2023
Isang Taong Nakauunawa
Nobyembre 2023


“Isang Taong Nakauunawa,” Kaibigan, Nob. 2023, 26–27.

Isang Taong Nakauunawa

Hindi naunawaan ng mga kaibigan ni Blair kung ano ang pakiramdam ng magkaroon ng Crohn’s disease.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

alt text

“Hindi ako makakarating ngayon,” sabi ni Blair. Nag-init ang mukha niya sa kahihiyan.

Tinitigan siya ng kanyang mga kaibigan. “Pero sabi mo darating ka!” sabi ni Sammy.

“Alam ko.” Tumitig si Blair sa kanyang mga paa. “Hindi gaanong maganda ang pakiramdam ko. Sorry.”

“Iyan din ang sabi mo noong una,” sabi ni Jessica.

Hindi alam ni Blair kung ano ang sasabihin. Nais niyang makapunta sa bahay ni Sammy. Pero talagang masakit ang tiyan niya ngayon. Kailangan niyang umuwi at magpahinga.

May Crohn’s disease si Blair. Sumakit ang tiyan niya dahil dito, at talagang masakit iyon. Kadalasa’y kaunti lang ang sakit ng tiyan niya. Pero may mga araw na mas malala iyon kaysa sa iba. Isa sa mga araw na iyon ang araw na ito. Kung maaari lang niyang piliin kung aling mga araw ito mas masakit. Parang sumasakit nang husto ang tiyan niya tuwing gusto niyang gumawa ng isang bagay na masaya.

“Punta na lang tayo,” sabi ni Sammy kay Jessica.

Nang makauwi si Blair, ininom niya ang kanyang gamot. Pagkatapos ay sinubukan niyang matulog. Pero napakasakit ng tiyan niya.

alt text

Pinuntahan siya nina Inay at Itay para tingnan siya. Naupo si Itay sa kama niya. “Ano ang pakiramdam mo?”

“OK. Nakatulong po nang kaunti ang gamot,” sabi ni Blair.

“Sorry at hindi ka makapunta sa bahay ni Sammy,” sabi ni Inay.

Naramdaman ni Blair ang mga luha sa kanyang mga mata. “Bakit po ganoon!” Hindi nauunawaan ng mga kaibigan ko ang pakiramdam na ito.” Ibinato ni Blair ang isang unan sa dingding. “Gusto ko lang pong gumaling.”

Niyakap ni Itay si Blair. “Alam ko. Gusto mo ba ng priesthood blessing?

Tumango si Blair. Karaniwa’y nakakatulong sa kanya ang mga blessing para mas mapayapa siya.

alt text

Ipinatong ni Itay ang kanyang mga kamay sa ulo ni Blair at binasbasan siya para magpahinga at maginhawahan. Maganda ang blessing na iyon. Nakatulong iyon para maalala niya na mahal siya ng Ama sa Langit. Pero nalulungkot pa rin siya tungkol sa mga kaibigan niya.

Pagkatapos ng blessing, hinagkan nina Inay at Itay si Blair. Umalis na sila para makatulog siya.

Humigang muli si Blair at pumikit. Nakatulong ang blessing, pero nasasaktan pa rin siya.

Lumuhod siya sa tabi ng kama niya para manalangin. Noong una parang kapareho iyon ng karamihan sa kanyang mga panalangin. Sinabi niya sa Ama sa Langit kung ano ang pinasasalamatan niya at hiniling na gumanda ang pakiramdam niya. Pero sa pagkakataong ito nagpatuloy siya.

alt text

“Ama sa Langit, talagang nalulungkot po ako. Nangungulila po ako sa mga kaibigan ko,” sabi niya. “Nag-iisa po ako. Walang nakakaunawa kung gaano ako nasasaktan araw-araw. Gusto ko na pong gumanda ang pakiramdam tulad noong bago ako nagkasakit.”

Habang tumatagal ang pagdarasal ni Blair, lalo niyang nadarama na nakikinig ang Ama sa Langit sa kanyang panalangin. Hindi niya Siya marinig o makita, pero nadama niya ang Kanyang pagmamahal. Alam niya na nagmamalasakit Siya sa sasabihin niya. Ayaw ni Blair na matapos ang pakiramdam.

Nagdasal si Blair hanggang sa masabi niya sa Ama sa Langit ang lahat ng nadama niya. Pagkatapos ay may naisip siya. Maaaring hindi alam ng mga kaibigan ni Blair ang pakiramdam ng magkaroon ng Crohn’s disease, pero alam iyon ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Alam Nila kung gaano siya nasasaktan at kung gaano siya kalungkot. Lagi Silang nariyan para sa kanya.

Pakiramdam ni Blair ay may yumakap sa kanya nang napakahigpit. Pagkatapos niyang manalangin, hinanap niya ang kanyang mga magulang para sabihin sa kanila ang nangyari.

“Binangungot ka ba?” tanong ni Inay.

Ngumiti si Blair. “Hindi po. Matagal po akong nagdasal!”

Mukhang nagulat si Inay. “Nagpaalam na kami kanina. Nagdarasal ka ba paglabas namin?”

Ganoon ba talaga katagal? Tumango si Blair. “Parang may yumakap sa akin nang mahigpit. Alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang nadarama ko. Dahil sa Kanila, hindi ko kailangang madama na nag-iisa ako!”

alt text here

Mga larawang-guhit ni Tammie Lyon