Noong 1824, itinayo ni
Newel K. Whitney ang isang ashery sa kapatagan ng Kirtland. Ang ashery ay pinamamahalaan ng kanyang kasosyo sa negosyo na si
Sidney Gilbert hanggang sa umalis si Gilbert patungong Missouri noong 1831. Si Whitney ang aktibong namahala sa ashery hanggang noong 1832, nang ibigay niya ang ashery bilang donasyon sa Simbahan. Ang pera mula sa ashery ay nakatulong sa pagbabayad ng mga utang, pagpopondo sa pagtatayo ng templo ng Kirtland, at paglilimbag ng mga literatura ng Simbahan. Isang paghahayag na natanggap noong ika-23 ng Abril 1834, ang nagbalik ng ashery kay Whitney bilang bahagi ng kanyang “pangangasiwa” at “isang pagpapala sa kanya at sa kanyang binhi na susunod sa kanya” (
Doktrina at mga Tipan 104:39–40).
Ang mga ashery ay karaniwang makikita sa hangganan ng Amerika. Sa mga ashery, ang abo mula sa kahoy na sinunog at nakolekta mula sa mga kalapit na komunidad ay ginagawang potash, isang alkali na ginagamit sa pagmamanupaktura ng maraming produkto, kabilang ang sabon, palayok, at pampaputi o bleach. Dahil marami ang pinaggagamitan nito, ang potash ay isang mahalagang kalakal na ibinebenta sa mataas na presyo. Dahil dito, maraming mangangalakal tulad ni Newel K. Whitney ang nagmamay-ari din ng mga ashery.
Sa pagdagsa ng mga Banal sa Kirtland, maraming tao ang naghanap ng trabaho, at ang Whitney Ashery ay naging lugar kung saan nagtrabaho ang maraming kabataang lalaki. Si
Orson Hyde, isa sa mga orihinal na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagtrabaho sa Whitney Ashery noong siya ay mahigit dalawampung taong gulang.
Isang replika na katulad na katulad ng Whitney Ashery ang makikita ngayon sa orihinal na lokasyon nito at malamang na nag-iisang halimbawa ng isang muling itinayong ashery sa North America.
Ano ang Aasahan
Ang ashery ay opsiyonal na bahagi ng tour na malilibot nang may gabay na iniaalok ng mga misyonero sa
Makasaysayang Kirtland. Ang maikling daan (0.16 kilometro) na humahantong sa
sawmill at Whitney Ashery ay medyo padalisdis at natatakpan ng wood chips. Ang mangilan-ngilang mga ugat ng puno, hindi patag na daan, at iba pang mga balakid sa paglalakad ay maaaring magpahirap sa mga bisita na may mga limitasyon sa pagkilos.
360° Walkthrough