Napakaingay!
Napakaingay ng lahat. Saan makakahanap ng kapayapaan si Luke?
Dumaing si Luke. Napakaingay ng lahat. Nagtatalo na naman ang mga kuya niyang sina Tadd at John. Kahit mula sa pasilyo, dinig niya ang sigawan nila sa pintuan ng kuwarto nila. At napakalakas na namang magpatugtog ng kapatid niyang si Lizzie. Boom. Boom. Boom. Lagi niyang naririnig ang paulit-ulit na dagundong ng mabababang nota.
Sinubukang patigilin ni Luke ang mga kapatid niyang lalaki. “Lumayo ka nga,” sabi sa kanya ni Tadd. Pagkatapos ay hiniling ni Luke kay Lizzie na hinaan ang pagpapatugtog niya. Lalo pa nitong nilakasan ang pagpapatugtog.
Gustong lumabas ni Luke kung saan maaari siyang makapag-isip-isip. Pero umuulan noon.
Pero may isang tahimik na lugar na mapupuntahan si Luke. Kahapon, binigyan siya ng sariling kuwarto ng kanyang mga magulang—isang kuwarto na hindi niya kasama sina Tadd at John. Nasa basement iyon. Sapat lang ang laki niyon para sa kama at mesa. Pero maaaring isara ni Luke ang pinto ng kuwarto niya at matakasan ang ingay.
Bumaba si Luke papunta sa bago niyang kuwarto. Tumingin siya sa paligid sa mga kahong ibinaba niya kanina. Nakita niya ang isang larawan ni Jesus na nakausli sa isang kahon. Natanggap ni Luke ang larawang iyon noong araw na bininyagan siya. Lagi siyang napapayapa kapag tinitingnan niya iyon.
Inilabas ni Luke ang larawan mula sa kahon. Ipinatong niya iyon sa mesa. Pagkatapos ay lumuhod siya para manalangin. “Ama sa Langit,” sabi ni Luke, “kung minsan po’y napakaingay dito. Tulungan po Ninyo akong makahanap ng kaunting kapayapaan.”
Humiga si Luke sa kama niya. Nag-isip siya tungkol kay Jesus. Natutuhan niya sa Primary na maaaring maging malapit palagi si Jesus sa kanya. At laging makapaghahatid ng kapayapaan ang Espiritu Santo.
Hindi magtatagal at makakauwi na sina Inay at Itay mula sa trabaho. Kakausapin nila sina Tadd at John. Titigil ang pag-aaway. Sandali. Kakausapin nila si Lizzie. Hihinaan ni Lizzie ang pagpapatugtog niya. Sandali. Hanggang sa muling pag-alis nina Inay at Itay.
Pero sa ngayon, nakahiga si Luke sa kama. Tiningnan niya ang larawan ni Jesus. “Ama sa Langit,” bulong ni Luke. “Tulungan po Ninyo akong makadama ng kapayapaan anuman ang nangyayari sa buong bahay.”
Kalaunan, may kumatok sa pinto ng kuwarto niya. “Puwede ba akong pumasok?” tanong ni Inay. “Kumusta ka na?”
“Nag-aaway ulit sina Tadd at John,” sabi ni Luke. “At nagpapatugtog nang malakas si Lizzie.”
“Alam ko. Ang hirap, hindi ba?” sabi ni Inay. “Kausap ngayon ni Itay sina kuya. At kakausapin ko si Lizzie mamayang gabi. Pero gusto muna kitang kumustahin.”
“OK lang po ako. Masaya po ako na may kuwarto ako rito,” sabi ni Luke.
“Ako rin,” sabi ni Inay. “Naglagay ka pala ng larawan ni Jesus sa mesa.”
Ngumiti si Luke. “Opo. At tutulungan Niya akong gawing payapa ang kuwarto ko.”