2025
Pagbuo ng mga Tahanan at Patotoo
Enero 2025


Pagbuo ng mga Tahanan at Patotoo

Lumalago noon ang construction business ni Sarah. Pero may desisyon siyang kinailangang gawin.

dalagita

Mga larawang kuha ni Christina Smith, maliban kung iba ang nakasaad

Para kay Noe, ito ay isang arka. Kay Haring Benjamin naman ay isang tore. Sa Kapatid ni Jared ay ang mga gabara. At para naman kay Sarah Christensen mula sa Montana, USA? Nagpasiya siyang magtayo ng mga bahay.

Si Hermana Christensen, na ngayo’y isang full-time missionary na naglilingkod sa Minnesota Minneapolis Mission, ay minsang medyo nainis na naging hadlang ang misyon sa kanyang mga mithiin ukol sa construction—at ni hindi nga niya sariling misyon iyon!

Umpisahan natin sa simula.

“Buong buhay ko nang tinutulungan ang tatay ko na bumuo ng mga bagay-bagay,” wika niya. “Nasanay ako sa power tools at construction, at talagang napamahal ito sa akin. Kaya noong 16 anyos ako, nagdesisyon ako na gusto kong magsimula ng sarili kong construction business.”

mag-amang nagtatayo ng bahay

“Tinuruan ako ng tatay ko na buuin ang mga bagay-bagay, mula sa dalawang tabla hanggang sa buong bahay,” sabi ni Sarah.

Pagtatayo ng Negosyo

Nag-remodel muna si Sarah ng isang bahay sa loob ng isang taon noong panahon ng tag-init. Gustung-gusto niya iyon kaya tumanggap siya ng isa pang remodeling project nang sumunod na taon. Kalaunan, nagpasiya siyang bunuin ang isang mas malaki pang proyekto—isang “spec” house, o isang bahay na itatayo niya at ng kanyang team ng mga subcontractor mula sa pundasyon hanggang sa matapos iyon, na umaasang maibenta iyon nang may tubo.

dalagitang may sledgehammer sa isang construction site

Araw ng demolisyon! Nagdala ng martilyo si Sarah sa isang banyo sa isa sa kanyang mga proyekto.

Hindi madaling magpasimula ng negosyo, lalo na dahil nag-aaral pa si Sarah sa high school at abala sa cross country running.

dalagitang nagpupukpok gamit ang martilyo sa construction site

Sinimulan ni Sarah ang sarili niyang construction company noong 16 anyos siya.

“Ang dami kong natutuhan,” wika niya. “Kinailangan kong gumamit ng checkbook para bayaran ang mga tao, na hindi ko pa nagawa dati. Kinailangan kong maging komportable sa pakikipag-usap sa mga estrangherong subcontractor ko. Natutuhan ko rin kung paano harapin ang stress ng pagpapatakbo ng isang kumpanya, na hindi palaging masaya. Laging nariyan ang pag-aalala na hindi ka kikita nang sapat na perang kailangan para maibalik man lang ang puhunan kapag nagbebenta ka ng bahay.”

Hindi Nag-iisa Kailanman

Pero sa kabila ng mga alalahanin at stress na dulot ng pagpapatakbo ng negosyo, hindi kailanman kinailangang haraping mag-isa ni Sarah ang kanyang malalaking pangarap.

“Lagi namang nagiging maayos ang lahat, at alam ko na dahil iyon sa Panginoon,” wika niya. “Hindi posible ang negosyong ito kung wala Siya. Tinulungan Niya ako sa masasamang araw, sa hirap ng trabaho, sa lahat.”

dalagitang tumutulong sa isang batang lalaki na mag-drill sa construction site

Ang malapit na relasyon ni Sarah sa kanyang pamilya ay nagmumula sa pagtatrabaho nang sama-sama.

Sinuportahan din si Sarah ng kanyang pamilya sa bawat hakbang ng proseso—na nagbabalik sa atin sa misyong iyon na naging hadlang noon sa kanyang mga plano.

