“Pagtanggap at Pagtupad ng mga Calling: Paglilingkod na Tulad ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pagtanggap at Pagtupad ng mga Calling: Paglilingkod na Tulad ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Para sa Lakas ng mga Kabataan: Lesson 176
Pagtanggap at Pagtupad ng mga Calling
Paglilingkod na Tulad ng Tagapagligtas
Ang mga calling ay magagandang pagkakataon para umunlad ayon sa kakayahan at mas mapalapit sa Panginoon. Ngunit ang ilang estudyante ay maaaring mag-atubiling tumanggap ng mga calling ngayon o sa hinaharap. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maglingkod tulad ng Tagapagligtas sa kanilang mga calling.
Paghahanda ng estudyante: Maaari mong ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na sitwasyon at mga tanong. Anyayahan silang isipin kung ano ang kanilang sasabihin.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang mararamdaman ninyo?
Maaari mong simulan ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon at pagtatanong ng mga nasa ibaba. Maaaring naaangkop na baguhin ang sitwasyon upang maging mas nauugnay ito sa mga estudyante.
Makikipag-usap ang dalagitang nagngangalang Evelyn sa isang miyembro ng bishopric. Nang imbitahan niya si Evelyn para kausapin ito, sinabi niya na may isang calling na nais niyang pag-isipan nito. Hindi pa siya kailanman nagkaroon ng calling.
Kung kinakailangan, ipaliwanag na “tumatawag ang Panginoon ng mga kalalakihan at kababaihan na maglilingkod sa Simbahan ngayon sa pamamagitan ng mga inspiradong paanyaya mula sa Kanyang mga tagapaglingkod. Ang mga pagkakataong ito na maglingkod ay tinatawag na mga calling” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 30.0, Gospel Library).
-
Ano kaya ang ilan sa mga calling na maaaring pagampanan kay Evelyn?
Ang ilang posibleng sagot ay sa panguluhan ng klase, sa komite ng missionary at family history sa kanilang ward, at maglingkod sa isang tao sa kanilang ward.
-
Ano ang maaaring madama ni Evelyn? Bakit?
Maaaring kabilang sa ilang halimbawa na maaaring ibahagi ng mga estudyante ay kinakabahan siya na baka hindi niya ito magawa nang mahusay, nag-aalala siya na tumanggap ng isa pang responsibilidad gayong abala na siya, o nasasabik siyang maglingkod dahil naghahanap siya ng iba pang paraan upang makatulong sa iba.
-
Ano ang gusto ninyong malaman ni Evelyn tungkol sa pagtanggap at pagtupad ng mga calling?
Maglaan ng sandali upang pag-isipan kung gaano kayo kahandang tanggapin at tuparin ang isang calling. Habang pinag-aaralan ninyo ang lesson na ito, humingi ng patnubay mula sa Panginoon upang matutuhan at madama kung ano ang pinakamainam na makatutulong sa inyo na tumanggap at maglingkod sa mga calling.
Bakit natin tinatanggap at tinutupad ang mga calling
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo tumatanggap at tumutupad ng mga calling:
Sa gawain ng Tagapagligtas, kadalasan ay sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang paraan “naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” [Alma 37:6].
Alam nating kailangan ang paulit-ulit na paggawa upang maging mahusay sa anumang bagay. Ito man ay pagtugtog ng clarinet, pagsipa ng bola papunta sa net, pagkumpuni ng kotse, o pagpapalipad ng eroplano, sa pamamagitan ng pagpapraktis tayo mas humuhusay.
Ang organisasyon na itinatag ng ating Tagapagligtas sa lupa—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ay tumutulong sa atin para magawa ito. Nagbibigay ito ng lugar para mapraktis na maipamuhay ang paraang itinuro Niya at matulungan ang iba ayon sa paraang ginawa Niya.
Bilang mga miyembro ng Simbahan, binibigyan tayo ng mga tungkulin [calling], responsibilidad, at pagkakataon na tumulong nang may awa at mag-minister sa iba. (“Maniwala, Magmahal, at Gumawa,” Liahona, Nob. 2018, 48)
-
Paano ninyo ibubuod kung ano ang itinuro ni Elder Uchtdorf?
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit mahalaga ang mga katotohanang ito. Kung hindi ito sadyang nabanggitin ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga calling sa Simbahan ay isang pagkakataon para pagpalain at paglingkuran ang iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.
Maaari kang magpakita ng larawan ng Tagapagligtas at itanong ang mga sumusunod. Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa paligid ng larawan ng Tagapagligtas.
-
Kailan naglingkod sa inyo ang isang tao na tulad ng maaaring gawin ng Tagapagligtas? Ano ang naging epekto nito sa inyo?
-
Bakit maaaring nais ng isang tao na maglingkod sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, kahit na kinakabahan sila sa pagtanggap ng isang calling?
-
Sa anong mga paraan tayo natutulungan ng mga calling na matutuhang pagpalain at paglingkuran ang iba tulad ng Tagapagligtas?
Paglilingkod na tulad ng Tagapagligtas
Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na madaig ang mga pag-aatubili na maaaring nadarama nila tungkol sa paglilingkod sa mga calling o maghanap ng mga paraan na mapagbubuti nila ang kanilang mga pagsisikap sa pagsasakatuparan ng mga calling. Maaari nilang gawin ito nang mag-isa o sa maliliit na grupo:
Pag-aralan ang isa o mahigit pa sa mga halimbawa sa handout na sa tingin ninyo ay makatutulong sa inyo habang pinag-iisipan ninyong tanggapin at tuparin ang mga calling sa Simbahan ng Tagapagligtas.
Bigyan ang bawat estudyante ng isa o mahigit pa sa mga aktibidad sa handout na: “Paglilingkod na Tulad ng Tagapagligtas.”
Kapag natapos na ng mga estudyante ang aktibidad, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila at kung paano ito nakaapekto sa kanilang sariling pagnanais na tanggapin at subukang maglingkod sa mga calling na tulad ng Tagapagligtas.
Maaari ninyong kantahin o pakinggan ang kantang “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 40). Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isulat ang isang bagay na gusto nilang gawin para maglingkod na tulad ng Tagapagligtas sa kanilang mga calling ngayon o sa hinaharap.