2025
Ang Batas ng Kalinisang-Puri ay Hindi Isang Hadlang sa Daan—Ito ay Pagpapala!
Pebrero 2025


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Batas ng Kalinisang-Puri ay Hindi Isang Hadlang sa Daan—Ito ay Pagpapala!

Ang awtor ay naninirahan sa Ulaanbaatar, Mongolia.

Parang mas masaya ang mga taong hindi sumusunod sa batas ng kalinisang-puri kaysa sa akin.

isang paglalarawan sa isang lalaking nagsisikap na sundan ang daan sa pamamagitan ng paghinto sa isang bangin

Noon pa man ay mausisa na ako.

Habang lumalaki, may mabibigat na tanong ako kung paano nilikha ang mundo, paano binuo ang buhay ng tao, at bakit tayo nasa planetang ito. Nang matutuhan at tanggapin ko ang ebanghelyo ni Jesucristo sa edad na 14, natagpuan ko ang napakaraming sagot at mas malaking kahulugan sa buhay ko. Ginawa ko ang lahat para sundin ang mga utos ng Diyos at nadama ko ang tunay na kagalakan sa pamumuhay ng ebanghelyo.

Patuloy akong umunlad sa maraming nakatutuwang paraan—nagmisyon ako, nag-aral sa unibersidad, at iba pa. Pero nang malapit na akong mag-30 anyos, nanlumo ako na hindi pa ako nagkaroon ng oportunidad na makapag-asawa. Bagama’t nakita ko na nagpasiya ang maraming tao sa paligid ko na mamuhay nang labag sa batas ng kalinisang-puri, naging matatag ako sa aking pangako na tuparin ang aking mga tipan at maghanda makasal sa templo.

Naniwala ako na ang kaligayahan ay nagmumula sa pagsunod (tingnan sa Mosias 2:41). Ngunit nang tingnan ko ang mga kaibigan ko sa paligid na piniling huwag sundin ang batas ng kalinisang-puri, parang mas masaya sila kaysa sa akin. May mga bagong karanasan sila sa pakikipagdeyt at pakikipagrelasyon, at nadama ko na hindi patas ang mga bagay-bagay. Dahil mausisa at edukado akong tao, nainis ako na parang mas matalino at mas hinog ang isip ng mga kaibigan ko ngayon kaysa sa akin.

Unti-unti kong nadama na parang hindi na isang pagpapala ang mga kautusan at mas hadlang ito sa daan na pumipigil sa akin na mamuhay nang napakasaya.

Natukso akong kalimutan ang ideyang makasal sa templo at isentro ang buhay ko sa ebanghelyo pagkaraan ng ilang sandali. Para talagang napakahirap sundin ng batas ng kalinisang-puri dahil napalibutan ako ng isang mundo na iba kaysa sa akin ang tingin sa pisikal na intimasiya.

Magtuon sa “Bakit”

Nang hirap na hirap na ako, nagkuwento ang institute teacher ko tungkol sa pag-anyaya sa mga missionary sa hapunan. Ikinuwento niya kung paano naghanda at nakibahagi ang kanyang buong pamilya sa espirituwal na kaisipang ibinahagi ng mga missionary.

Sa sandaling iyon, natanto ko na higit sa lahat, nais kong bumuo ng isang pamilya na sama-samang matatamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Bigla kong naunawaan ang lahat. Ang batas ng kalinisang-puri ay hindi isang hadlang sa daan na pumipigil sa akin na maranasan ang kaloob na seksuwalidad—ito ay isang pagpapala na lagi akong itinuturo sa templo at sa aking walang-hanggang pamilya.

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mali bang magkaroon ng mga panuntunan? Siyempre hindi. Kailangan nating lahat ang mga iyon araw-araw. Ngunit maling magtuon lamang sa mga panuntunan sa halip na magtuon sa Tagapagligtas. Kailangan ninyong malaman kung bakit at kung paano at pagkatapos ay pag-isipan ang mga kahihinatnan ng inyong mga pagpili.”

Nang maalala ko ang Tagapagligtas at ang Kanyang sakripisyo para sa akin, ipinasiya ko na ang mga pagpapala ng pagtupad sa aking mga tipan, kabilang na ang batas ng kalinisang-puri at pagpapakasal sa templo, ay sulit na hintayin. Ang tunay na kaligayahan ay hindi tungkol sa paggawa ng anumang gusto mo. Tungkol ito sa pagiging marapat na makasama ang Espiritu Santo.

Maaaring may iba pang mga pagkakataon na natutukso tayong sirain ang ating mga tipan. Hindi laging madaling ipamuhay ang ebanghelyo! Ngunit ang mga tipang ginagawa natin at ang mga kautusang sinusunod natin ay ibinigay ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na ang nasa puso ay ang pinakamainam para sa atin. Maaari tayong magtiwala na mas marami Siyang alam kaysa sa atin at na ang pagsunod sa Kanya kaysa sa mundo ay laging aakay sa atin tungo sa kagalakan.

Pagtiwalaan ang Takdang Panahon ng Diyos

Nagpapasalamat ako na kailan lang ay umibig ako at nakasal sa templo. Natutuwa ako na naging tapat ako sa mga kautusan kaya matatamasa ko na ngayon ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal.

Siyempre, ang pagsunod ay hindi tulad ng isang vending machine. Hindi lamang tayo tumatanggap kaagad ng partikular na pagpapala matapos sundin ang isang kautusan. Tulad ng sabi ni Elder Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “May mga pagpapalang dumarating kaagad, may ilang huli na, at may ilang hindi dumarating hangga’t hindi tayo nakararating sa langit; ngunit para sa mga taong tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito.”

May patotoo ako na kilala ng Diyos ang bawat isa sa atin at na aalagaan Niya tayo. Bagama’t maaaring mahirap makaramdam ng kawalang-katiyakan o mamukod-tangi sa iyong mga kabarkada, lalo na sa isang maruming mundo, naniniwala ako na “lahat ng mga bagay ay [sama-samang] gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa [Diyos]” (Roma 8:28). Alam ko na ang tunay at walang-hanggang kagalakan ay hindi lamang sa pagsunod sa mga utos ng Diyos nagmumula kundi sa pagkakaroon ng kaugnayan sa Kanya.