“Responsableng Paggamit ng Teknolohiya: ‘Maging Maingat Tayo at Hindi Kaswal sa Paggamit Natin ng Teknolohiya,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Responsableng Paggamit ng Teknolohiya: ‘Maging Maingat Tayo at Hindi Kaswal sa Paggamit Natin ng Teknolohiya,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili: Lesson 174
Responsableng Paggamit ng Teknolohiya
“Maging Maingat Tayo at Hindi Kaswal sa Paggamit Natin ng Teknolohiya”
Kung minsan, madaling maging kaswal sa halip na maging maingat at may intensyon kapag gumagamit ng teknolohiya. Kung tayo ay maingat at may layunin sa paggamit nito, maaaring gawing pagpapala ng Panginoon sa atin at sa iba ang teknolohiya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na gamitin ang mga turo ni Jesucristo upang suriin ang kanilang paggamit ng teknolohiya.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang paggamit nila ng teknolohiya at ang mga posibleng epekto nito sa kanilang sarili at sa iba. Para makatulong dito, maaaring tingnan ng ilang estudyante ang kanilang device para sa isang setting o application na nagpapakita kung gaano katagal nilang ginagamit ang device o mga application.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga desisyon tungkol sa paggamit ng teknolohiya
Maaari kang magdrowing ng larawan ng isang taong nakatayo sa sangandaan na may ilang landas.
-
Sa anong iba’t ibang paraan ginagamit ng mga kabataan ang teknolohiya ngayon?
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga paggamit tulad ng pakikipag-usap sa iba, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilibang, paggamit ng social media, at paggawa ng takdang-aralin. Habang sinasagot ng mga estudyante ang tanong, maaari kang gumawa ng listahan o lagyan ng label ang mga landas sa pisara gamit ang mga sagot ng mga estudyante. Magiging kapaki-pakinabang sa mga estudyante ang listahang ito kalaunan sa lesson.
-
Paano natin malalaman kung ano ang angkop o hindi angkop na paggamit ng teknolohiya?
Tulad ng taong ito na may maraming mapagpipiliang landas, maaari tayong mahirapan sa paggawa ng mabubuting desisyon tungkol sa paggamit natin ng teknolohiya.
Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin kung paano tayo matutulungan ng Panginoon sa ating pagpapasiya.
-
Exodo 13:21–22
-
Mga Awit 119:105
-
Isaias 2:3, 5
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang maidaragdag nila sa drowing at bakit. Maaari silang magdagdag ng lampara, haliging ulap o apoy, o mga banal na kasulatan sa drowing sa simula ng mga landas.
-
Paano ninyo ibubuod ang mga turong ito sa isang pangungusap?
Tulungan ang mga estudyante na makatukoy ng katotohanan tulad ng binibigyan tayo ng tulong ng Panginoon para gabayan tayo sa ating buhay.
-
Sa paanong mga paraan tayo magagabayan ng Panginoon at ng Kanyang mga turo sa paggawa ng mga desisyon tungkol sa paggamit natin ng teknolohiya?
Maglaan ng ilang sandali at isipin kung paano ninyo ginagamit ang teknolohiya at kung ano ang kasalukuyang gumagabay sa paraan ng pagpili ninyo sa paggamit nito. Sa pag-aaral ninyo ngayon, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu.
Responsableng paggamit ng teknolohiya
Lumikha ang Simbahan ng isang resource para sa mga kabataan na tinatawag na Responsableng Paggamit ng Teknolohiya. Ang tatlong pangunahing alituntunin nito ay makatutulong sa atin na gumawa ng mas mabubuting desisyon sa paggamit ng teknolohiya.
-
Layunin. Magagamit ko ang teknolohiya nang may layunin. Hindi ako kinokontrol nito.
-
Plano. Kapag nagpaplano ako nang maaga, gumaganda ang pakiramdam ko at nakapipili ako nang mas mabuti.
-
Huminto. OK lang na tumigil ako at magpahinga.
Kung makatutulong, maaari mong patingnan sa mga estudyante ang drowing sa pisara at itanong kung paano makatutulong ang tatlong alituntuning ito sa indibidwal sa drowing na gumawa ng mas magagandang desisyon tungkol sa kanyang paggamit ng teknolohiya.
Bagama’t mahalaga ang lahat ng tatlong alituntuning ito, tutuon ang natitirang bahagi ng lesson sa pagkakaroon ng layunin. Para matulungan ang mga estudyante na isipin ang pagiging may layunin sa kanilang paggamit ng teknolohiya, maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod.
-
Sa palagay ninyo, sa paanong paraan nais ng Panginoon na gumamit kayo ng teknolohiya?
Paggamit ng teknolohiya nang may layunin
Para matulungan tayong gumamit ng teknolohiya nang may layunin, maaari tayong bumaling sa Panginoon at sa Kanyang payo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at mga salita ng Kanyang mga propeta. Batay sa mga turo ng Panginoon, maaari tayong lumikha ng mga tanong na magsusuri sa paggamit natin ng teknolohiya at tutulong sa atin na gamitin ang teknolohiya nang may mas mabuting layunin.
Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang dalawang hakbang nang mag-isa o sa maliliit na grupo. Kung makikinabang ang mga estudyante sa halimbawa ng kung paano ito gawin, pag-isipang basahin ang isa sa mga banal na kasulatan mula sa unang hakbang bilang isang klase. Maaari ka ring magpakita ng mga tanong, tulad ng sumusunod, upang matulungan ang mga estudyante na makita kung ano ang maaaring hitsura ng mga tanong na ito.
-
Ang paggamit ba ng teknolohiya sa ganitong paraan ay …?
-
Ang paggamit ko ba ng teknolohiya ay nakagagambala sa akin sa …?
Ang mga posibleng tanong na maaari nilang gawin ay makikita pagkatapos ng mga tagubilin para sa aktibidad.
Magsanay sa paggawa ng mga tanong na pag-iisipan nang malalim batay sa mga turo ng Panginoon.
-
Magbasa ng isa sa mga sumusunod na banal na kasulatan. Gamitin ang natutuhan ninyo para makagawa ng tanong na makatutulong sa atin na magkaroon ng mas mabuting layunin at mapag-isipan nang malalim ang tungkol sa paggamit natin ng teknolohiya.
Isaias 55:2; 2 Nephi 9:51
Mateo 22:36–39
-
Basahin ang isa sa apat na talata sa ilalim ng heading na “Mga paanyaya” ng bahaging “Lumakad sa liwanag ng Diyos” ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili. Gamitin ang natutuhan ninyo para makagawa ng tanong na makatutulong sa atin na magkaroon ng mas mabuting layunin at mapag-isipan nang malalim ang tungkol sa paggamit natin ng teknolohiya.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang mga tanong na ginawa nila o isulat ang mga ito sa papel at ipaskil ang mga ito sa mga pader sa paligid ng silid. Narito ang ilang halimbawa ng mga tanong na maaaring magawa ng mga estudyante:
-
Ang paggamit ko ba ng teknolohiya sa ganitong paraan ay magdudulot sa akin ng kasiyahan o magdudulot sa akin ng kahungkagan? (Isaias 55:2; 2 Nephi 9:51)
-
Ang paggamit ko ba ng teknolohiya ay nakagagambala sa akin sa pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos o sa ibang tao? (Mateo 22:36–39)
-
Ang paggamit ko ba ng teknolohiya sa ganitong paraan ay hahantong sa pagkainggit sa iba at sa pagkukumpara ng aking sarili sa iba? (Moroni 7:45)
-
Paano ko magagamit ang teknolohiya sa paraang makapagbibigay ito ng higit na liwanag sa aking buhay? (Doktrina at mga Tipan 50:23–25)
-
Ang paggamit ba ng teknolohiyang ito ay nagdudulot ng mga hangaring may pagnanasa? (Doktrina at mga Tipan 63:16)
-
Ang paggamit ko ba ng teknolohiya ay nakatutulong o nakasisira sa mga ugnayan ko sa iba? (“Lumakad sa liwanag ng Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022], 19)
Anyayahan ang ilang estudyante o grupo na ibahagi ang binasa nila na humantong sa kanilang mga tanong.
-
Paano makatutulong sa atin ang paggamit ng mga turo ng Panginoon sa ganitong paraan upang magkaroon tayo ng mas mabuting layunin sa paggamit ng teknolohiya?
Magsanay
Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring makatulong sa mga estudyante na gamitin ang mga tanong na ginawa nila upang suriin ang kanilang sariling paggamit ng teknolohiya.
Kung ipapaskil ng mga estudyante ang kanilang mga tanong sa paligid ng silid, hikayatin ang mga estudyante na tumayo at umikot sa mga tanong para makumpleto ang aktibidad.
Sa inyong study journal, ilista ang ilan sa mga paraan ng paggamit ninyo ng teknolohiya. Gamit ang mga tanong na ginawa mo at ng iyong mga kaklase, suriin ang sariling paggamit mo ng teknolohiya. Isipin ang mga bagay na nagagawa mo nang maayos o maaari mo pang pagbutihin. Isulat ang anumang impresyon na maaari mong matanggap mula sa Espiritu Santo.
Maaaring ibahagi ng mga handang estudyante ang kanilang natutuhan. Kung makatutulong, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag.
Itinuro ni Elder Peter M. Johnson ng Pitumpu ang sumusunod tungkol sa kung paano tayo maikokonekta sa Panginoon at sa Kanyang kapangyarihan ng paraan ng paggamit natin ng teknolohiya.
Kamangha-mangha ang mga pag-unlad na ito sa teknolohiya, ngunit kung hindi tayo mag-iingat, maaari tayong ilihis ng mga ito mula sa pagkakamit ng ating dakilang potensyal. Ang tamang paggamit ng mga ito ay maaaring maghatid ng kapangyarihan ng langit. …
Maging maingat tayo at hindi kaswal sa paggamit natin ng teknolohiya. Patuloy na maghanap ng mga paraan kung paano tayo mas mailalapit ng teknolohiya sa Tagapagligtas at magtutulot sa atin na maisakatuparan ang Kanyang gawain habang naghahanda tayo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. (“Kapangyarihang Madaig ang Kaaway,” Liahona, Nob. 2019, 110, 111)
Ipaalala sa mga estudyante na pagpapalain at palalakasin sila ng Tagapagligtas kapag kumilos sila ayon sa anumang impresyong maaaring natanggap nila ngayon (tingnan sa Mga Awit 29:11).