithiin sa maraming aspekto ng ating buhay, kabilang ang mga mithiin natin para sa ating edukasyon, relasyon, at pisikal na kalusugan. Ang anumang pagsisikap na lumago, humusay, o umunlad sa paraang tulad ng kay Cristo ay maaaring maging isang matwid na mithiin.

    Ang ilang estudyante ay maaaring panghinaan ng loob tungkol sa pagtatakda ng mga mithiin dahil pakiramdam nila ay mas madalas na bigo sila sa pagkamit ng mga ito kaysa magtagumpay. Para matulungan ang mga estudyanteng ito, maaari mong itanong ang sumusunod.

  • Kapag hindi natin natutupad ang ating mga mithiin, bakit mahalagang maalalang mahal tayo ng Panginoon at nariyan Siya para tulungan tayo, tulad ng itinuro ni Elder Soares?

Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang 2 Nephi 4:17–21, 26–28 at alamin kung paano bumaling si Nephi sa Panginoon nang madama niyang nagkukulang siya.

Para sa isang halimbawa kung paano tayo matutulungan ng Panginoon na isakatuparan ang ating mga mithiin—kahit tila imposible ito—maaari mong gamitin ang halimbawa ni Abraham. Maaaring napag-aralan na ng mga estudyante ang kuwentong ito sa Lesson 22: “Abraham 1.” Kung gayon, maaari mong i-adjust ang aktibidad sa ibaba upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante.

Ilang taon bago siya tinawag bilang propeta ng Panginoon, pinalaki si Abraham sa isang lupain na puno ng kasamaan at pagsamba sa mga diyus-diyusan. Maging ang kanyang sariling ama ay determinadong “kitlin ang [kanyang] buhay” (Abraham 1:30).

Basahin ang Abraham 1:1–2, 4, at alamin ang mga mithiing itinakda ni Abraham para sa kanyang sarili.

  • Ano ang nalaman ninyo?

  • Kung isasaalang-alang ang mga kalagayan ni Abraham, gaano kaya kahirap makamtan ang kanyang mga mithiin?

Mahimalang iniligtas ng Panginoon ang buhay ni Abraham at nangako Siya na tutulungan si Abraham na maisakatuparan nito ang kanyang mga matwid na mithiin (tingnan sa Abraham 1:15–20).

Basahin ang Abraham 1:18–19, at alamin kung paano tutulungan ng Panginoon si Abraham.

  • Paano maaaring makaimpluwensya ang karanasan ni Abraham sa kung paano ninyo pinag-iisipan ang inyong mga mithiin?

  • Paano nakatulong ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa inyo o sa taong kilala ninyo sa pagtatakda o pagsasakatuparan ng isang matwid na mithiin?

Proseso ng pagtatakda ng mithiin

icon ng seminary Bigyan ang bawat estudyante ng handout na “Mga Alituntunin sa Pagtatakda at Pagsasakatuparan ng mga Mithiin.” Maaari ding makuha ng mga estudyante ang impormasyong ito sa pamamagitan ng pagpunta sa pahina 171 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023).

Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang handout nang mag-isa at pagkatapos ay talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa ibaba nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.

Rebyuhin ang mga alituntunin sa handout at maghandang sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Aling mga bahagi ng prosesong ito ang mahusay ninyong nagagawa? Aling mga bahagi ang pinakamahirap para sa inyo? Bakit?

  • Ano ang maaaring mangyari kung isasali ang Panginoon at hihingin ang Kanyang tulong sa buong prosesong ito?

Pagkatapos ng sapat na oras, maaaring ibahagi ng ilang estudyante ang kanilang mga sagot sa klase.

Pagsasanay sa pagtatakda ng mithiin

Kung may oras pa, maaari mong tulungan ang iyong mga estudyante na magsanay sa pagtatakda at pagsasakatuparan ng mga mithiin gamit ang prosesong ito. Maaari nilang gawin ang sumusunod na aktibidad nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. O maaari kang dumiretso sa bahaging “Iyong mithiin.”

Maglista sa inyong study journal ng ilang halimbawa ng matwid at makabuluhang mithiin na maaaring itakda ng mga tinedyer para sa kanilang buhay.

Pagkatapos ay pumili ng isa sa mga mithiing ito at, gamit ang mga alituntunin sa handout, lumikha ng isang sitwasyon kung saan maaaring makatotohanang gawin ng indibidwal ang bawat hakbang. Pag-isipan kung paano ninyo maisasali ang Panginoon sa prosesong ito.

Maaari mong gamitin ang sumusunod na sitwasyon bilang halimbawa:

  1. Humingi si Jayden ng tulong sa Ama sa Langit sa pagtatakda ng mithiin. Nagdesisyon siyang pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw sa loob ng 10 minuto.

  2. Nagdesisyon siyang gumising nang mas maaga para makapag-aral siya bago pumasok sa paaralan.

  3. Pagkatapos ng isang linggo, napansin ni Jayden na palagi siyang nakakatulog. Nagdasal siya para sa tulong.

  4. Pagkatapos ng dalawang linggo, nadama ni Jayden na tila bigo siya sa kanyang mithiin. Hiniling niya sa Ama sa Langit na tulungan siyang madama ang pagmamahal Niya at ni Jesucristo para sa kanya. Nahikayat at nagpasiya siya na muling sumubok, na may tiwalang tutulungan siya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Nagpasiya siyang sadyang matulog nang mas maaga tuwing gabi para mas madali siyang magising.

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sitwasyon.

Ang iyong mithiin

Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan na makagagawa ang mga estudyante ng plano na isama ang Panginoon sa kanilang mga mithiin. Maaari nilang isulat ang kanilang mga mithiin at plano sa kanilang study journal o sa handout.

Pagnilayan ang sarili ninyong mga personal na mithiin gamit ang unang hakbang mula sa handout. Upang magawa ito, maaari ninyong isipin ang inyong drowing mula sa simula ng lesson.

Magsulat ng isa o dalawang mithiin na nais ninyong maisakatuparan. Gumawa ng detalyadong plano na naglalahad ng mga hakbang na gusto ninyong gawin upang maisakatuparan ang mga ito. Tiyaking isama sa inyong plano kung paano ninyo maisasali ang Panginoon sa inyong mga mithiin.

Hikayatin ang mga estudyante sa kanilang pagsisikap na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at ipaalala sa kanila ang tulong ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Maaari mong basahin muli ang pahayag ni Elder Soares at ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kanyang itinuro.