2025
Ang Propeta at ang Kanyang Tagapagligtas
Enero 2025


Ang Propeta at ang Kanyang Tagapagligtas

Kahit paano, ang kuwento ng Pagpapanumbalik ay ang kuwento ng higit na paglapit ni Joseph Smith kay Jesucristo.

Jesucristo

Every Knee Shall Bow [Bawat Tuhod ay Luluhod], ni Dan Wilson

Ang kuwento ng buhay ni Joseph Smith ay higit pa sa kuwento ng buhay ni Joseph Smith.

Kapag isinalaysay natin ang kuwento ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, kadalasa’y nagsisimula tayo sa pagsasalaysay ng kuwento ni Joseph Smith. At may katuturan iyan. Siya mismo ang nagkuwento tungkol sa kanyang kabataan sa ilang iba’t ibang pagkakataon para ipaunawa sa mga tao kung paano nagsimula ang Pagpapanumbalik. Pero kahit paano, ang kuwento ng buhay ni Joseph Smith ay ang kuwento ng kanyang higit na paglapit kay Jesucristo.

Isang Pangitain ng Pagpapatawad

Nalito ang binatilyong si Joseph Smith tungkol sa relihiyon. At may ibang damdaming naghikayat sa kanya na manalangin sa kakahuyang iyon kung saan niya natanggap ang kanyang Unang Pangitain: “Nagdalamhati ako dahil sa sarili kong mga kasalanan.”

Nang kausapin ng Tagapagligtas si Joseph, sinabi Niya, “Joseph, anak ko, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.”

Nalaman mismo ni Joseph na si Jesucristo ay buhay. Nalaman din niya na si Jesucristo ay maawain at nagpapatawad ng mga kasalanan. Ang personal na kaalamang ito ay mahalaga kay Joseph. “Kaligtasan ng aking kaluluwa ang pinakamahalaga sa akin [dahil] natitiyak ko ang mga bagay na walang hanggan,” minsa’y sinabi niya.

Ang kaalamang ito tungkol kay Jesucristo ay mahalaga rin sa gawaing ipinagawa kay Joseph bilang propeta. Nagbigay siya ng malakas na patotoo tungkol sa biyaya at awa ni Jesucristo sa buong buhay niya. Halimbawa, minsa’y itinuro niya, “Lahat ng puso ay dapat magsisi at maging dalisay, at mamahalin sila ng Diyos at pagpapalain sa paraang hindi sila mapagpapala sa anupamang ibang paraan.”

Mga Pagkakamali at Awa

Ang gawaing ipinagawa kay Joseph Smith ay napakahalaga. At natutuhan ni Joseph na seryosohin ang mga utos at payo ng Panginoon, dahil na rin sa mga pagkakamali niya.

Halimbawa, nang mawala ang mga pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, inalis ng Panginoon ang kaloob na pagsasalin kay Joseph at kalaunan ay sinabi sa kanya: “Kaydalas mong nilabag ang mga kautusan at ang mga batas ng Diyos. … Hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos” (Doktrina at mga Tipan 3:6–7).

Pero may mensahe rin ang Panginoon para kay Joseph: “Tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi” (Doktrina at mga Tipan 3:10).

Nagsisi nga si Joseph at muling binigyan ng kaloob na pagsasalin. Maaaring masakit para sa kanya ang buong karanasan, pero natuto siya ng mahahalagang aral—kabilang na ang maaari tayong magsisi at mapagpala dahil ang Panginoon ay maawain.

Tagapagligtas at Kaibigan

Si Joseph Smith ay nagkaroon ng maraming pangitain, pagdalaw, at paghahayag kung saan nakita o narinig niya ang Panginoong Jesucristo o nalaman ang Kanyang likas na katangian, pagkatao, at misyon (tingnan, halimbawa, sa Doktrina at mga Tipan 19; 76; 93; 110).

Ang isang katotohanang nalaman niya ay na ang gawaing pagtubos ng Tagapagligtas ay para sa lahat ng taong nabuhay sa mundong ito—at sa lahat ng mundong tinitirhan ng mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:24).

Kasabay ng pagkaalam niya kung gaano kalawak ang gawain ng Tagapagligtas, nalaman din ni Joseph na kilala at mahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat isa sa atin. Nais Nilang magkaroon ng mas malapit na relasyon sa bawat isa sa atin. Nais Nila tayong gumawa ng mga tipan, tumupad sa mga ito, at tapat na magtiis hanggang wakas. Ang lumalalim na relasyong ito ay maghahatid sa atin ng kagalakan at tiwala.

Lumalim nang husto ang sariling relasyon ni Joseph sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kaya sa isa sa mga pinakamalungkot na sandali sa kanyang buhay, habang nakakulong sa Liberty Jail, nasabi niya:

“Sisikapin kong maging kuntento sa aking kapalaran, dahil nalalaman ko na ang Diyos ay kaibigan ko. Sa kanya makakasumpong ako ng kaginhawahan. Nasa mga kamay na niya ang aking buhay. Handa akong lumisan kapag ako ay kanyang tinawag. Hangad kong makapiling si Cristo.”

Habang pinag-aaralan mo ang buhay at mga turo ni Joseph Smith, maaari mong tularan ang kanyang halimbawa. Magsisi, gumawa at tumupad ng mga tipan, at magpatuloy nang tapat. Sa gayo’y malalaman mo rin na ang Tagapagligtas ay iyong Kaibigan.