Library
Pagkamamamayan


“Pagkamamamayan,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

mga watawat

Buod

Pagkamamamayan

Pinahahalagahan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang organisasyon at kaayusang inilalaan ng mabuting pamahalaan at naniniwala sila sa pagiging mga responsableng mamamayan ng mga bansa at komunidad na kinabibilangan nila. Ang pagkamamamayan ay tumutukoy sa obligasyon ng mga miyembro ng Simbahan na gampanan ang kanilang mga tungkulin sa kanilang mga bansa at komunidad sa mga legal na paraang naaayon sa “kanilang likas at hindi maikakait na mga karapatan.”

Mga Pamahalaan at Kanilang mga Mamamayan

“Kami ay naniniwala na ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao; at kanyang pinananagot ang mga tao sa kanilang mga gawa na may kaugnayan sa mga ito, kapwa sa paggawa ng mga batas at pagpapatupad sa mga ito, para sa ikabubuti at kaligtasan ng lipunan.” Responsibilidad ng mga pamahalaan na gumawa ng mga batas at tiyaking hindi malalabag ang mga ito na “[titiyak] sa bawat tao ang malayang paggamit ng budhi, ang karapatan at pamamahala ng ari-arian, at ang pangangalaga ng buhay.” Kaugnay ng kalayaan sa relihiyon, responsibilidad ng mga pamahalaan na huwag magtakda ng “alituntunin ng pagsamba upang igapos ang mga budhi ng tao, o magdikta ng mga uri para sa pangmadla o pansariling pagsamba … [o] sawatahin ang kalayaan ng kaluluwa.” Tunay nga, naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na “[ang mga] pamahalaan ay may karapatan, at may pananagutang ipatupad ang mga batas para sa pangangalaga ng lahat ng mamamayan sa malayang pagtupad ng kanilang pangrelihiyong paniniwala.”

Kapag tinupad ng mga pinuno at pamahalaan ang kanilang responsibilidad na protektahan ang mga pangunahing karapatang ito, pagpapalain sila ng Panginoon. Gayunman, paulit-ulit Siyang nagbabala laban sa kasamaang dumarating kapag nabigo ang mga pinuno na protektahan ang mga karapatang ito. Ang mga pamahalaan na ginagawa ang kanilang gawain sa pamamagitan ng “tinig ng mga tao” ay nagbibigay ng mas malaking proteksyon sa mga karapatan ng kanilang mga mamamayan dahil “hindi pangkaraniwan na ang tinig ng mga tao ay magnais ng anumang bagay na salungat sa yaong tama.” Naniwala si Thomas Jefferson, isa sa mga Founding Father ng Estados Unidos, sa tinig ng mga tao, nagwiwikang, “Bihirang mangyari na nagpapasiya ang damdamin ng publiko nang imoral o hindi matalino, at ang indibiduwal na naiiba rito ay dapat hindi pagkatiwalaan at suriin ang sarili niyang opinyon.” Ang mga miyembro ng Simbahan na mga mamamayan sa mga bansa na ginagawa ang kanilang “gawain sa pamamagitan ng tinig ng mga tao” ay may lalong mahalaga at sagradong responsibilidad bilang mga mamamayan na ilakas ang kanilang tinig para sa mabubuti at tamang adhikain, kabilang na ang mga pangunahing kalayaan ng budhi at relihiyon.

Mga Pagpapahalagang Moral at Mabuting Pagkamamamayan

Hangad ng mga miyembro ng Simbahan na mamuhay ayon sa mga pagpapahalagang moral na itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga lingkod at maging impluwensya sa mabubuting pagpapahalagang moral sa lipunan at pamahalaan. Ipinahayag ni John Adams, isang Founding Father ng Estados Unidos, “Ang ating Konstitusyon ay ginawa lamang para sa mga taong may moralidad at relihiyoso. Hinding-hindi ito sapat sa pamahalaan ng iba.”Ang kalayaan ay hindi maihihiwalay sa ating moralidad, at ang mga relihiyosong mananampalataya at institusyon ay mahalaga sa pangangalaga sa moralidad.

