2025
Paano Natin Dapat Ituro sa mga Tao ang tungkol sa Plano ng Kaligtasan?
Enero 2025


Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol

Paano Natin Dapat Ituro sa mga Tao ang tungkol sa Plano ng Kaligtasan?

Ang plano ng kaligtasan ang pinakamainam na sagot sa marami sa mga tanong na bumabalisa sa mga kabataan at sa kanilang mga kaibigan na hindi Banal sa mga Huling Araw.

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa 2023 Seminar for New Mission Leaders noong Biyernes, Hunyo 23, 2023.

mga binatilyong nag-uusap

Ipinapakita sa plano ng kaligtasan ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak. Mahal na mahal Niya ang Kanyang mga anak kaya’t sa Kanyang plano, ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos, upang magdusa at mamatay para sa atin. Ipinapakita sa atin ng plano ng Diyos kung paano Niya nakikita ang layunin ng buhay sa mundo at ang banal na paghuhukom na kasunod nito at ang dakila, at maluwalhating potensyal ng lahat ng Kanyang mga anak.

Saan Tayo Pupunta

Itinuturo ng inihayag na doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo na lahat ng anak ng Diyos—maliban sa iilan na hindi ko na babanggitin pa rito—ay mapupunta sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Sa huli, bawat isa sa atin ay hahatulan ayon sa ating mga gawa at hangarin ng ating puso. Bago iyan, kailangang pagdusahan natin ang mga kasalanan na hindi natin pinagsisihan. Malinaw na nakasaad iyan sa mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay ipapadala tayo ng ating mabuting Hukom sa isa sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian.

Ang layunin ng plano—na ipinahayag sa doktrina at mga patakaran ng ipinanumbalik na Simbahan—ay ihanda ang mga anak ng Diyos na matamo ang kadakilaan sa kahariang selestiyal, ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian. Pero hindi lahat ay gugustuhin ito at magiging karapat-dapat para dito. Dahil sa dakilang pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang anak, naglaan Siya ng dalawang mas mababang kaharian ng kaluwalhatian.

Nalaman natin mula sa makabagong paghahayag na “lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay.” Ang kaharian ng kaluwalhatian na matatanggap natin sa Huling Paghuhukom ay batay sa mga batas na pinili nating sundin sa mapagpalang plano ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. Sa planong iyan ay may tatlong kaharian upang lahat ng Kanyang mga anak ay maitalaga sa isang kaharian kung saan sila maaaring “manahanan.” Ang bawat isa sa mga ito ay higit na kahanga-hanga kaysa sa kaya nating unawain. Ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang lahat ng ito.

Kaalaman at Kapanatagan sa Pamamagitan ng Plano

Ang ilan pang inspiradong turo na may kaugnayan sa plano ng kaligtasan ay nagbibigay ng kaalaman at kapanatagan. Sa mga paraang hindi pa naihahayag, ang mga ginawa natin sa premortal na buhay ay nakaimpluwensya sa ating mga kalagayan sa mortalidad. Gayon din, marami sa pinakamahalaga na ipinagkait sa mortalidad ay itatama sa kabilang-buhay. Magkakaroon ng milenyo kung saan naglalaan ang dakilang plano ng kaligayahan ng panahon para maisakatuparan ang lahat ng hindi kumpleto sa buhay ng sinuman sa karapat-dapat na mga anak ng ating Ama.

Sa ngayon, nais ng Diyos na gamitin nating lahat ang ating panahon sa mortalidad sa pagsisikap na matamo ang pinakamataas na posibleng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan, tipan, at ordenansa, na lahat ay humahantong sa Kanyang banal na mga templo na itinatayo sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakadakilang pangyayari sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ginawang posible ni Jesucristo na maisakatuparan ang plano ng Ama. Wala tayong magagawa kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Tulad ng ipinahayag ng ating propeta, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo “ang pinakatampok na kaganapan sa kasaysayan ng buong sangkatauhan.”

Nahikayat ako na ang pangunahing layunin natin sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ngayon ay dapat na pagbabalik-loob ng mga tao kay Cristo.

Ang Pokus ng Ating Pagtuturo

Ngayon, dahil paunti nang paunti ang mga taong nakauunawa sa dakilang misyon ng ating Panginoon at Tagapagligtas, ang tema tungkol kay Jesucristo ang kinakailangang mangibabaw sa ating pagtuturo.

Ang pangingibabaw ni Jesucristo sa ating kasalukuyang pagtuturo bilang missionary ay inspirado. Ang dumaraming bilang—lalo na ng mga kabataan at young adult—ay kinakailangang mabawi mula sa pagtangging may Diyos o isang Tagapagligtas o sa pagsasabing si Jesucristo ay mortal lamang—isang dakilang guro pero hindi ang Anak ng Diyos na may natatanging misyon na nakasaad sa mga banal na kasulatan at itinuro ng mga propeta.

Ang iba ay naniniwala na bagama’t marahil ay may Diyos, hindi Siya gumagawa ng mga kautusan na nangangailangan ng pananagutan, kaya walang kasalanan. Ang isang anyo nito ay malaya ang tao na magpatangay sa lahat ng simbuyo ng damdamin dahil ginawa sila ng Diyos nang gayon at samakatuwid ay hindi sila parurusahan sa kanilang mga pagpili. Tulad nito, itinuro ni Nephi na si Satanas ay may tatlong paraan sa pagsira sa mga anak ng Diyos, dalawa sa mga ito ay ang kasiyahan sa sarili (“mainam ang lahat sa Sion”) at pagwawalang-bahala sa mga kautusan (“walang impiyerno”).

Ang pinakaepektibong paraan para labanan ang alinman sa mga ideyang iyon ng anti-Cristo ay ang pagtuturo at pagpapatotoo na buhay at totoo si Jesucristo at ang pangangailangan sa Kanyang misyon. Katulad niyon, mahalaga rin ang pagtuturo ng plano ng kaligtasan. Ang plano ng kaligtasan ang pinakamainam na sagot sa marami sa mga tanong na bumabalisa sa mga kabataan at sa kanilang mga kaibigan na hindi Banal sa mga Huling Araw. Itinatampok ng plano ang ating doktrina ng Pagpapanumbalik na nakatuon sa pagiging karapat-dapat sa kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ipinapakita rin nito sa atin ang pagiging tapat sa pagmamahal sa mga taong hindi tapat sa doktrinang iyan.

Sa mortal na buhay na ito, dapat tayong magtuon sa pagiging karapat-dapat para sa pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal, kung saan tayo ay mapagmahal na gagabayan at palalakasin ni Jesucristo. Ang mga tipang inilaan sa plano ng kaligtasan ay nagbibigay-daan para matanggap natin ang Kanyang tumutubos na kapangyarihan. Kapag hinahangad nating makilala si Jesucristo at lumalapit sa Kanya sa pakikipagtipan na iyon, bibigyan Niya tayo ng lakas at patnubay na gumawa ng tamang mga pagpili, sapagkat Siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.