Mga Aktibidad para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Walang Imposible!
Para sa Mateo 1; Lucas 1
Kuwento: Gustong magkaanak nina Elizabet at Zacarias, pero napakatanda na ni Elizabet. Isang araw, sinabi ng isang anghel kay Zacarias na magkakaanak sila ng lalaki! Si Juan Bautista ang naging anak nila. Nalaman nina Elizabet at Zacarias na sa Diyos, walang imposible. (Tingnan sa Lucas 1:11–14, 37.)
Awit: “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7)
Aktibidad: Subukan ang gawaing ito na “imposible”! Una, itupi ang iyong hinlalato (gitnang daliri). Pagkatapos ay ipatong sa mesa ang kamay mo, nang pataob. Ngayo’y subukan mong iangat ang palasingsingan (ring finger) mo. Pagkatapos ay hilingin sa iba na iangat ito para sa iyo. Paano ka natulungan ng Ama sa Langit na gawin ang isang bagay na tila hindi posible?
Isang Kuwento tungkol sa Nativity
Para sa Mateo 2; Lucas 2
Kuwento: Isinilang si Jesucristo sa isang kuwadra sa lungsod ng Bethlehem. Nagpuntahan ang mga pastol, anghel, at Pantas na Lalaki para makita Siya. Mababasa mo ang iba pa tungkol sa mga Pantas na Lalaki sa pahina 46.
Awit: “Minsa’y Naging Musmos si Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 34)
Aktibidad: Maghalinhinan sa pagkukuwento tungkol sa pagsilang ng isang kapamilya. Maaari ninyong pag-usapan kung saan sila isinilang, kailan sila isinilang, sino ang kanilang mga magulang, o ang iba pang mga bagay na alam ninyo tungkol sa pagsilang nila.
Ang Tunay na Liwanag
Para sa Juan 1
Kuwento: Si Jesucristo ay tinatawag kung minsan na “tunay na [Liwanag]” (Juan 1:9). Itinuturo sa mga banal na kasulatan na dapat nating tuparin ang Kanyang mga utos at sundin Siya. Sa gayo’y magkakaroon tayo ng “karapatang maging mga anak [na lalaki at babae] ng Diyos” (Juan 1:12).
Awit: “Jesus Is My True Light [Si Jesus ang Tunay Kong Liwanag]” (pahina 23)
Aktibidad: Magdrowing ng larawan ng isang mithiin mo. Ipatago sa iba ang larawan mo kahit saan sa kuwarto at patayin ang mga ilaw. Ngayo’y kumuha ng maliit na flashlight at ilawan ang buong silid gamit ito. Makikita mo na ba ngayon ang larawan mo? Pag-usapan kung paano kayo matutulungan ni Jesucristo na matupad ang inyong mga mithiin.
Ang Landas ng Tipan
Para sa Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3
Kuwento: Nagpunta si Jesucristo kay Juan Bautista para magpabinyag upang Kanyang “matupad ang buong katuwiran” (Mateo 3:15). Bininyagan si Jesus para magpakita ng halimbawa ng pagsunod sa Ama sa Langit. Matutularan natin si Jesus kung magpapabinyag din tayo!
Awit: “Magsisunod Kayo sa Akin” (Mga Himno, blg. 67)
Aktibidad: Pumunta sa pahina 9 para matutuhan ang tungkol sa landas ng tipan. Pagkatapos ay gawin ang aktibidad. Sa pahinang ito bawat buwan, malalaman mo ang tungkol sa isang pagpapala sa iyo habang sinusundan mo ang landas pabalik sa Ama sa Langit!
Mga larawang-guhit ni Katy Dockrill