2023
Higit pa sa Magandang Araw ng Praktis
Nobyembre 2023


“Higit pa sa Magandang Araw ng Praktis,” Kaibigan, Nob. 2023, 14–15.

Higit pa sa Magandang Araw ng Praktis

Hindi maganda ang mood ng babae. Makakatulong kaya si Ismael?

Ang kuwentong ito ay naganap sa Bolivia.

alt text

Ngumiti si Ismael paglabas niya para masikatan ng araw. Pupunta sila ni Papá sa parke. Habang naglalakad sila, nakahawak si Ismael sa kamay si Papá at dala ang kanyang football. Gusto ni Ismael na makasama si Papá—lalo na kapag naglaro sila ng football!

Pagdating nila sa parke, lumingon-lingon si Ismael. Isang babae ang nagbubunot ng damo malapit sa football field. Isang pamilya ang naglalakad sa bangketa. Pero walang naglalaro sa football field. Malaki ang espasyong mapagpapraktisan nina Ismael at Papá!

“Handa ka na bang maglaro?” tanong ni Papá.

“Opo!” Tumakbo nang napakabilis si Ismael papunta sa field. Gumawa siya ng mga zigzag drill, penalty kick, at corner shot.

Sinipa nang malakas ni Papá ang bola. Lumipad ito sa ibabaw ng ulo ni Ismael!

“Ako na po ang kukuha,” sabi ni Ismael. Tumakbo siya papunta sa sulok ng field at dinampot ang bola. Nakita niya ang babae na naghuhukay pa rin sa lupa. Mukhang pagod na siya.

“Ako na ang goalie ngayon,” sigaw ni Papá. “Tingnan mo kung makaka-score ka!”

Tumakbo si Ismael pabalik at sinipa ang bola papunta sa goal. Umabot si Papá para pigilan ito pero lumampas ito.

“Goaaaal!” Tuwang-tuwa si Ismael nang tumama ang bola sa net.

Hindi nagtagal isang buong oras na ang lumipas. “Oras na para umuwi,” sabi ni Papá.

Nilingon ni Ismael ang babaeng nagbubunot ng damo. Ang pagtatrabaho sa ilalim ng sikat ng araw ay hindi kasingsaya ng paglalaro ng football, naisip niya. Gusto niyang pasayahin ang babae. Pagkatapos ay may naisip siya.

“Papá, hindi ba’t ang sipag po ng babaeng iyon?” tanong niya.

“Ano?” Nilingon ni Papá ang babae. “Ah, oo.”

“Palagay ko po dapat nating sabihin sa kanya!” sabi ni Ismael.

“Kailangan na nating magmadaling umuwi. Naghihintay si Mamá sa atin,” sabi ni Papá.

Minasdan ni Ismael ang babae na nagpunas ng noo. Lumakas ang pakiramdam niyang kausapin ito. “Pakiramdam ko po talaga dapat natin siyang sabihan,” sabi niya. Hinawakan niya sa kamay si Papá at nilapitan nila ito.

alt text

“Magandang umaga po,” sabi ni Ismael habang kumakaway.

Hindi tumingala ang babae. “Ano ang kailangan mo?”

Masasabi ni Ismael na hindi masaya ang babae. Pero hindi iyon nakapigil sa kanya. “Gusto ko pong sabihin sa inyo na ang galing ninyong magtrabaho!”

Sa pagkakataong ito ay tiningala siya ng babae.

Ngumiti si Ismael. “Salamat po sa pag-aalaga ninyo sa parke!”

Gumanti ng ngiti ang babae. “Salamat,” sabi nito. Pagkatapos ay lalong lumaki ang ngiti nito. “Maraming, maraming salamat.”

Masaya si Ismael habang naglalakad sila ni Papá pauwi.

“Palagay ko mahalaga sa kanya ang sinabi mo,” sabi ni Papá. “Natutuwa ako’t nakinig ka sa nadama mo.”

“Ako rin po.” Nag-isip sandali si Ismael. Pagkatapos ay itinanong niya, “Palagay n’yo po ba, ang Espiritu Santo iyon?”

Tumango si Papá. “Kung minsa’y binibigyan tayo ng ideya ng Espiritu Santo na tulungan ang isang tao. At iyan mismo ang ginawa mo.”

Napangisi si Ismael. Maliit na bagay lang ang pagkausap sa babae, pero napaganda niya ang araw nito. Napaganda rin ng pakikinig sa Espiritu Santo ang araw niya!

alt text here

Mga larawang-guhit ni Jennifer Bricking