2023
Ang mga Tryout
Nobyembre 2023


“Ang mga Tryout,” Kaibigan, Nob. 2023, 30–31.

Ang mga Tryout

Alam ni Jared na nasa panig niya si Jesucristo.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa France.

alt text

Pinatalbug-talbog ni Jared ang bola sa court. Nagtakbuhan ang mga manlalaro sa paligid niya, na lumalangitngit ang kanilang mga sapatos sa sahig.

“Dito!” hiyaw ni Gabriel.

Ipinasa ni Jared ang bola kay Gabriel at patuloy na tumakbo. Pagkatapos ay ibinalik sa kanya ni Gabriel ang bola. Inihagis ni Jared ang bola sa hoop.

SWOOSH!

Pasok iyon!

“Magaling, Jared,” sabi ng coach niya pagkatapos ng laro. “Alam mo, dalawang linggo na lang at may mga tryout na para sa regional team.”

Ngumisi si Jared. Iilang manlalaro lang ang inimbitahang mag-try para sa team na iyon.

“Sa Linggo na ang mga tryout,” sabi ng coach. “Palagay mo ba makakapunta ka?”

Nawala ang pananabik ni Jared na simbilis ng pagdating nito.

“Sa Linggo po?” tanong ni Jared.

“Oo. Problema ba iyan?”

Pinag-isipan iyon ni Jared. Ito na ang pagkakataon niyang maglaro sa isa talagang magandang team! Pero nagsisimba siya at nakatuon sa Tagapagligtas tuwing Linggo.

“Espesyal po ang mga linggo para sa akin,” sabi ni Jared. “Pero kakausapin ko po ang mga magulang ko tungkol doon.”

Nang gabing iyon, naupo si Jared sa kama niya kasama ang mga magulang niya. Inihagis niya ang kanyang basketball sa ere habang nag-iisip siya. “Gusto ko po talagang mag-try out para sa team,” sabi niya kina Inay at Itay. “Pero ayaw kong gawin iyon sa araw ng Linggo. Alam kong mas mahalaga ang Diyos kaysa sa basketball.”

“Ano ang maitutulong namin? tanong ni Inay.

Pinaikot ni Jared ang bola sa mga kamay niya. “Puwede po ba tayong sama-samang magdasal?”

Itinabi niya ang kanyang basketball at lumuhod kasama sina Inay at Itay. “Mahal na Ama sa Langit,” sabi niya, “talagang, talagang gusto ko pong mag-try out para sa basketball team na ito. Pero Linggo po ang mga tryout! Alam ko pong Linggo ang araw na inilalaan ko sa Inyo. Ano po ang magagawa ko?”

Pagkatapos ng panalangin, napanatag ang damdamin ni Jared.

“Ano ang pakiramdam mo?” tanong ni Inay.

“Hindi po ako pupunta kung Linggo ang mga tryout,” sabi niya. “Pero pakiramdam ko po ay magiging OK ang lahat.”

alt text

Makalipas ang dalawang araw, nakatanggap ng email ang nanay ni Jared. Sinabi roon na Sabado na ngayon ang mga tryout!

Puwede nang mag-try out si Jared at mapanatiling banal ang araw ng sabbath! Alam niya na narinig ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin.

Sa sumunod na dalawang linggo, nagpraktis ng basketball si Jared sa abot-kaya niya. Nang dumating ang araw, ginawa ni Jared ang lahat ng kaya niya. Mabilis siyang tumakbo sa pagitan ng mga laro, maraming beses na naipasok ang bola sa goal, at pumalakpak para sa kanyang mga teammate.

“Magpapatuloy sa mga tryout ang sumusunod na mga manlalaro para sa team,” sabi ng coach pagkatapos ng unang round. “Pakinggan lang kung matatawag ang pangalan ninyo.”

Malakas ang kabog ng puso ni Jared. Tumawag ng isang pangalan ang coach. Na sinundan ng isa pa. At ng isa pa. Nadama ni Jared na unti-unting naglalaho ang pag-asa niyang makasama sa team.

Hindi nagtagal ay natapos ng coach ang listahan. Hindi niya tinawag ang pangalan ni Jared. Hindi tutuloy si Jared sa mga susunod na tryout.

Naupo si Jared sa bangko sa labas ng gym at tumitig sa kanyang sapatos. Nagsikap siya nang husto. Pero pakiramdam niya ay walang-saysay ang lahat ng pagsisikap niya.

Nang sunduin siya ni Inay, umiling si Jared. “Hindi po ako nakasama sa team.”

Mahigpit siyang niyakap ni Inay. “Nalulungkot ako na hindi nasunod ang gusto natin,” sabi nito.

Huminga nang malalim si Jared. Pagkatapos, may pumasok na nakaaaliw na ideya sa kanyang isipan.

“Hindi palaging mangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa gusto ko,” sabi niya. “Pero alam ni Jesucristo kung ano talaga ang nadarama ko. Nasa panig ko siya.”

Ngumiti si Inay. “Tama ka! Alam Niya ang nadarama mo.”

Gumanti ng ngiti si Jared. Malungkot pa rin siya, pero gumanda ang pakiramdam niya batid na naunawaan ng Tagapagligtas ang nadama niya. Alam ni Jared na lagi siyang mamahalin at susuportahan ni Jesus.

alt text
alt text here

Mga larawang-guhit ni Britain Morris