Library
Word of Wisdom


“Word of Wisdom [Salita ng Karunungan],” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

pamilyang nagtatrabaho sa isang hardin

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Word of Wisdom

Ang batas ng Panginoon sa kalusugan na nagpapala sa atin sa pisikal at espirituwal na paraan

Ang katawan ng tao ay isang himala. Ang bawat isa ay binubuo ng mga selula, tisyu, organ, at mga kumplikadong sistema na nagtutulungang lahat upang gumana. Isipin mo na lang—ang puso ng tao ay tumitibok nang mahigit 100,000 beses sa loob ng isang araw. Kinokontrol ng utak ang mga kaisipan, paghinga, at paningin, maging ang maraming iba pang mga proseso. At ang katawan ay maaari pang pagalingin ang sarili at labanan ang mga impeksyon.

Pero mahimala man ang lahat ng ito, ang lubhang kagila-gilalas sa katawan ng tao ay na ang bawat tao ay nilikha sa larawan ng Diyos (tingnan sa Moises 2:27). Ang ating katawan ay kaloob mula sa Kanya. Tinutulungan tayo nito na maisakatuparan ang ating walang-hanggang layunin na maging higit na katulad ng Diyos kapag pinipili nating sundin ang Kanyang mga utos. Mapaparangalan natin Siya sa mahalagang kaloob ng ating katawan sa pamamagitan ng pangangalaga at paggalang sa mga ito. Ang isang mahalagang paraan na magagawa natin ito ay sa pamumuhay ng Word of Wisdom—mga inihayag na alituntunin ng mabuting kalusugan na nagpapala sa atin kapwa sa pisikal at espirituwal na paraan.

Ano ang Word of Wisdom?

Ang Word of Wisdom ay isang paghahayag na ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith noong 1833, na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 89. Tinuturuan tayo ng Word of Wisdom na kumain ng mga bagay tulad ng butil, prutas, at halamang gamot at iwasan ang mga bagay na tulad ng tabako, alak, tsaa, at kape. Bukod pa rito, itinuro ng mga propeta na dapat nating iwasan ang iba pang “mga sangkap na nakakapinsala, ilegal, o nakalululong o nakaaapekto sa paggawa ng desisyon ng isang tao.” Hindi tinutukoy ng Word of Wisdom at ng mga lider ng Simbahan ang lahat ng sangkap o gawain na nakakasama sa atin—hinihikayat tayong gamitin ang “karunungan at mapanalanging paghatol sa mga pagpili” na nakakaapekto sa ating kalusugan.

Bagama’t ang Word of Wisdom ay orihinal na ibinigay “hindi sa pamamagitan ng kautusan o pamimilit” (Doktrina at mga Tipan 89:2), mula noon ay itinuro na ng mga lingkod ng Panginoon na ang pagsunod sa Word of Wisdom ay kinakailangan para matanggap ang buong pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo, kabilang na ang binyag, paglilingkod sa misyon, at mga ordenansa sa templo.

Buod ng paksa: Word of Wisdom

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Kautusan, Pagbabalik-loob, Pagsunod

Bahagi 1

Ang Word of Wisdom ay ang Batas na Pangkalusugan ng Panginoon.

magkapareha na nagbibisikleta

Ang katotohanan na magbibigay ang Panginoon ng paghahayag na tulad ng Word of Wisdom ay may mahalagang sinasabi tungkol sa Kanya—at tungkol sa atin. Maaaring asahan ng ilan na ang relihiyon ay nakatuon lamang sa mga espirituwal na bagay at na ang ating pisikal na katawan ay hindi gaanong dapat pagtuunan ng pansin. Ngunit sa ebanghelyo ni Jesucristo, itinuturo sa atin na sa paningin ng Diyos, ang ating pisikal na katawan ay sagrado, at ang pisikal at espirituwal ay magkaugnay. Ang Word of Wisdom ay tanda ng pagmamahal ng Diyos—ibinigay Niya ito sa atin dahil nais Niyang maging malusog at masaya tayo, kapwa sa pisikal at espirituwal.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng inspirasyon hinggil sa Word of Wisdom ay ang isang alalahanin ni Emma Smith. Basahin ang tungkol dito sa “Ang Word of Wisdon” sa Konteksto ng mga Paghahayag. Pagkatapos, habang binabasa mo ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 89, hanapin ang mga katotohanang inihayag ng Diyos na hindi lamang tungkol sa alalahanin ni Emma. Ano ang itinuturo sa inyo ng paghahayag na ito tungkol sa Panginoon at sa paraan ng pagtuturo Niya sa Kanyang mga anak?

