2025
Kapag Hindi Natupad ang Mabubuting Hangarin
Pebrero 2025


Digital Lamang

Kapag Hindi Natupad ang Mabubuting Hangarin

Maaaring mahirap kapag tila hindi nasasagot ang mabubuting hangarin ng ating puso. Narito ang ilang bagay na magagawa mo para makasulong.

isang lalaking nakaupo sa isang bangko at nagdarasal

Gusto ng isang kaibigan na magkaroon ng isang masaya at walang-hanggang pamilya, pero lumayo ang kanyang mga anak sa Simbahan. Ang isa naman ay gusto ng selestiyal na kasal pero hindi pa rin makita ang tamang pakakasalan. Ang iba pang mga kaibigan ay gusto ng mga bata pero hindi mabuntis. Ayaw kong magkasakit sa utak, pero nahihirapan ako sa kabila ng mga taon ng pagsisikap, paghingi ng payo, at pagdarasal.

Maaaring makapanghina ng loob kapag hindi natutupad ang mga bagay na pinakagusto natin. Maaaring mas nakapanghihinang basahin ang mga pangako sa mga banal na kasulatan na nagsasabing, “Maging anuman ang naisin mo sa akin ay mapapasaiyo” (Doktrina at mga Tipan 6:8; tingnan din sa 11:8) at madama na parang ang mga naising iyon ay hindi natutugunan.

Kaya ano ang magagawa natin kapag hindi natupad ang ating mabubuting hangarin? Narito ang ilang turo ng propeta na makakatulong sa atin:

  1. Magpraktis ng aktibong pagtitiyaga. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagtitiyaga ay aktibong paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng kaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso.”

  2. Manampalataya na sasagutin ng Panginoon ang inyong mga panalangin sa Kanyang panahon. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos sa hirap at ginhawa, kahit na kabilang doon ang [kaunting] pagdurusa hanggang sa ang Kanyang bisig ay maipahayag alang-alang sa atin. Maaaring maging mahirap iyon sa ating makabagong mundo kung saan maraming naniniwala na ang pinakamagandang maaaring mangyari sa buhay ay maiwasan ang lahat ng paghihirap at na walang sinumang dapat magdusa dahil sa anumang bagay. Ngunit ang paniniwalang iyon ay hindi kailanman hahantong sa ‘sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo’ [Efeso 4:13].”

  3. Humiling ng patnubay sa panalangin. “Ang panalangin ay isang gawain kung saan ang kalooban ng Ama at ang kagustuhan ng anak ay nagkakatugma sa isa’t isa.” Maaari din nating ipagdasal na maunawaan kung ano ang nais ng Diyos para sa atin. Halimbawa, mayroon bang mas maliit na hakbang na maaari nating ipagdasal na maaaring umakay sa atin sa mas malaking hangarin? O may ibang hangarin ba na maaaring mas mahalagang pagsikapan natin ngayon? Kung hindi natin alam kung ano ang ating susunod na hakbang, maaari nating ipagdasal na malaman kung ano ang ipagdarasal.

Nangako ang Diyos na matutupad ang bawat mabuting hangarin ng ating puso. Magtiwala sa Kanyang takdang panahon na magiging maayos ang lahat, at pagpapalain Niya kayo sa inyong pagtitiis.