Library
Pananalapi ng Simbahan—Mga Komersyal na Negosyo


“Pananalapi ng Simbahan—Mga Komersyal na Negosyo,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

mga pahayagan

Buod

Pananalapi ng Simbahan—Mga Komersyal na Negosyo

Ang Simbahan ay may hawak na mga negosyo na una sa lahat ay bunga ng mga negosyong nagsimula noong nakahiwalay ang Simbahan sa Kanluran. Ang mga komersyal na negosyong pag-aari ng Simbahan ay tumutulong na tugunan ang mga pangangailangan ng Simbahan sa pagsasakatuparan ng layunin nito. Ang perang kinikita mula sa mga komersyal na negosyong ito ay medyo maliit; ang karamihan ng mga pinansiyal na pinagkukunan ng Simbahan ay nagmumula sa mga ikapu at mga handog ng mga miyembro ng Simbahan.

Inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Kung tutuusin, ang mga ari-arian sa negosyo na mayroon ang Simbahan ngayon ay bunga ng mga negosyong sinimulan noong panahon ng mga pioneer ng ating kasaysayan noong nakahiwalay tayo sa mga lambak ng kabundukan ng kanlurang Amerika. Halimbawa, kinailangan noon ng isang pahayagan upang mapanatiling may alam ang mga tao tungkol sa nangyayari sa kanilang lugar at sa ibang bansa. Ang resulta ay ang Deseret News, na inilalathala na ngayon sa loob ng 135 taon. Noong dekada ng 1920, hinikayat ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga pahayagan na magtayo ng mga istasyon ng radyo. Nagsisimula pa lamang noon ang industriya ng broadcasting. Isang gayong istasyon ng radyo ang itinatag ng Deseret News dito sa Salt Lake City. Mula roon ay dumami na, sa pamamagitan ng natural na proseso ng pag-unlad, ang mga pagmamay-ari na mga broadcasting station.

“Tulad ng mapapansin ninyong lahat, ang kakayahan at mga pasilidad na makipag-ugnayan ay kabilang sa ating malalaki at palagiang pangangailangan. Ang pagmamay-ari ng mga ari-ariang ito, kapwa ng pahayagan at ng mga pasilidad sa broadcasting, samantalang pinatatakbo ang mga ito bilang mga komersyal na kumpanya, ay kapwa tuwiran at di-tuwirang tumutulong sa atin sa ating responsibilidad na iparating ang ating mensahe at pananaw.

“Ang Simbahan ay isa sa nanguna sa industriya ng matamis na aselga upang tulungan ang ating mga magsasaka na nangailangan ng pananim na maibebenta upang kumita. Ang isa sa ating mga kasalukuyang ari-arian ay bunga niyon.

“Isang magandang hotel ang itinayo katabi ng Temple Square pitumpu’t limang taon na ang nakararaan upang maglaan ng komportableng mauupahang murang tirahan ang mga bisita sa lungsod na ito.

“Ang mga interes sa pangangalakal ay bunga ng kilusang kooperatiba na umiral sa ating mga tao noong panahon ng mga pioneer. Napanatili ng Simbahan ang ilang mga ari-arian sa real estate, partikular na yaong malalapit sa Temple Square, upang makatulong na maingatan ang ganda at integridad ng sentro ng lungsod. Ang lahat ng komersyal na ari-ariang ito ay nagbabayad ng buwis.

“… Ang pinagsama-samang kita mula sa lahat ng negosyong ito ay medyo maliit at kaya lang matugunan ang mga pangangailangan ng gawain sa loob ng napakaikling panahon.”

Kaugnay na mga Paksa

  • Kabuhayan ng Pamilya

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Questions and Answers,” Ensign, Nob. 1985, 50.