“Para sa Lakas ng mga Kabataan: Pag-uugnay ng Ating mga Pagpili kay Cristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Para sa Lakas ng mga Kabataan: Pag-uugnay ng Ating mga Pagpili kay Cristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili: Lesson 171
Gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pag-uugnay ng Ating mga Pagpili kay Cristo
Sa buong buhay natin, palagi tayong gumagawa ng mga pagpili. Kapag nahihirapan tayong gumawa ng mga tamang desisyon, makapagbibigay sa atin ng lakas at patnubay si Jesucristo at ang Kanyang doktrina. Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili ay isang sanggunian na magagamit natin para makahanap ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magsanay sa paggamit ng gabay na aklat na Para sa Lakas ng mga Kabataan para gumawa ng mga inspiradong pagpili na naaayon kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang isang bahagi na pinili nila sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaaring pag-isipan ng mga estudyante kung paano sila matutulungan ng mga turo ni Jesucristo sa bahaging iyon na gumawa ng mga inspiradong pasiya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Si Jesucristo ang aking bato
Bago simulan ang lesson, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili o tulungan silang hanapin ang electronic na bersiyon sa Gospel Library.
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng isang parola habang bumabagyo.
-
Ano ang ilang alituntunin ng ebanghelyo na maaari mong ituro sa isang tao sa pamamagitan ng paggamit ng larawang ito?
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong itanong sa kanila kung ano ang maaaring katawanin ng bagyo o bato kung ang parola ay kumakatawan sa ating buhay. Maaaring magbahagi ng iba’t ibang alituntunin ang mga estudyante. Pasalamatan sila sa pakikibahagi sa talakayan.
Basahin ang Mga Awit 62:5–7, at alamin kung paano nauugnay ang mga salita sa awit na ito sa larawan ng parola.
-
Bakit magandang paglalarawan kay Jesucristo ang bato?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin kung paano natin gagawing bato natin si Jesucristo.
Tuwing gumagawa kayo ng mabuting pagpili batay sa mga walang-hanggang katotohanan ng Tagapagligtas, ipinapakita ninyo na gusto ninyo Siya sa inyong buhay. Ang mga pagpiling iyon ang nagbubukas sa mga pintuan ng langit, at ang Kanyang lakas ay bumubuhos sa inyong buhay. …
… Kapag itinatayo natin ang ating buhay, mahalagang gumawa ng mabubuting pasiya. At mahalagang maunawaan ang walang hanggang katotohanan ng Tagapagligtas. Ngunit ang lakas na kakailanganin natin para mapaglabanan ang mga unos ng buhay ay dumarating kapag iniuugnay natin ang ating mga pagpili kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina. Iyan ang tinutulungan tayong gawin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan. (“Para sa Lakas ng mga Kabataan: Ang Mensahe ng Tagapagligtas sa Inyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Marso 2024, 38)
-
Ano ang matututuhan natin mula kay Elder Uchtdorf?
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, tulungan silang matukoy ang isang katotohanang tulad nito: tumatanggap tayo ng lakas mula kay Jesucristo kapag iniuugnay natin ang ating mga pagpili sa Kanya at sa Kanyang doktrina. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng iugnay ang ating mga pagpili kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina?
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga bagay tulad ng pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo, paggawa ng mga pagpili batay sa Kanyang mga turo, o pagdarasal para mapatnubayan ng Ama sa Langit habang nagpapasiya.
Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili ay isang kasangkapan na makatutulong sa atin na maiugnay ang ating mga pagpili kay Jesucristo.
Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na halimbawa mula kay Elder Uchtdorf.
Ipinaliwanag ni Elder Uchtdorf kung ano ang maaaring mangyari kung iuugnay natin ang ating mga pagpili kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina.
Maaaring alam ng mga kaibigan ninyo na hindi kayo mandaraya o magsisinungaling at seryoso kayong mag-aaral. Pero alam ba nila na ito ay dahil sa itinuro ni Jesucristo na “ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo”? [Juan 8:32; “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Marso 2024, 30]. (“Para sa Lakas ng mga Kabataan: Ang Mensahe ng Tagapagligtas sa Inyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Marso 2024, 38)
-
Paano tayo mapapalakas ng pag-uugnay ng ating mga pagpili kay Jesucristo upang makayanan ang mga unos ng buhay?
Mag-isip ng isang sitwasyon na kinakaharap ninyo sa kasalukuyan, o inaasahang kakaharapin sa mga darating na araw, kung saan maaaring kailanganin ninyong gumawa ng mahihirap na pagpili. Isipin kung paano kayo matutulungan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo.
Makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu habang nagsasanay kayong iugnay ang inyong mga pagpili kay Jesucristo sa tulong ng gabay na aklat na Para sa Lakas ng mga Kabataan.
Ang balangkas ng gabay na aklat
Layunin ng bahaging ito na tulungan ang mga estudyante na maging pamilyar sa pagkakaayos ng gabay na aklat na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Kung pamilyar na ang iyong mga estudyante sa gabay na aklat, maaari mong laktawan ang bahaging ito at pumunta sa bahaging ipakita.
Ipabasa sa mga estudyante ang graphic sa ibaba ng “Gumawa ng mga inspiradong pagpili” sa gabay na aklat, o ipakita ang sumusunod na impormasyon mula sa graphic.
“Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, matatagpuan ninyo ang mga turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta. Gamit ang mga katotohanang ito bilang gabay ninyo, makagagawa kayo ng mga inspiradong pagpili na magpapala sa inyo ngayon at sa buong kawalang-hanggan.” (“Gumawa ng mga inspiradong pagpili,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022], 4). Ang gabay na aklat ay nahahati sa iba’t ibang paksa, at ang bawat paksa ay may tatlong bahagi:
-
Mga walang-hanggang katotohanan, o doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo
-
Mga paanyaya na kumilos ayon sa mga katotohanang iyon
-
Mga ipinangakong pagpapala na ibinibigay ng Panginoon sa mga taong namumuhay ayon sa Kanyang mga turo
Pagpapakita sa proseso
Ginamit sa bahaging ito ang halimbawa ni Jose sa Ehipto na tumakas sa asawa ni Potifar at ang bahaging “Ang inyong katawan ay sagrado” ng Para sa Lakas ng mga Kabataan bilang halimbawa kung paano gamitin ang gabay na aklat sa paggawa ng mga inspiradong pagpili.
Maaari kang magpakita ng larawan ni Jose na tumatakas sa asawa ni Potifar at itanong sa mga estudyante kung ano ang naaalala nila tungkol sa kuwento. Kung kinakailangan, ipaliwanag na habang naglilingkod sa bahay ni Potifar, matapat na nilabanan ni Jose ang seksuwal na pagpapahiwatig ng asawa ni Potifar (tingnan sa Genesis 39:1–8). O maaaring panoorin ng mga estudyante ang “Joseph in Egypt” (2:51) mula sa time code na 0:00 hanggang 0:41.
Basahin ang Genesis 39:9–12, at alamin kung paano iniugnay ni Jose ang kanyang mga pagpili kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro. Anyayahan ang bawat miyembro ng grupo na pumili ng magkakaibang numero mula isa hanggang tatlo na tumutugma sa isa sa mga sumusunod na tanong.
Pag-aralan ang bahaging “Ang inyong katawan ay sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan nang nakatuon sa isa sa mga sumusunod:
-
Sa inyong palagay, anong “Mga walang-hanggang katotohanan” ang nakatulong kay Jose na gawin ang pagpiling ginawa niya?
-
Anong “Mga paanyaya” ang sinunod ni Jose?
-
Sa inyong palagay, alin sa “Mga ipinangakong pagpapala” ang naranasan ni Jose?
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa kanilang grupo ang nalaman nila. Maaari mong ituro na kahit na ibinilanggo si Jose dahil sa kanyang desisyong tumakas sa asawa ni Potifar, patuloy siyang sinamahan ng Panginoon (tingnan sa Genesis 39:20–21; 41:38–43).
Magsanay
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magsanay gamit ang huwarang itinakda sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili gamit ang sarili nilang sitwasyon. Maaari mong gamitin ang handout na “Pag-uugnay ng Ating mga Pagpili kay Jesucristo at sa Kanyang Doktrina” para magawa ito.
Pagkatapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, maaari mo silang anyayahang ibahagi kung paano sila pinalakas ni Jesucristo nang iugnay nila ang kanilang mga pagpili sa Kanya at sa Kanyang doktrina.
Maaari kang muling sumangguni sa Mga Awit 62:5–7. Pagkatapos ay maaari mong itanong sa mga estudyante ang sumusunod.
-
Ano ang natutuhan ninyo ngayon tungkol sa pananatiling nakaugnay kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina sa inyong mga desisyon?
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo. Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng isang pahayag mula sa bahaging “Tutulungan kayo ni Jesucristo,” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Hikayatin ang mga estudyante na iugnay ang kanilang mga pagpili sa Kanya at sa Kanyang doktrina.