2025
Mas Matibay at Mas Malapit na Kaugnayan sa Diyos sa Pamamagitan ng Maraming Tipan
Pebrero 2025


Digital Lamang

Mas Matibay at Mas Malapit na Kaugnayan sa Diyos sa Pamamagitan ng Maraming Tipan

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa mga estudyante sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, noong Marso 5, 2024. Para sa buong mensahe, bisitahin ang speeches.byu.edu.

Para lumago at matanggap ang uri ng buhay ng Ama sa Langit, bawat isa sa atin ay kailangang gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos.

isang rebultong Christus sa tabi ng isang malinaw na pool

Ang mga tipang itinatag ng Diyos ay batay sa walang-hanggan at hindi-nagbabagong batas. Iisa lamang ang paraan para mabalik sa piling ng Diyos, at iyon ay itinalaga bilang landas ng tipan. Ang pariralang landas ng tipan ay tumutukoy sa sunud-sunod na mga tipan na pinagdaraanan natin para makalapit kay Cristo at makipag-ugnayan sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay kung paano tayo nakikipagkasundo sa Diyos. Ang mga tipang ito ay hindi matatawaran. Sa pamamagitan nila, binabago, inililigtas, at pinadadakila tayo ng Panginoon. Ginagawa natin ang mga ito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood. Kapalit ng pagtupad sa mga tipang ito, ginagarantiyahan tayo ng Diyos ng partikular na mga pagpapala. Ang tipan ay isang pangako na dapat nating paghandaan, malinaw na unawain, at ganap na tuparin.

Para sa lahat, ang landas ng tipan ay nagsisimula sa tipan sa binyag (tingnan sa 2 Nephi 31:17–18). Para sa mga lalaki, kabilang sa landas ng tipan ang mahalagang hakbang na pagtanggap ng Melchizedek Priesthood. Para sa lahat, ang landas ng tipan ay nagpapatuloy sa mga tipan sa endowment sa templo, kung saan nangangako tayong susunod sa limang batas. Gayunman, ang limang batas na ito ay hindi mapaghihiwalay—hindi ninyo mapipiling sundin ang subset ng lima; nakikipagtipan kang sundin ang lahat ng lima o huwag na lang. Ang huling tipan na ginagawa natin sa Diyos sa templo ay ang tipan na ginagawa kapag ang isang lalaki at isang babae ay magkasamang ibinuklod sa bago at walang-hanggang tipan ng kasal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4).

Bakit kailangan ng maraming tipan? Ito ay dahil ang maraming tipan ay hindi lamang magkakasunod kundi nagdaragdag at nakakatulong pa sa ating relasyon o ugnayan sa Diyos. Bawat tipan ay nagdaragdag ng isang bigkis, na mas naglalapit sa atin at nagpapatibay ng ating kaugnayan sa Diyos.

Ipinahiwatig ni Pangulong Russell M. Nelson na pinalalalim natin ang ating relasyon sa Diyos kapag gumagawa tayo ng maraming tipan. Sabi niya: “May espesyal na pagmamahal ang Diyos para sa bawat taong nakikipagtipan sa Kanya sa mga tubig ng binyag. At ang banal na pagmamahal na iyan ay lumalalim habang gumagawa at tumutupad kayo ng mga karagdagang tipan.”

Nangangahulugan ito na nagkakaroon tayo ng mas matibay at mas malapit na kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng maraming tipan na iyon. Kapag hinaharap natin ang mga hamon sa buhay, nababawasan ang posibilidad na lumayo tayo sa Diyos.

isang bautismuhan sa templo

1. Binyag

Binyag ang unang tipan na ginagawa ng lahat sa landas ng tipan. Ang tipan sa binyag ay isang pampublikong patotoo sa Ama sa Langit tungkol sa tatlong partikular na pangako: paglingkuran ang Diyos, sundin ang Kanyang mga utos, at maging handang taglayin ang pangalan ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 31:7, 13–14; Mosias 18:10; 21:32, 35; Doktrina at mga Tipan 20:37). Ang ibang aspeto na madalas iugnay sa tipan sa binyag—na tayo ay ‘magpasan ng pasanin ng isa’t isa,’ ‘makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati,’ at ‘aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw’ (Mosias 18:8–9)—ay mga bunga ng paggawa ng tipan sa halip na bahagi ng mismong tipan. Ang mga aspetong ito ay mahalaga dahil ang mga ito ang natural na gagawin ng isang kaluluwang nagbalik-loob.

isang endowment ceremony room

2. Ang Endowment

Ang susunod na tipan na gagawin ng lahat sa landas ng tipan ay ang endowment. Tulad ng binanggit ko, kasama sa endowment ang mga tipan na sundin ang limang batas na hindi mapaghihiwalay. Habang nirerebyu ko ang bawat isa, tingnan kung paano nauugnay at pinagtitibay ng mga ito ang mga aspeto ng tipan sa binyag.

Una, nakikipagtipan tayo sa endowment na “ipamuhay ang batas ng pagsunod,” na nangangahulugan na “sinisikap nating sundin ang mga utos ng Ama sa Langit.” Ang tipang ito ay lubhang nakaayon sa ilalim ng pangako sa tipan sa binyag na sundin ang mga utos ng Diyos.

Pangalawa, nakikipagtipan tayong “sundin ang batas ng pagsasakripisyo, na ang ibig sabihin ay pagsasakripisyo upang suportahan ang gawain ng Panginoon at magsisi nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu.” Ang tipang ito ay nakaayon sa mga pangako sa binyag na maglingkod sa Diyos at sundin ang Kanyang mga utos. Bukod pa rito, ang pagsisisi ay isang mahalagang aspeto ng pagtataglay ng pangalan ni Jesucristo.

Pangatlo, nakikipagtipan tayong “sundin ang batas ng ebanghelyo ni Jesucristo.” Ginagawa natin ito, kahit paano, sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa doktrina ni Cristo. Kabilang dito ang “paggawa ng mga tipan sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan” at pagtupad sa mga tipang iyon sa buong buhay natin. Kasama sa tipan ang “pagsisikap na ipamuhay ang dalawang dakilang utos”: ibigin ang Diyos at ang kapwa (tingnan sa Mateo 22:37, 39). Ang tipang ito ay nakaayon sa tatlong aspeto ng tipan sa binyag.

Pang-apat, nakikipagtipan tayong sundin ang “batas ng kalinisang-puri, na ang ibig sabihin ay hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.”

Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland: “Nilayon [ng Diyos] ang kasal na mangahulugan ng ganap na pagsasama ng isang lalaki at isang babae—ng kanilang puso, inaasam, buhay, pagmamahal, pamilya, kinabukasan, lahat. … Sila ay magiging ‘isang laman’ sa kanilang buhay na magkasama [tingnan sa Genesis 2:23–24].”

Hindi natin makakamtan ang uri ng buhay na tinatamasa ng ating Ama sa Langit nang walang ganap na katapatan sa loob ng kasal sa ating asawang lalaki o babae ayon sa plano ng Diyos. … Ang tipang ito ay nakaayon sa aspeto ng tipan sa binyag na sundin ang mga utos ng Diyos.

Panlima, nakikipagtipan tayong “sundin ang batas ng kalinisang-puri, na ibig sabihin ay ilalaan natin ang ating sarili at lahat ng pagpapalang bigay ng Panginoon sa atin sa pagtatayo ng Kanyang Simbahan. Ang mga susi ng banal na priesthood ay ipinanumbalik upang maisagawa ang mga ordenansa ng priesthood, na natutulot sa atin na makipagtipan sa Diyos. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo para sa mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing. Ipinapangako natin ang ating suporta sa gawain ng Diyos. Ang tipang ito ay nakaayon sa aspeto ng tipan sa binyag na maglingkod sa Diyos. Bukod pa rito, ang tipang ito ay nakaayon sa pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Cristo dahil para maipamuhay ito ay kailangan nating panatilihin nang permanente ang isang malaking pagbabago ng puso.

isang sealing room

3. Ang Pagbubuklod ng Pagsasama ng Isang Babae at Isang Lalaki

Ngayon ay nakatakdang gawin ang tipan na nauugnay sa pagbubuklod ng pagsasama ng isang babae at isang lalaki. Sa ordenansang ito tumatanggap sila ng mga pangako, nakikipagtipan sila sa isa’t isa, at nakikipagtipan sila sa Diyos. Para marebyu ang mga pangako, bumalik tayo nang libu-libong taon. Tinanggap ni Abraham ang ebanghelyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:14; Abraham 2:11) at pumasok sa selestiyal na kasal, na siyang tipan ng kadakilaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:19, 29). Tumanggap ng isang pangako si Abraham na lahat ng pagpapala ng kanyang tipan ay iaalok sa kanyang mortal na mga inapo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:29–31; Abraham 2:6–11). Bawat taong nagsisimula sa landas ng tipan ay nagiging “mga binhi ni Abraham, [at] mga tagapagmana ayon sa pangako” (Galacia 3:29).

