“Sakripisyo (Pag-aalay),” Mga Paksa at Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Sakripisyo (Pag-aalay)
Paano natin ipinapakita kung ano ang pinakamahalaga sa atin
Isipin ang isang pagkakataon na isinuko o ipinaubaya mo ang isang bagay para sa kapakanan ng iba. Maaaring hindi ito madaling gawin, ngunit sa pagsasakripisyo na iyon, ipinakita mo na handa kang unahin ang mga pangangailangan ng taong iyon kaysa sa iyong sarili.
Gayundin, kapag may isinasakripisyo tayo para sa Diyos, ipinapakita natin na mahal natin Siya at handa tayong unahin Siya sa ating buhay. Ang pinakamataas na pagpapakita ng ating pagsasakripisyo ay kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos sa halip na ang gusto natin. Sa ating mga sakripisyo masasalamin ang pagmamahal at pasasalamat natin kay Jesucristo, na—sa pinakadakila sa lahat ng gawa ng pagmamahal—ay inialay ang Kanyang buhay upang makabalik tayo sa piling ng Ama sa Langit.
Ano ang Sakripisyo (Pag-aalay)?
Ang sakripisyo ay pagsuko o pagpapaubaya ng isang bagay para sa kapakanan ng iba. Noong sinaunang panahon, gumagawa ng mga pag-aalay ang mga tao ng Diyos para sa Kanya. Ngayon, nag-aalay tayo sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kalooban ng Diyos at pagsisisi ng ating mga kasalanan nang may pusong bagbag at nagsisising espiritu. Nag-aalay rin tayo ng ating oras at talento para itaguyod ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa Mateo 6:33). Sa pamamagitan ng pag-aalay o pagsasakripisyo, ipinapakita natin na handa tayong unahin ang Diyos sa ating buhay (tingnan sa Mateo 19:29).
Buod ng paksa: Sakripisyo (Pag-aalay)
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagkamasunurin, Ikapu, Paglalaan, Paglilingkod sa mga Tungkulin sa Simbahan
Bahagi 1
Ibinigay ng Diyos ang Batas ng Paghahain Bilang Paalala sa Sakripisyo ni Cristo
Ipinamuhay ng mga anak ng Diyos ang batas ng paghahain noong unang panahon sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga hayop na pagpapaalala na tinubos sila ng Kordero ng Diyos mula sa Pagkahulog (tingnan sa Colosas 1:13–18; Moises 5:6–7). Matapos kusang-loob na ialay ni Jesucristo ang Kanyang buhay sa krus, hindi na kailangan pa ang mga paghahain ng hayop (tingnan sa Lucas 23:46; 3 Nephi 9:19; 4 Nephi 1:12). Ang sakripisyo ng Tagapagligtas ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal at nagsakatuparan ng pagtubos at kaligtasan ng sangkatauhan (tingnan sa Isaias 53:7; 2 Nephi 2:7).
Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa sakripisyo ng Tagapagligtas, tingnan sa “Pagbabayad-sala ni Jesucristo” sa gabay sa pag-aaral.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Nasubok ang pananampalataya ni Abraham nang utusan siya ng Diyos na ialay ang kanyang anak na si Isaac. Isiping basahin ang Genesis 22; Mga Hebreo 11:17–19; at Jacob 4:5, tungkol sa pag-aalay na ipinagawa ng Diyos kay Abraham. Habang ginagawa ninyo ito, pag-isipan ang sakripisyong ginawa ng Diyos sa pag-aalay ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo at ang sakripisyong ginawa ng Tagapagligtas sa pagsuko ng Kanyang buhay. Ano ang itinuturo sa inyo ng Espiritu tungkol sa mga sakripisyo ng Ama at Tagapagligtas habang binabasa ninyo ang mga talatang ito?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Nang isagawa ni Jesucristo ang Kanyang Pagbabayad-sala, “pinalitan ng ordenansa ng sakramento ang ordenansa ng paghahain.” Isiping awitin ang mga himno ng sakramento tulad ng “Doon sa Krus sa Kalbaryo” o “Dakilang Karunungan at Pag-ibig.” Maaari din ninyong basahin ang mga banal na kasulatan na nauugnay sa bawat himno at talakayin kung paano kayo maghahanda para sa sakramento bawat linggo. Paano magagawang mas makabuluhan ang inyong pagsamba kapag iniisip na isang oportunidad ang sakramento para makapag-alay sa Panginoon?
