2023
Paano Naging Matapang si Siedah
Enero 2023


Paano Naging Matapang si Siedah

Takot na takot si Siedah na kausapin ang mga kaklase niya.

Girl standing at the front of a classroom

Huminga nang malalim si Siedah at pumasok sa bago niyang silid-aralan. Iyon ang unang araw niya sa ikaapat na baitang o grado.

Noong nakaraang taon, nasa ikalawang baitang si Siedah. Napakagaling niya kaya pinalaktawan sa kanya ng kanyang paaralan ang ikatlong baitang. Sabik na si Siedah na lumutas ng mas mahihirap na math problem at magbasa ng iba pang mga aklat sa ikaapat na baitang. Pero hindi siya masaya na iwanan ang dati niyang mga kaibigan.

Nang tingnan niya ang paligid ng silid, nanliit si Siedah. Lahat ng bago niyang kaklase ay mukhang mas matanda at mas matangkad kaysa sa kanya. Paano kung wala siyang maging kaibigan doon?

Pumili siya ng desk at umupo. Umupo sa tabi niya ang isang matangkad na batang babae. “Hi,” sabi ni Siedah.

“Ano ang ginagawa mo rito?” tanong ng bata. “Akala ko dapat ay nasa ikatlong baitang ka.”

“Pinalaktaw ako ng isang baitang ng paaralan,” kinakabahang sabi ni Siedah.

Sumama ang mukha ng bata. “Wala akong pakialam kung gaano ka katalino. Bata ka pa rin.”

Sumama ang pakiramdam ni Siedah. Sa buong linggo, takot na takot siyang kausapin ang sinuman sa mga kaklase niya. Sa tuwing may naririnig siyang tumatawa o bumubulong, sumisimangot siya. Malamang na masasamang bagay ang sinasabi nila tungkol sa kanya.

Nang maisip niya na talagang malala na ang sitwasyon, ibinalik kay Siedah ang isang math test. Gusto niyang umiyak nang makita niya ang iskor niya. Math ang paborito niyang subject. Hindi pa siya nakakuha ng ganito kababang score sa test kahit kailan.

Pagdating niya sa bahay, hindi na napigilan ni Siedah na umiyak. “Wala akong mga kaibigan,” sabi niya sa kanyang mga magulang. “Hindi ako nababagay sa ikaapat na baitang. “Hindi sapat ang talino ko.”

“Nalulungkot ako dahil hirap na hirap ka,” sabi ng nanay ni Siedah. “Pero ikaw ay matalino. At natututo ka pa lang.”

Nagpahid ng mga mata si Siedah. “Sana’y doon na lang ako sa ikatlong baitang.”

Tumahimik sandali si Itay. “Gusto mo ba ng priesthood blessing?” tanong nito.

Tumango si Siedah. Siguro mapapagaan ng basbas ni Itay ang pakiramdam niya.

Umupo si Siedah sa isang silya, at ipinatong ni Itay ang kanyang mga kamay sa ulo niya.

“Binabasbasan kita na hindi ka matatakot,” sabi ni Itay. “At binabasbasan kita na mahalin mo ang mga bago mong kaklase. Kapag nakilala ka nila, mamahalin ka rin nila.”

Father giving daughter a priesthood blessing

Kumalma ang pakiramdam ni Siedah. Nadama niya na ang mga salita ng tatay niya ang nais ng Ama sa Langit na marinig niya.

Pagkatapos ng basbas, tinulungan ni Mama si Siedah na sagutan ang mga math problem niya. Hindi nagtagal medyo gumanda ang pakiramdam ni Siedah.

Kinabukasan sa paaralan, naalala ni Siedah ang kanyang basbas at sinikap niyang maging matapang. Nginitian niya ang mga kaklase niya. Nang magpakita siya ng pagmamahal, hindi na siya gaanong natakot sa kanila! Talagang mababait pa nga ang ilan sa kanila. Nagsikap siyang matuto, at hindi nagtagal ay tumaas din ang mga marka niya.

Sa pagtatapos ng school year, marami nang kaibigan si Siedah. Natuwa siya na tinulungan siya ng Ama sa Langit na maging matapang. At nagpasalamat siya na maaari siyang mabasbasan palagi ng kapangyarihan ng priesthood para tulungan siya.

Mga larawang-guhit ni Susan Keeter