Kumakatawan kay Jesus
Kinakabahan si David na magpasa ng sakramento sa unang pagkakataon.
Naupo si David sa upuan sa harapan ng chapel at inalug-alog ang kanyang binti. Kinakabahan siya. Katatapos pa lang niya sa Primary at naging isang deacon. Ipapakita ng nakatatandang mga binatilyo kay David at sa iba pang 11-taong-gulang na mga batang lalaki kung paano magpasa ng sakramento.
Dahil sa autism ni David, kung minsa’y nahihirapan siyang matuto ng mga bagong bagay. Naging mahirap para sa kanya na lisanin ang Primary. At ngayo’y parang masyadong nakakatakot magpasa ng sakramento. Paano kung magkamali siya at pagtawanan siya ng lahat?
Tinabihan ni Jacob, isa sa nakatatandang mga bata, si David sa upuan. “Masaya kaming makasama ka ngayon,” sabi ni Jacob. Nakipag-high five siya kay David. “Kaya mo ‘yan.”
Ngumiti si David. Gumaan ang pakiramdam niya dahil doon.
Ipinakita ng iba pang mga kabataang lalaki sa mga 11-taong-gulang kung ano ang gagawin. Ipinakita nila kung saan pupunta at aling mga hanay ang papasahan. Nagpraktis silang maglakad sa pagitan ng mga upuan sa chapel. Ipinakita nila sa mga bata kung paano hawakan ang mga sacrament tray.
“Inay, tingnan n’yo!” sabi ni David pag-uwi niya. Itinaas niya ang braso niya. “Ganito ang paghawak ko sa tray. Maingat, ganito. Dahil kinakatawan ko si Jesus, at gusto kong magpakita ng paggalang.”
Nagpraktis ang mga binatilyo kasama si David at ang iba pang mga batang lalaki pagkatapos ng samba tuwing Linggo at sa mga aktibidad sa gabi sa karaniwang araw. Naglakad sila kung saan sila dapat pumunta. Nagpraktis si David sa paghawak ng tray.
Hindi nagtagal, dumating ang araw na magpapasa na siya ng sakramento sa unang pagkakataon.
“Ano ang pakiramdam mo tungkol diyan?” tanong ni Itay.
“Kinakabahan pa rin po ako,” sabi ni David.
“Pag-usapan natin ang nagawa mo para makapaghanda,” sabi ni Itay.
“Nabasa na po natin ang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa priesthood bilang isang pamilya,” sabi ni David. “Ang ibig sabihin ng pagtataglay ng priesthood ay kinakatawan ko si Jesus. Naggupit ako ng mga kuko para magmukhang malinis ang mga kamay ko. At nagpraktis ako nang husto!”
“Palagay ko’y handang-handa ka na,” sabi ni Itay.
Pagdating niya sa simbahan, naupo si David sa upuan sa harapan kasama ng iba pang mga deacon. Tinabihan siya ni Jacob. Inisip ni David kung paano niya kakatawanin si Jesus kapag nagpasa siya ng sakramento. Paano kung magkamali siya? Sumulyap siya kay Jacob, at ngumiti si Jacob sa kanya. Ngumiti rin si David at huminga nang malalim.
Noong oras na para ipasa ang sakramento, tinulungan ni Jacob si David na ipasa ang tray sa unang ilang hanay. Natuwa si David na may kasama siya.
Tumingin si David sa mga tao habang ipinapasa niya ang sakramento. Marami sa kanila ang nakaupo habang mapitagang nakayuko. Mukhang nag-iisip ang ilan. Nakadama ng kapayapaan si David. Kinakatawan niya si Jesus. Nagpapasalamat siyang matulungan ang iba na isipin si Jesucristo.