Alamin ang iba pa
-
Levitico 1:2–3, 10; Alma 34:8–14; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3
-
Jeffrey R. Holland, “Narito, ang Cordero ng Dios,” Liahona, Mayo 2019, 44–46
-
Tracy Y. Browning, “Makita pang Lalo ang mga Pagpapala at Patnubay ni Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Nob. 2022, 13–15
Bahagi 2
Hinihingi sa Atin ng Diyos ang Pag-aalay ng Isang Pusong Bagbag at Nagsisising Espiritu
Ngayon ipinamumuhay pa rin natin ang batas ng paghahain sa pamamagitan ng pag-aalay sa Diyos ng pusong bagbag at nagsisising espiritu (tingnan sa 3 Nephi 9:19–20; Doktrina at mga Tipan 59:8). Paano tayo nag-aalay ng ganitong uri ng sakripisyo? Sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo, pagpapakumbaba ng ating sarili, tunay na pagsisisi sa ating mga kasalanan, at paglapit sa Kanya (tingnan sa 3 Nephi 12:19; Moroni 6:1–3; Doktrina at mga Tipan 20:37). Ang paggawa ng mga ganitong uri ng sakripisyo ay nagpapakita ng ating pagmamahal sa Diyos at na handa tayong gawin ang Kanyang hinihiling. Kapag isinusuko natin ang ating buong kaluluwa sa Diyos at nagtitiis hanggang wakas, maliligtas tayo at makatatanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Omni 1:26).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Natural lang na isipin kung napapansin at tinatanggap ba ng Panginoon ang mga sakripisyong ginagawa mo para sundin Siya. Pagnilayan ang mga salita ng Panginoon kay Joseph Smith sa Doktrina at mga Tipan 132:49–50. Anong mga pagpapala ang ipinangako kay Joseph dahil sa kanyang mga sakripisyo? Paano ka napagpala dahil sa mga sakripisyong ginawa mo para sa Diyos? Maaari kang magsulat ng listahan ng mga pagpapalang natanggap mo at pagkatapos ay pagnilayan ang mga ito sa buong linggo.
-
Ang gumawa ng mga sakripisyo para lumapit sa Kanya ay isang paraan na naipapakita natin ng ating pagmamahal sa Diyos. Sa kanyang mensaheng “Buong Puso Natin,” ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf na ang ating mga sakripisyo ay maaaring kasingsimple ng pagtalikod sa ating mga personal na hangarin at kaginhawahan upang mas lubos na sundin ang Tagapagligtas. Isiping basahin ang mensahe ni Elder Uchtdorf at pagnilayan kung paano mo maibibigay ang buong puso mo kay Jesucristo. Ano ang maaari mong isakripisyo para sundin ang Tagapagligtas nang higit kaysa dati?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa video na “A Broken Heart, Contrite Spirit, and Godly Sorrow” (3:58), ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen na ang pagbibigay sa Panginoon ng pusong bagbag at nagsisising espiritu ay nangangahulugan ng “pagiging mas katulad ng isang batang musmos.” Maaari ninyong panoorin ang video na ito at pagkatapos ay talakayin ang mga katangiang taglay ng mga batang musmos na dapat nating hangarin sa pagpapasakop ng ating kalooban sa Diyos bilang pag-aalay. Maaari din kayong magbahagi ng mga karanasan ninyo sa mga bata na halimbawa ng matututuhan natin mula sa kanilang mga katangian.
