“Pagtulong sa Bunsong Kapatid,” Kaibigan, Nob. 2023, 16–17.
Pagtulong sa Bunsong Kapatid
Wala nang oras ang sinuman ngayon para kay Lashia.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa South Africa.
Nagkaroon ng bagong panganak na bunsong kapatid si Lashia. Ang pangalan niya ay Liam. Maitim na buhok nito at maliliit ang mga kamay at paa. Napakaguwapo niya!
Pero kung minsa’y mahirap ang may bagong silang na sanggol sa pamilya. Palaging abala sina Inay at Itay ngayon. At laging umiiyak si Liam.
“Inay, puwede mo po ba akong basahan ng isang kuwento?” tanong ni Lashia.
“Kailangan kong paliguan si Liam sa bathtub,” sabi ni Inay. “Siguro puwede kayong magbasa ni Ariana ng kuwento.”
Umupo si Lashia sa sahig kasama ang kanyang nakababatang kapatid na babae. Binuklat -buklat nila ang mga pahina ng isang aklat. Pero hindi pareho iyon kung wala si Inay.
“Itay, puwede ba tayong maglaro?” tanong ni Lashia.
“Kailangan kong tulungan si Inay sa baby bago ako pumasok sa trabaho,” sabi ni Itay.
Sumimangot si Lashia. Wala nang oras sina Inay at Itay ngayon para sa kanya! Palagi nilang tinutulungan si Liam.
Hindi nagtagal ay pumasok na si Itay sa trabaho. Ibinaba ni Inay si Liam para umidlip. Naupo siya sa tabi nina Lashia at Ariana sa sopa. Mukhang pagod na siya.
“Masyado kaming abala kay Liam,” sabi ni Inay. “Medyo nalulungkot na ba kayo?”
Tumango si Lashia. Pakiramdam niya ay gusto niyang umiyak.
Niyakap ni Inay sina Lashia at Ariana. “Kailangan ni Liam ng maraming tulong ngayon dahil napakaliit pa niya. Wala pa siyang magagawang mag-isa, hindi tulad ninyo.”
“Alam ko po,” sabi ni Lashia.
“Pero kung gusto mo, matutulungan mo akong alagaan si Liam.” Ngumiti si Inay.
“Talaga po?” tanong ni Lashia. Gusto niya ang ideyang iyon.
“Ako rin po,” sabi ni Mariana.
“Ikaw rin,” sabi ni Inay.
Maya-maya lang ay umiyak si Liam. Nang palitan ni Inay ang kanyang lampin, dinala ni Lashia sa kanya ang wipes.
“Salamat,” sabi ni Inay.
Kinabukasan, nang mapaliguan na si Liam, pumili sina Lashia at Ariana ng malinis na damit na isusuot niya. May cute na maliliit na hayop na nakadrowing doon! Dinala nila iyon kay Inay para mabihisan niya si Liam.
“Salamat,” sabi ni Inay.
Nag-isip sina Lashia at Ariana ng iba pang mga paraan para makatulong. Nagligpit sila ng kanilang higaan tuwing umaga nang hindi sinasabihan. Kung minsa’y inililigpit din nila ang higaan nina Inay at Itay! At nang oras na para maghapunan, tinulungan nila si Itay sa kusina.
“Salamat,” sabi nina Inay at Itay.
Nang umiyak si Liam, sinubukan ni Lashia na pagandahin ang pakiramdam nito. Binuhat niya ito at kinausap sa mahinang boses. Hindi pa makakapagsabi ng salamat si Liam. Pero isang araw ay ang laki ng ngiti nito kay Lashia!
Gumanti ng ngiti si Lashia. Natuwa siya na matutulungan niya ang kanyang bunsong kapatid pati na rin ang kanyang ama’t ina!
Mga larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney