Si Newel K. Whitney at ang kanyang asawa, si Elizabeth Ann Whitney, ay mga unang taong nanirahan sa Kirtland, Ohio, at naghahanap ng mas dakilang katotohanan sa relihiyon. Noong mga 1828, naugnay ang mga Whitney kay
Sidney Rigdon at sa kanyang mga turo. Gayunman, tumanggap sila ng patotoo mula sa Diyos na ihahayag pa lang ang mas dakilang katotohanan, kaya matiyaga silang naghintay. Noong huling bahagi ng 1830, dumating sa hilagang-silangang Ohio ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw na sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. Sa sunud-sunod na pagpupulong sa lugar ng Kirtland, nangaral sina
Cowdery at
Pratt sa mga miyembro ng kongregasyon ng Reformed Baptist ni Sidney Rigdon. Matapos mabinyagan si Rigdon, nabinyagan din ang ilang miyembro ng kanyang kongregasyon, kabilang sina Newel at Elizabeth Ann Whitney.
Nang dumating si Joseph Smith at ang kanyang asawang si Emma sa Kirtland noong ika-4 ng Pebrero 1831, “idiniretso sila” ni
Newel Whitney “sa [kanyang] bahay” (Whitney,
Woman’s Exponent, Set. 1, 1878, 51). Isang karangalan sa mga Whitney ang makasama ang Propeta at ang asawa nito sa kanilang tahanan.
Ginugol nina Joseph at Emma Smith ang kanilang unang buwan sa Ohio na nakatira sa tahanan ng mga Whitney. Sa panahong nakatira ang mga Smith sa mga Whitney, ang tahanan ng mga Whitney ay naging lugar ng pagpupulong at paghahayag para sa mga Banal. Sa tahanang ito, unang napakinggan ng maraming nagbalik-loob ang ipinanumbalik na ebanghelyo, naipahayag ang mga bagong katungkulan at organisasyon, at mas naitatag nang lubos ang Simbahan. Sa araw na dumating sina Joseph at Emma sa Kirtland, tumanggap si Joseph ng isang paghahayag—na kilala ngayon bilang
Doktrina at mga Tipan 41—na nagtalaga kay
Edward Partridge bilang unang bishop ng Simbahan, isang katungkulan kung saan tatawagin din si Newel K. Whitney sa isa pang paghahayag na natanggap (marahil sa tahanan din ng mga Whitney) noong Disyembre 1831 (tingnan sa
Doktrina at mga Tipan 72:1–8). Sa panahong ito, tumanggap si Joseph ng apat na paghahayag, na nakalathala ngayon sa Doktrina at mga Tipan (mga bahagi 41–44).
Habang naglilingkod bilang bishop sa Kirtland, pinangasiwaan ni Newel K. Whitney ang tatlong araw na piging para sa mga maralita, tinutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at sinusunod ang batas ng pagtatalaga (tingnan sa
Doktrina at mga Tipan 42:30–39). Sina Emma Smith at Elizabeth Ann Whitney ay nagtulungan sa paglilingkod sa mga panauhin.
Ang ipinanumbalik na Tahanan nina Newel at Elizabeth Whitney ay bahagi na ngayon ng Makasaysayang Kirtland.
Basahin pa ang tungkol sa Tahanan nina Newel at Elizabeth Whitney sa
kabanata 11 ng Mga Banal, tomo 1.360° Walkthrough
Ano ang Aasahan
Ang Tahanan nina Newel at Elizabeth Whitney ay bahagi ng guided tour na iniaalok ng mga missionary sa Makasaysayang Kirtland.