  • Tinawag ng Panginoon ang Word of Wisdom na “isang alituntunin na may pangako” (Doktrina at mga Tipan 89:3). Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 89, maaari mong ilista ang mga alituntunin at pangakong makikita mo. Ang kahulugang ito ng “alituntunin” mula kay Elder David A. Bednar ay maaaring makatulong: “Ang alituntunin ng ebanghelyo ay isang gabay na nakabatay sa doktrina para sa maTwid na paggamit ng [kalayaang moral].” Matapos kang gumawa ng mga listahan, pag-isipan kung ano ang maaaring ibig sabihin ng sundin ang mga alituntuning ito “nang may mabuting pagpapasya at pagbibigay-pasalamat” (talata 11). Paano ninyo napansin na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako kapag ipinamumuhay ninyo ang Word of Wisdom?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sama-sama ninyong basahin ang “Ang Inyong Katawan ay Sagrado” mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili. At i-role-play kung ano ang sasabihin kapag may nagtanong kung bakit hindi tayo naninigarilyo o umiinom ng alak, kape, o tsaa. Sa inyong sagot, maaari ninyong isama ang mga pagpapalang ipinapangako sa atin sa pagsunod sa Word of Wisdom at ibahagi kung bakit mahalaga sa iyo ang paghahayag na ito. Pag-usapan ang natutuhan ninyo sa gawaing ito at kung paano ninyo magagamit ang inyong mga sagot sa hinaharap.

  • Ang konteksto ng kasaysayan ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang Word of Wisdom at kung bakit natin ito sinusunod. Ang mga video na tulad ng “Word of Wisdom: What Is It?” (5:09) o “The Word of Wisdom: Development and Practice” (5:05) ay makatutulong sa atin na malaman ang background ng paghahayag. Maaaring masiyahan ang mga bata sa panonood ng “The Word of Wisdom” (2:10) sa Doctrine and Covenants Stories. Pag-usapan kung bakit mahalaga para sa Diyos na ihayag ang isang batas ng kalusugan noong panahong ginawa Niya iyon. Sa palagay ninyo, paano ipinapakita ng Word of Wisdom ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak? Maaari din ninyong talakayin kung paano kayo matutulungan ng mga video na ito na masagot ang mga tanong ng iba tungkol sa Word of Wisdom.

Alamin ang iba pa

  • Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], [191–93]

  • Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Word of Wisdom (D&T 89),” Gospel Library

Bahagi 2

Ang Pagsunod sa mga Alituntunin ng Word of Wisdom ay Magdudulot sa Atin ng mga Pagpapalang Pisikal at Espirituwal

mga young adult na naglalakad

Bagama’t ang Word of Wisdom ay parang paghahayag tungkol sa pisikal na mga bagay, ang mga pagpapala nito ay kapwa pisikal at espirituwal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21). Ganito ang paliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer: “Nalaman ko … na ang pangunahing layunin ng Word of Wisdom ay may kinalaman sa paghahayag. … Kung halos ayaw makinig ng isang taong ‘lasing’ sa simpleng salita, paano sila makakatugon sa espirituwal na mga paramdam na aantig sa pinakasensitibo nilang damdamin? Mahalaga man ang Word of Wisdom bilang batas ng kalusugan, mas mahalaga ito sa inyong espirituwalidad kaysa sa inyong katawan.” Ang pagsunod sa utos na ito ay makatutulong sa atin na makasama ang Espiritu Santo upang makatanggap tayo ng paghahayag at umunlad sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Bagama’t itinuturo sa atin ng Word of Wisdom na iwasan ang ilang bagay, tinuturuan din tayo nito na gumawa ng mga positibong bagay para sa ating kalusugan. Panoorin ang video na “Word of Wisdom” (1:48) para malaman kung paano binago ng isang tao ang kanyang buhay sa pamamagitan ng mas mabuting pagsunod sa Word of Wisdom. Itinuro ni Elder Richard G. Scott na, “Ang ehersisyo, sapat na oras ng pagtulog, at mabubuting ugali sa pagkain ay nagdaragdag sa kakayahan nating matanggap at maunawaan ang paghahayag.” Pag-isipan kung paano mo mapagbubuti ang paraan ng pamumuhay mo ng Word of Wisdom. Paano ka kaya makikinabang sa espirituwal na paraan at matutulungan na makatanggap ng paghahayag ng mga pagbabagong iyon?

  • Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang inyong pisikal na katawan, … ay isang kagila-gilalas na likha ng Diyos. Ito ay isang tabernakulo ng laman—isang templo para sa inyong espiritu.” Pagnilayan ang mga salitang ito habang binabasa mo ang I Mga Taga Corinto 6:19–20 at Doktrina at mga Tipan 89:18–21. Isipin kung paano magkaugnay ang katawan at espiritu. Anong pisikal at espirituwal na mga pagpapala ang natanggap mo sa pamumuhay ng Word of Wisdom? Maaari mong pagnilayan kung paanong sa pagsunod sa Word of Wisdom ay nagagawa mong “luwalhatiin ang Diyos sa inyong katawan, at sa inyong espiritu” (I Mga Taga Corinto 6:20). Itala ang anumang mga impresyon na dumarating sa iyo, at pagkatapos ay isabuhay ang mga ito.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang mga pagpapalang natatanggap natin kapag sinusunod natin ang Word of Wisdom ay maaaring hindi laging dumarating sa oras o sa paraang inaasahan natin. Magbasa nang sama-sama mula sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa kumperensya na “Patuloy na Magtiyaga” para malaman kung paano niya natuklasan ito sa kanyang sarili. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan kung paano kayo pinagpala ng Diyos sa pisikal at espirituwal na pagsunod sa Word of Wisdom at kung paano Niya kayo pagpapalain sa hinaharap.

  • Sa ilang sitwasyon, maaaring mapilitan tayong huwag sundin ang Word of Wisdom. Basahin nang sabay-sabay ang Daniel 1, at pansinin kung paano tumugon si Daniel at ang kanyang mga kaibigan sa gayon ding sitwasyon. Pagkatapos ay basahin ang mga salitang ito mula kay Elder Dieter F. Uchtdorf: “Si Daniel ay pinalaki bilang tagasunod ni Jehova. Siya ay naniwala at sumamba sa Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob. Napag-aralan niya ang mga salita ng mga propeta, at alam niya ang pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao.

    “Ngunit ngayon, sa napakamurang edad, isa siyang bilanggong-estudyante sa Babilonia. Marahil sobrang tindi ang pamimilit sa kanya na talikuran ang kanyang lumang paniniwala at tanggapin ang sa Babilonia. Ngunit nanatili siyang tapat sa kanyang pananampalataya—sa salita at sa gawa. …

    “At pinagpala ng Panginoon si Daniel. Kahit hinamon at kinutya ang pananampalataya niya, nanatili siyang tapat sa kung ano ang alam niyang tama ayon sa sarili niyang karanasan.”

    Paano tinulungan ng Panginoon si Daniel at ang kanyang mga kaibigan sa kanilang sitwasyon? (tingnan sa Daniel 1:9). Paano Niya sila pinagpala sa pagtupad sa kanilang tapat na pangako? (tingnan sa Daniel 1:15, 17–20). Talakayin kung paano kayo matutulad kay Daniel sa tuwing hinahamon ang inyong tapat na pangako na sundin ang Word of Wisdom.

Alamin ang iba pa

  • Levitico 10:9; 1 Corinto 6:10; Doktrina at mga Tipan 49:18–21

  • Quentin L. Cook, “Kapag ang Masama ay Mukhang Mabuti at ang Mabuti ay Mukhang Masama,” Liahona, Mar. 2018, 30–37

  • David A. Bednar, “Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2021, 123–24

  • Boyd K. Packer, “The Word of Wisdom: The Principle and the Promises,” Ensign, Mayo 1996, 17–19

  • Vaping, Coffee, Tea, and Marijuana,” New Era, Ago. 2019, 28