Alamin ang iba pa
-
Mga Awit 51:16–17; Juan 6:38; 2 Nephi 2:6–7; 4:32
-
Neill F. Marriott, “Pagpapasakop ng Ating Puso sa Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 30–32
Bahagi 3
Sa pamamagitan ng Araw-araw na Sakripisyo, Maaari Tayong Maging Banal na Tulad ni Jesucristo
Ang pagsasakripisyo para sa Diyos ay makatutulong sa atin na matanggap ang Kanyang kapangyarihan, na magpapabanal sa atin. Sa pagsasakripisyo para sa Panginoon, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya at sa iba. Maaaring iniisip nating hindi madali o mahirap gawin ang magsakripisyo, ngunit ang pinaka-ibig sabihin nito ay “araw-araw na pamumuhay bilang tunay na disipulo ni Cristo.” Sa pagsasakripisyo natin sa araw-araw para tuparin ang ating mga tipan at sundin si Jesucristo, tumutulong tayong isulong ang gawain ng Diyos.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang pagbibigay ng ating oras sa Panginoon ay isang paraan para makapagsakripisyo tayo sa araw-araw. Maaaring kasama na rito ang pagtupad sa ating mga tungkulin o paglilingkod sa isa’t isa. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Tunay nga na ang ating paglilingkod at sakripisyo ang pinaka-akmang pahayag ng ating pangakong maglingkod sa Panginoon at sa ating kapwa.” Paano mo regular na isinasakripisyo ang iyong oras sa Panginoon? Pagnilayan kung paano nakatutulong ang paggawa nito na mapalapit ka kay Cristo at maging mas banal.
-
Kung minsan sa ating pakiwari ay maliit lamang at walang kabuluhan ang araw-araw na mga sakripisyong ginagawa natin bilang mga disipulo ni Cristo. Ngunit mahalaga ang mga sakripisyong ito sa Panginoon. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:33 upang malaman kung ano ang tingin Niya sa ating mga pagsisikap, gaano man ito kaliit. Paano pinalalakas ang loob mo ng talatang ito para patuloy na gumawa ng maliliit at araw-araw na sakripisyo para sa Panginoon?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa video na “A Sacrifice of Time” (2:53), itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “hindi magagawang [sakdal] ang ating mga ninuno kung wala tayo, at hindi tayo magagawang [sakdal] kung wala sila.” Sa regular na paggawa ng gawain sa templo at family history, nagiging mas banal tayo, tulad ni Jesucristo. Panoorin ang video na “A Sacrifice of Time” nang magkakasama, at pagkatapos ay magbahagi kung paano kayo napagpala ng pag-aalay ng oras sa gawain ng templo at family history. Ano ang natutuhan ninyo sa mga karanasan ng iba na nagbibigay-inspirasyon sa inyo na magpatuloy o magsimulang mag-alay ng inyong oras sa ganitong paraan?
-
Maraming paraan na maaari kayong magsakripisyo para sa Panginoon at sa iba nang hindi ninyo namamalayan. Kapag tinutupad ninyo ang inyong mga tipan, naglilingkod sa isang kaibigan o kapamilya, nagbabayad ng ikapu, o nagbabahagi ng inyong mga talento, kayo ay nagsasakripisyo para sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Gumawa ng listahan ng mga partikular na paraan ng pagsasakripisyo ninyo sa araw-araw para maging disipulo ni Cristo. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan kung paano nakaaapekto sa inyong pagiging disipulo na isiping mga sakripisyo ang mga bagay na ito at tumutulong sa inyo na mas mapalapit sa Kanya.
Alamin ang iba pa
-
1 Cronica 16:29; Lucas 18:22; Roma 12:1; Doktrina at mga Tipan 138:12–13
-
Jeffrey R. Holland, “Tinawag na Maglingkod,” Liahona, Nob. 2002, 36–38