Tema ng mga Kabataan para sa 2025
Asahan si Cristo
Ang Tema ng mga Kabataan para sa 2025 ay makakatulong sa iyo na piliing magtiwala sa halip na magduda at manampalataya sa halip na matakot.
Kasama ang labimpitong-taong-gulang na si Kailey sa isang cheerleading team hanggang sa magkaroon siya ng matinding pinsala sa utak dahil sa isang aksidente. Hindi siya nakapasok sa paaralan noong nagpapagaling siya, at unti-unti niyang nadama na nahiwalay siya at nag-iisa. Nasaktan ang kanyang damdamin at hindi niya alam kung saan siya hihingi ng tulong. Iminungkahi ng isang kaibigan na makinig siya sa mga missionary. Itinuro nila sa kanya ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo Ang malaman ang iba pa tungkol kay Cristo ay nagbigay sa kanya ng pag-asa, at nadama niya na parang nakikipag-ugnayan sa kanya ang Diyos mismo.
Sinabi ni Kailey sa nanay niya, “Kahit kailan hindi ko naramdaman na mahal ako ng Diyos. Pero ngayon alam kong mahal Niya ako.”
Medyo nagulat ang nanay niyang si Michelle. Tinalikuran na nila ng kanyang asawang si Brock ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong pitong taon si Kailey dahil sa iba’t ibang mga tanong, pagdududa, at alalahanin. Ipinalagay nila na magiging mas masaya ang anak nila kung wala ang lahat ng miting at kautusan. Hindi nila naisip na ang pasiya nila ay pipigil kay Kailey na magkaroon ng malapit na ugnayan sa Diyos. Nang pagmasdan nina Michelle at Brock kung paano nagbago si Kailey, natanto nila na matagal na pala nilang hindi nadama na malapit sila sa Diyos, at gusto nilang madamang muli iyon.
Kinausap nila ang kanilang bishop, at di-nagtagal ay bumalik sa simbahan ang pamilya, pati na ang kapatid ni Kailey na si Braeden. Ang pakiramdam na malapit sila sa Diyos at muli silang nakaugnay sa Kanya—lalo na sa pamamagitan ng panalangin—ay nagpanumbalik ng kanilang pananampalataya. Hindi nasagot ng pagbabalik sa simbahan ang lahat ng kanilang tanong o alalahanin, pero natanto nila na ang pagkakaroon ng mas malakas na personal na ugnayan sa Diyos ay mas mahalaga kaysa sa kawalan nila ng paniniwala.
Nagsimula ang lahat ng ito nang anyayahan ng isang kaibigan—isang tinedyer na katulad mo—si Kailey na asahan si Cristo. At ginawa niya iyon!
Sinabi na ni Jesucristo, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36). Ito ang inspirasyon sa likod ng Tema ng mga Kabataan para sa 2025. Hayaan mong ibahagi namin kung paano mo mapipiling magtiwala sa halip na magduda at manampalataya sa halip na matakot habang umaasa ka kay Cristo:
Kaliwa pakanan: Sister Runia, President Freeman, Sister Spannaus
Tamara W. Runia
Kapag nahihirapan ako, laging nakakatulong sa akin ang isipin si Jesucristo na nakaunat ang mga bisig. Kapag umasa ako sa Kanya, naaalala ko ang mga titik ng awiting, “I Will Walk with Jesus”: “’Di N’ya ’ko iiwan, magkamali man.”
Emily Belle Freeman
Habang binabasa ko ang talata ng temang ito, naaalala ko si Pedro sa Dagat ng Galilea. Tumindi ang takot at pagdududa niya nang magtuon siya sa bagyo, kaya lumubog siya sa malalakas na alon. Pero ang pagtuon sa Tagapagligtas ay nagbigay sa kanya ng kakayahang isagawa ang isang bagay na hindi pa niya nagawa: lumakad siya sa tubig! Pambihira talaga. Ano ang magagawa mo kapag umasa ka sa Kanya?
Andrea Muñoz Spannaus
Kapag nagsimula akong matakot, saan man ako naroon o ano man ang sitwasyon ko, sadya kong iniisip ang kaugnayan ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ilang beses kong inuulit sa aking isipan: AKO AY ANAK NG DIYOS. Patuloy ko itong ginagawa hanggang sa magsimulang gumaan ang pakiramdam ko. Laging ganito ang nangyayari!
Kaliwa pakanan: Brother Wilcox, President Lund, Brother Nelson
Bradley R. Wilcox
Itanong mo sa iyong sarili kung sino ang higit na nagmamalasakit at nagmamahal sa iyo. Ang mga magulang mo ba at mga lider ng Simbahan? Ang mga tao ba sa social media na maaaring isa lang sa mga follower nila ang turing sa iyo? Asahan ang Ama sa Langit at si Cristo. Nagmamalasakit Sila talaga!
Steven J. Lund
Alalahanin ang ipinaaalala sa iyo kapag binibigkas mo ang mga tema ng Aaronic Priesthood Quorum at ng Young Women: Ikaw ay minamahal na anak ng Diyos. Manampalataya ka na may plano ang ating Ama para sa iyo. Ang ibig sabihin ng asahan si Cristo ay ang makita na ang Kanyang Pagbabayad-sala ang nasa sentro ng planong iyon.
Michael T. Nelson
Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay pag-asa kay Cristo! Ang mga pagdududa at takot ay likas na naglalaho kapag naalala natin ang mga himala at turo ni Jesus. Napakasuwerte natin na magkaroon ng access sa Kanyang mga salita. Angkop ang mga ito sa bawat sitwasyon na nararanasan natin sa buhay.