Tema ng mga Kabataan para sa 2025
7 Paraan ng Pag asa kay Cristo
Subukan ang mga gawing ito para maituon ang iyong paningin sa Tagapagligtas.
Ang pagsasabuhay ng tema ng mga kabataan ngayong taon—“Asahan si Cristo”—ay medyo mahirap. Paano ka aasa sa isang taong hindi pisikal na narito? Magsimula sa pitong gawing ito.
1. Tandaan na Hindi Siya Nagtatago
Oo, kailangan mo Siyang hanapin. Pero gusto Niyang matagpuan Siya! Hindi ito larong taguan. Sabik ang Panginoon na pagpalain ka—sa katunayan, nasisiyahan Siya roon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 41:1). Hindi siya naghahanap ng mga dahilan para hindi ka maging karapat-dapat. Kabaligtaran iyan: Lagi Niyang hinahangad na pagpalain ka. Tulad ng itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi, hindi [naglalagay ang Tagapagligtas] ng mga harang at balakid; inaalis Niya ang mga iyon. Hindi Niya kayo hinahadlangang pumasok; malugod Niya kayong tinatanggap. Ang Kanyang buong ministeryo ay totoong pagpapahayag ng layuning ito.”
2. Kilalanin ang Kanyang Impluwensya sa Buhay Mo
Nalulugod ang Panginoon kapag tayo ay “kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 59:21). Kaya tiyaking kilalanin ang Kanyang impluwensya sa buhay mo! Pasalamatan Siya kapag maayos ang takbo ng lahat para sa iyo at maghangad ng kapayapaan at pag-unawa kapag hindi.
3. Pasalamatan Kung Ano ang Mayroon Ka
Kasabay ng pagkilala sa impluwensya ng Panginoon sa buhay mo, mahalaga ring makadama—at magpakita—ng pasasalamat. Maaaring hindi mo pisikal na “nakikita” ang Tagapagligtas, pero makikita mo ang Kanyang mga pagpapala sa buhay mo! Sabi ni Elder Gary B. Sabin ng Pitumpu, “Kailangan ay hindi hihigit ang antas ng inyong kaligayahan sa antas ng inyong pasasalamat.” Pasalamatan ang Panginoon araw-araw para sa iyong mga pagpapala. Kapag nalulungkot ka, sundin ang payo sa lumang himno: “Mga pagpapala ay bilangin mo; Mamamangha ka sa kaloob sa ’yo.”
4. Magdasal Araw-Araw
Mas “makikita” mo ang Tagapagligtas sa buong maghapon kung magsisimula kang makipag-usap sa Ama sa Langit. Hilingin sa Kanya na tulungan kang alalahanin ang Tagapagligtas at mapansin ang Kanyang impluwensya sa buhay mo. Maaari kang magdasal nang madalas hangga’t gusto mo sa maghapon. At bago matulog, muling magdasal para ikuwento sa Ama sa Langit ang mga nangyari. Hindi Siya napapagod sa pakikinig sa iyo!
5. Magsaulo ng mga Talata sa Banal na Kasulatan at mga Himno
Ang isang paraan para manatiling nakatuon ang iyong isipan kay Jesucristo ay ang tandaan ang mga salita sa isang paboritong talata o ang mga titik sa isang nakasisiglang awitin. Magpraktis na alalahanin ang mga ito kapag naramdaman mo na may pumapasok na mga negatibong kaisipan. Ang paggunita lamang (at tahimik na pagkanta) ng pamagat ng isang himno ay kadalasang maaaring sapat na para muling ituon ang iyong isipan: “Ako ay anak ng Diyos.” “Kailangan ko Kayo.” “Pumayapa, aking kaluluwa.”
6. Tingnan ang mga Larawan ng Tagapagligtas
Maghanap ng ilang makasining na paglalarawan sa Tagapagligtas na gusto mo, at pagkatapos ay ilagay ang mga ito kung saan mo madalas na makikita ang mga ito. Ang ilang lugar ay maaaring kabilangan ng dingding sa kuwarto mo, salamin sa banyo mo, locker mo sa paaralan, o bilang background sa computer mo o home screen sa cell phone mo.
7. Tingnan ang Mundo sa Paligid Mo
Maganda ito! At ginawa ito ng Tagapagligtas para sa iyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:9)! Wala tayong alam na dahilan kung bakit kinailangang maging napakaganda ng mundo. Siguro’y maaari sana nating gugulin ang mortalidad sa isang mundong patag, parisukat, at malungkot. Sa halip ay lumikha ang Tagapagligtas ng isang mundo “para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso” (Doktrina at mga Tipan 59:18). Sa madaling salita, maganda ang mundo dahil pinagaganda ng magagandang bagay ang pakiramdam natin. Kung gusto mong alalahanin ang Tagapagligtas, tumingin ka lang sa paligid.