Noong Disyembre 1830, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na “sama-samang magtipun-tipon sa Ohio” (
Doktrina at mga Tipan 37:3). Sa isang paghahayag na natanggap ng sumunod na buwan, ipinangako ng Panginoon na sa Ohio, matatanggap ng mga Banal ang Kanyang batas, pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa itaas, at maghahandang ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa lahat ng bansa (
Doktrina at mga Tipan 38:32–33). Sa Ohio, ang mga Banal ay nagtayo ng isang templo—isang lugar ng pagkatuto, pagsamba, at paghahayag. Tumanggap si Joseph Smith ng maraming paghahayag para gabayan ang pamamahala sa ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas at gabayan ang buhay ng mga miyembro ng Simbahan.
Ang mga tour at eksibit ay available sa site sa buong taon upang ibahagi ang mga karanasan ng mga naunang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na sama-samang nagtipon sa Kirtland noong dekada ng 1830. Inaanyayahan ang mga bisita na libutin ang N.K. Whitney & Co. Store, ang Tahanan nina Newel at Elizabeth Ann Whitney, ang muling itinayong N.K. Whitney Ashery, isang replikang palagarian o sawmill, isang bahay-paaralan, ang Bahay-panuluyan ni John Johnson, ang inayos na Tahanan nina Joseph at Emma Smith, at ang Kirtland Temple.
Sa loob ng ilang dekada, iningatan at pinangalagaan ng Community of Christ ang
Kirtland Temple. Noong ika-5 ng Marso 2024, ang pagmamay-ari at pangangalaga sa napakahalagang lugar na ito ay inilipat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.