Nagplano ang kuya niyang si Tyler na tulungan si Sarah na magtayo ng isang bahay pag-uwi nito mula sa kanyang misyon. Pero isang araw, tinawagan niya si Sarah para ibalita na napakiusapan siyang palawigin ang kanyang paglilingkod bilang missionary.

“Galit na galit ako noon kay kuya,” pag-amin ni Sarah. “Gusto kong sabihing, ‘Tyler, hindi mo puwedeng tanggapin ’yan. Naiplano ko na ito.’ At sabi ni Tyler, ‘Mas mahalaga ang gawain ng Panginoon kaysa sa gawain mo.’ Tinamaan ako roon. Alam kong tama siya at na kailangan kong magtiwala sa plano ng Diyos.”

pamilya

Masayang sinalubong ng pamilya ni Sarah ang kuya niyang si Tyler pag-uwi nito pagkatapos ng kanyang pinalawig na misyon.

Larawan sa kagandahang-loob ni Sarah Christensen

mag-ama sa construction site

Tinutulungan man siya ng kanyang ama o humihingi siya ng tulong sa Ama sa Langit, alam ni Sarah na hindi siya nag-iisa.

Sarili Niyang Misyon

Ang halimbawa ni Tyler ay nagbigay-inspirasyon kay Sarah na isiping magmisyon. “Natanto ko kung gaano karaming tao ang tinulungan ng kuya ko na lumapit kay Cristo, at nakita ko rin kung gaano siya napalapit mismo kay Cristo. Gusto ko ring maranasan iyon,” sabi ni Hermana Christensen. “Sinimulan kong seryosong pag-aralan ang ebanghelyo at nalaman ko na habang lumalakas ang aking patotoo at relasyon sa aking Tagapagligtas, mas gusto kong ibahagi kung ano ang mayroon ako.”

Pinili ni Sarah na pansamantalang itigil ang kanyang construction business at paglingkuran ang Panginoon. Ang desisyong ito ay nagbigay sa kanya ng matinding mga bagong kaalaman.

“Ang numero unong naituro sa akin ng aking misyon ay na lubos na binabago ng ebanghelyo ang buhay,” sabi ni Hermana Christensen. “Dahil lumaki ako sa Simbahan, nahirapan akong makita kung gaano kahalaga ang ebanghelyo sa buhay ko.

“Dito sa aking misyon, napapaligiran ako ng mga taong walang alam tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kapag nalalaman nila na sila ay mga anak ng Diyos at may plano Siya para sa kanila, binabago nito ang kanilang buhay. Ito ang pinakamagandang bagay na masasaksihan at maging kabahagi. Naunawaan ko iyan bago ako nagmisyon, pero ngayo’y alam ko nang mahalaga ang ebanghelyo ni Jesucristo para magalak sa mundong ito at sa mundong darating.”

mga sister missionary na may mga paint roller

Si Hermana Christensen (kanan) at ang kanyang kompanyon na si Hermana Taylor (kaliwa) ay gustung-gustong maglingkod sa anumang paraan na kaya nila.

Larawan sa kagandahang-loob ni Sarah Christensen

Manampalataya sa Halip na Matakot

Sa iba pang mga kabataang nag-iisip na magmisyon, sabi ni Hermana Christensen, “Manampalataya at huwag matakot. Hindi madali ang mga misyon, pero sulit ang mga ito. Pagpapalain ka ng Diyos sa di-mawaring mga paraan kapag nagdesisyon kang maging isa sa Kanyang mga lingkod.”

Bagama’t nami-miss niya ang pagtatayo ng mga bahay habang naglilingkod siya, hindi pinagsisisihan ni Hermana Christensen ang kanyang pasiya. “Siyempre pa, may potensyal sanang lumago ang negosyo ko habang full-time missionary ako,” wika niya. “Pero alam kong pagpapalain ng Panginoon ang sakripisyo ko na iwanan ito sandali. Makapaghihintay ang negosyo ko, pero ang gawain ng Panginoon ay hindi!”