Walang bansa noon o ngayon ang maaaring mangalaga sa mga pangunahing karapatan at seguridad ng mga tao nito kung walang pundasyon ng moralidad. Napuna ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang mga ugali na dati ay hindi angkop at mahalay ay hindi lamang kinukunsinti ngayon kundi itinuturing pang katanggap-tanggap ng marami.” “Ang mga pamantayan ng moralidad ng masa,” ipinahayag niya, “ay unti-unting nagiging ‘halos kahit ano na lang.’” Ang pagpili ng mga indibiduwal na may kaugnayan sa moralidad ay nakaaapekto sa mas malaking lipunan kung saan tayo nakatira. Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland, “Ang plano ng Ama at ang kaloob ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ay positibong nagkakaloob sa mga tao kapwa ng kakayahan at ng responsibilidad na gumawa ng mga pagpili nang may pag-asa … at isang paniniwala na gagamitin ng malalayang tao ang kanilang kalayaan para piliin ang mabuti kaysa sa masama, tama kaysa mali, kabanalan kaysa bisyo.”

Ang Mabuting Pagkamamamayan ay Nangangailangan ng Pakikibahagi

Upang makapamuhay bilang malalayang tao nang ligtas at payapa, kailangan tayong maging maalam at makibahagi. “Ang … kaligayahan ng anumang komunidad,” pahayag ni Propetang Joseph Smith, “ay may malapit na kaugnayan sa kaalamang taglay ng mga tao.”Habang mapanalanging pinag-aaralan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga isyu at desisyong kinakaharap ngayon ng mga komunidad at bansa, mahihiwatigan at mauunawaan nila kung paano ipamuhay ang mga walang hanggang alituntunin sa mga isyung pinagtatalunan ng mga pulitiko at ng mga pampublikong opisyal.

Hinihikayat ang mga Banal sa mga Huling Araw na maging maalam at makilahok sa mga aktibidad ng pamahalaan at pulitika, “na makibahagi sa karapat-dapat na mga gawain na naglalayong gawin ang kanilang mga komunidad na mabuting lugar kung saan maaaring mamuhay at magtaguyod ng mga pamilya,” alinsunod sa mga batas ng kani-kanilang pamahalaan. Kung maaari, kabilang dito ang isang espesyal na obligasyong hanapin, iboto, at suportahan ang mga pinunong tapat, mabuti, at matalino. Gayundin, “Ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na makibahagi sa mga gawaing pampulitika at pamahalaan. Sa maraming bansa, maaaring kabilang dito ang … paglilingkod sa inihalal o hinirang na katungkulan sa lokal at pambansang pamahalaan.”

Bukod pa rito, ang isang interes para sa kabutihan ng lahat ay maaaring magbigay ng inspirasyon sa mga miyembro ng Simbahan na makibahagi sa iba’t ibang mga aktibidad na nakabubuti sa mga komunidad at bansa kung saan sila nakatira. “Naglibot [ang Tagapagligtas] na gumagawa ng mabuti” sa mga komunidad ng Judea, Samaria, at Galilea. Inalagaan Niya ang mga maralita at nangangailangan. Inalo Niya ang mga nagdadalamhati at ang mga yaong may kapansanan. Dumalo Siya sa mga kaganapang panlipunan at seremonyang panrelihiyon. Nakisalamuha Siya sa iba at nagpakita Siya ng paggalang sa mga taong iba’t iba ang lahi at kultura. Nakisama Siya sa mga kilala at marangal na uri ng tao gayundin sa mga yaong pinalayas sa lipunan. Ang isang nag-aalala at aktibong mamamayan ngayon ay maaaring maglingkod sa isang lokal na food bank, magbigay ng dugo, o mag-organisa ng mga pagtitipon at aktibidad sa komunidad. Ang mga simpleng pagmamalasakit at paglilingkod sa mga kapitbahay o komunidad, tulad ng pagboboluntaryo sa paglilinis o paglilingkod sa mga ospital, nursing home, o mga pasilidad sa pagpapagaling, ay ginagawang mas magandang lugar ang komunidad upang tirhan. Ang lahat ng may kakayahan ay dapat gamitin ang karapatang bumoto sa mga pambansa at lokal na halalan at sundin ang payo ni Apostol Pablo na ipanalangin na magkaroon ng karunungan ang mga pinuno ng pamahalaan, “patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan upang tayo’y mamuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at [katapatan].”

