Pag-alaala kay Lola
Bakit hindi naging mas mapagpasensya si Mari kay Lola?
Sumimangot si Mari. Paulit-ulit ang ikinukuwento ni Lola. Na naman.
Nakitira si Lola sa pamilya ni Mari ilang buwan na ang nakararaan. Mahal siya ni Mari, pero kung minsa’y nakakapagod kasama si Lola. Paulit-ulit lang ang mga kuwento niya. Kung minsan magsisimula siya ulit bago pa man niya matapos ang kuwento.
Napabuntong-hininga si Mari. “Lola,” sabi niya, “ikinuwento n’yo na sa akin iyan.”
Tumango si Lola. “Ganun ba?”
“Opo,” sabi ni Mari. “Ikinuwento n’yo iyan kani-kanina lang.”
“Hindi ko maalala,” sabi ni Lola. Mukhang nalungkot siya at nalito. Pagkatapos ay tumayo siya at bumalik sa kuwarto niya.
Nalungkot si Mari na naging balisa si Lola dahil sa kanya. Mula nang mamatay si Lolo, mas lalong naging malilimutin si Lola. Minsa’y naiwan pa niyang nakasindi ang kalan, at pinagmulan iyon ng sunog sa kanyang kusina. Noon na isinama nina Inay at Itay si Lola para tumira sa bahay nila.
Natagpuan ni Mari si Itay sa kusina. “Mahal ko talaga si Lola, pero pagod na akong makinig sa paulit-ulit na mga kuwento. Bakit hindi niya maalala na mga limampung milyong beses na niyang naikuwento sa akin iyon?”
Ngumiti si Itay. “Pupusta ako na hindi iyon limampung milyong beses. Pero alam kong mahirap. May sakit ang lola mo sa kanyang utak kaya nalilimutan niya ang mga bagay-bagay. Ang mga kuwento niya ang kanyang paraan para maalala niya kung sino siya.”
Napayuko si Mari. Bakit hindi siya naging mas mapagpasensya kay Lola? Palagi siyang pinakikitunguhan ni Lola nang may pagmamahal. Ang tawag nito sa kanya ay “Mari ko.” Inisip ni Mari noong tinutulungan niya dati si Lola na magtanim ng mga bulaklak at bunutan ng damo ang hardin.
Kumatok si Mari sa pinto ni Lola.
“Pasok,” sabi ni Lola.
Binuksan ni Mari ang pinto. Nakaupo si Lola sa isang silya habang nakapatong ang nakabukas na mga banal na kasulatan sa kanyang kandungan.
“Lola, puwede po ba ninyong ikuwento sa akin kung paano kayo sumapi ni Lolo sa Simbahan?” pakiusap ni Mari.
Tumingala si Lola. “Gusto mong marinig ang tungkol sa amin ni Lolo?” tanong niya sa tinig na puno ng pag-asa.
Naupo si Mari sa tabi ni Lola. “Opo. Gusto kong marinig ang lahat.” Inabot ni Mari ang kamay ng lola niya. “Napakaespesyal po ninyo sa akin, Lola. Palagi kayong magiging espesyal.”
Ngumiti si Lola, bumalik sa kanyang upuan, at nagsimulang magkuwento.
Maraming beses nang narinig ni Mari ang kuwento, pero sa pagkakataong ito, hindi siya nainis o nainip. Sa halip, nakadama siya ng pagmamahal at pagkamangha. Alam niyang nagsakripisyo nang husto sina Lola at Lolo nang sumapi sila sa Simbahan sa Germany. Lumipat sa malayo ang kanyang mga lolo’t lola mula sa kanilang tahanan para mapalapit ang bahay nila sa iba pang mga miyembro ng Simbahan.
Natapos ni Lola ang kuwento at ngumiti. “Mabuti kang bata, Mari ko.”
Niyakap ni Mari ang lola niya. “Salamat po, Lola. Mahal ko kayo.”