2023
“Magdasal Ka, Helamán”
Enero 2023


”Magdasal Ka, Helamán”

Miguel and his friends blessing their food at school.

Iyon ang unang araw ni Helamán sa paaralan. Suot niya ang paborito niyang polo, at may bagong lapis siya. Pinaupo siya ng bago niyang guro sa isang mesa kasama ang mga kaibigan niyang sina Sylvester, Jorge, at Miguel. Maganda ang araw na ito.

“Iligpit na ninyo ang mga gamit ninyo,” sabi ni Señora Martínez. “Tanghalian na.”

Palaging nagdarasal ang pamilya ni Helamán bago kumain. Nagtaas siya ng kamay. “Señora Martínez, magdarasal ba tayo bago tayo kumain?”

Ngumiti si Señora Martínez kay Helamán. “Maaari mong basbasan ang pagkain mo kung gusto mo.”

Binuksan ni Helamán at ng kanyang mga kaibigan ang mga baon nila.

“Ano ang dasal?” tanong ni Sylvester.

“Pakikipag-usap iyon sa Ama sa Langit,” sabi ni Helamán. “Iyon ang paraan ng pasasalamat natin sa Kanya para sa ating pagkain.”

“Maaari ka bang magdasal para sa ating lahat?” tanong ni Miguel.

Humalukipkip si Helamán. Humalukipkip din ang tatlong kaibigan niya. Pumikit si Helamán at yumuko. Gayon din ang ginawa ng mga kaibigan niya.

Pagkatapos ay nagdasal si Helamán, tulad ng ginagawa ng pamilya niya. Pinasalamatan niya ang Ama sa Langit para sa magandang araw nila at sa kanilang tanghalian. Hiniling niyang mabasbasan ang kanilang pagkain. Nagtapos siya sa pangalan ni Jesucristo at nagsabi ng, “Amen.”

Tumingala sina Sylvester, Jorge, at Miguel.

“Maaari rin kayong magsabi ng amen,” sabi ni Helamán.

Ngumiti ang kanyang mga kaibigan at nagsabi ng, “Amen.”

Kinabukasan sa tanghalian, sinabi ni Sylvester, “Magdasal ka, Helamán.”

“Oo nga, magdasal ka, Helamán,” sabi ni Miguel. Tumango si Jorge.

Kaya muling nagdasal si Helamán. Sa pagkakataong ito, labis labis siyang nagpasalamat na ginawan siya ng nanay niya ng ham at cheese sandwich, na paborito niya. Hiniling niya sa Ama sa Langit na tulungan silang matuto sa klase sa araw na iyon.

Bawat araw sa tanghalian, sinasabi ng mga kaibigan ni Helamán, “Magdasal ka, Helamán.” At bawat araw, nagdarasal si Helamán. Nagdasal sila ng mga kaibigan niya bawat araw sa loob ng isang linggo.

Pagsapit ng Lunes sa tanghalian, sinabi ni Miguel, “Ako naman ang magdarasal ngayon.”

Close up of two boys, Miguel and Helaman saying a prayer.

Nagulat si Helamán. Humalukipkip siya, pumikit, yumuko, at nakinig habang nagdarasal si Miguel.

Nagsimula si Miguel sa pagsasabi ng, “Mahal na Ama sa Langit.” Pinasalamatan niya Siya para sa kanilang pagkain at hiniling na basbasan Niya ito. Nagtapos siya sa pangalan ni Jesucristo at nagsabi ng, “Amen.”

“Amen!” sabi nina Helamán at Jorge.

“Amen,” sabi ni Sylvester. “Hindi ko alam na marunong kang magdasal.”

“Natuto ako sa pakikinig kay Helamán,” sabi ni Miguel. “Tinanong ko ang mga magulang ko kung puwede kong basbasan ang mga pagkain namin sa bahay. Pumayag sila, kaya nagdarasal ako na tulad ng ginagawa ni Helamán.”

“Wow,” sabi ni Sylvester. “Palagay ko’y tatanungin ko rin ang mga magulang ko kung puwede kong basbasan ang mga pagkain namin sa bahay.”

“Ako rin,” sabi ni Jorge.

Miguel smiling as he thinks about sitting with his family at dinner. Miguel is saying a prayer for their dinner.

Ngumiti si Helamán. Masaya siya na natulungan niya ang kanyang mga kaibigan na matutong makipag-usap sa Ama sa Langit. Alam niyang mahal siya ng Ama sa Langit, at mahal din ng Ama sa Langit ang mga kaibigan niya.

Mga larawang-guhit ni Josh Talbot