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook na mahirap “baguhin ang lipunan sa pangkalahatan, ngunit kailangan nating sikaping pag-igihin ang moral na kulturang nakapalibot sa atin. Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng bansa ay dapat maging mabubuting mamamayan, lumahok sa mga gawaing panglipunan, alamin ang nangyayari sa kanilang paligid, at bumoto.”Hinikayat tayong lahat ni Pangulong Thomas S. Monson na “maging mabubuti tayong mamamayan ng mga bansang tinitirhan natin at mabubuting kapitbahay sa ating mga komunidad, na tumutulong sa mga taong iba ang relihiyon, gayundin sa mga kapwa natin miyembro,” at “maging matatapat at mararangal tayong kalalakihan at kababaihan sa lahat ng ginagawa natin.”

Kaugnay na Content

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 134:5.

  2. Doktrina at mga Tipan 134:1.

  3. Doktrina at mga Tipan 134:2.

  4. Doktrina at mga Tipan 134:4.

  5. Doktrina at mga Tipan 134:7.

  6. Tingnan sa 1 Samuel 8:5–9; Mosias 29:16–17.

  7. Mosias 29:26.

  8. Thomas Jefferson, sa H. W. Brands, Andrew Jackson: His Life and Times (2005), 114–15.

  9. Tingnan sa Mosias 29:38.

  10. John Adams, “Message from John Adams to the Officers of the First Brigade of the Third Division of the Militia of Massachusetts,” Okt. 11, 1798.

  11. Tingnan sa George Washington, “The Address of General Washington to the People of the United States on His Declining of the Presidency of the United States,”American Daily Advertiser, Set. 19, 1796.

  12. Thomas S. Monson, “Tumayo sa mga Banal na Lugar,”pangkalahatang kumperensya, Okt. 2011.

  13. Thomas S. Monson, “Kapangyarihan ng Priesthood,”pangkalahatang kumperensya, Abr. 2011.

  14. Jeffrey R. Holland, “Faith, Family, and Religious Freedom” (mensaheng ibinigay sa J. Reuben Clark Law Society Conference sa Washington, D.C., Peb. 15, 2013), newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  15. Times and Seasons, Ago. 15, 1842, 889.

  16. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.8.30, ChurchofJesusChrist.org.

  17. Doktrina at mga Tipan 98:10.

  18. Pangkalahatang Hanbuk, 38.8.30.

  19. Si Benjamin Franklin, halimbawa, ay isang lalaking matulungin sa mga tao. Ang kanyang pambihirang interes sa kabutihan ng lahat ay umakay sa kanya na mag-imbento ng maraming bagay na kapaki-pakinabang sa kanyang komunidad, tulad ng isang aklatan, isang fire brigade, isang neighborhood watch group, isang ospital, isang hukbong-militar, at isang kolehiyo (tingnan sa Walter Isaacson, Benjamin Franklin: An American Life [2003], 102).

  20. Mga Gawa 10:38.

  21. Tingnan sa Marcos 1:32–34.

  22. Tingnan sa Mateo 9:27–31; 15:29–31.

  23. Tingnan sa Marcos 2:13–17; Juan 2:1–11, 23.

  24. Tingnan sa Juan 4:4–42.

  25. Tingnan sa Mateo 8:1–4; Juan 4:46–54.

  26. 1 Timoteo 2:1–2.

  27. Quentin L. Cook, “Mga Panaghoy ni Jeremias: Mag-ingat sa Pagkaalipin,”pangkalahatang kumperensya, Okt. 2013.

  28. Thomas S. Monson, “Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,”pangkalahatang kumperensya, Okt. 2008.