Kapag nabuklod ang isang lalaki at isang babae sa isa’t isa, ipinapangako sa kanila ang mga pagpapalang ito, tulad kay Abraham. Kabilang sa mga pagpapala na sila ay “magbabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli; … magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, mga sakop …; at sila ay makararaan sa mga anghel … tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay …, kung aling kaluwalhatian ay magiging isang kaganapan at isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan(Doktrina at mga Tipan 132:19; tingnan din sa talata 20). Sa pagbubuklod, makikipagtipan ang isang babae sa kanyang asawa at makikipagtipan ang isang lalaki sa kanyang asawa. Ang mga gawain ng mortalidad ay magkakasama. Ang mag-asawa ay kapwa pumapasok sa isang orden ng priesthood na hindi mapapasok ng sinuman sa kanila nang mag-isa at kailangan iyan para makapasok sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4). Maglilingkod sila sa isa’t isa at sa kanilang mga anak at sa gayo’y maglilingkod sila sa Diyos. Kapag ibinuklod ang isang lalaki at isang babae, nakikipagtipan sila sa Diyos na susundin ang lahat ng utos na nauugnay sa kasal sa bago at walang-hanggang tipan.

Ang mga elemento ng endowment at pagbubuklod ay nakaayon at nagpapatibay sa lahat ng tatlong aspeto ng tipan sa binyag. Bawat aspeto ng tipan sa binyag at ng mga tipan sa endowment at pagbubuklod ay magkakapatong at nagpapatibay sa isa’t isa.

Hindi tayo pinupuwersa o pinipilit sa anumang paraan na manatili sa isang bigkis ng pakikipagtipan sa Diyos kahit matapos nating piliing gawin ang mga tipang ito. Kapag gumawa tayo ng bigkis ng pakikipagtipan sa Diyos, nakikibahagi tayo sa isang tipan sa Kanya. Magkasama tayong nagdaranas at lumalahok sa pakikipagtipan. Totoo rin ito sa isang babae at isang lalaki kapag sila ay nabuklod; nakikipagtipan sila sa isa’t isa. Naniniwala ako na maling isipin na ang isa ay nakatali sa isa hanggang sa kawalang-hanggan; hindi sila inaalipin, pinipilit, binibitag, o pinupuwersa. Sa halip, magkasama silang nagbabahagi at nagdaranas ng pakikipagtipan. Ang kalayaan ay patuloy na nagiging pinakamahalagang bahagi ng walang-hanggang kasal. Sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Alam din natin na hindi … pipilitin [ng Diyos] ang sinuman na mabuklod nang labag sa kalooban nito. Ang mga pagpapala sa ugnayang nabuklod ay tiyak sa lahat ng tumutupad sa kanilang mga tipan ngunit hindi kailanman sa napilitang mabuklod sa isang tao na hindi karapat-dapat o ayaw nito.” Walang sinumang pupuwersahing pumayag sa isang kasal na hindi nila pinili o tinatanggap, kahit pagkatapos ng pagbubuklod sa templo.

Ang Maraming Tipan ay Mas Matibay na Nagbibigkis sa Atin sa Diyos

Maraming tipan ang mas naglalapit sa atin sa Diyos at nagpapatibay sa kaugnayan natin sa Kanya. Ang layunin ng mga bigkis na ito ay para tulungan tayong maging mas nagbalik-loob, mas nananalig, at tapat na mga disipulo ni Jesucristo. Ipinahihiwatig ng aking personal na karanasan na, sa paglipas ng panahon, ang mga adult na nabinyagan, na-endow, at nabuklod sa isang asawa ang pinakamalamang na mapanatili at mapalalim ang kanilang pagkadisipulo sa pagtahak sa landas ng tipan. Malamang na hindi ito magawa ng mga adult na nabinyagan at na-endow ngunit hindi nabuklod sa isang asawa. Pinakamalamang na hindi mapanatili at mapalalim ng mga adult na nabinyagan ngunit hindi na-endow ang kanilang pagkadisipulo sa paglipas ng panahon. Habang nahihinog tayo sa ating pagkadisipulo, idinaragdag natin ang mga tipan ng endowment sa ating tipan sa binyag. Mas matibay tayong ibinibigkis niyan sa Diyos. Pagkatapos, kung darating ang pagpapala na mabuklod sa isang asawa, mas tumitibay pa ang bigkis ng tipan.

Gayunman, tandaan lamang na hindi ganap na garantiya ang paggawa ng mga tipang ito. May kilala kayo at ako na mga indibiduwal na hindi na-endow na kitang-kita na matatapat na disipulo ni Cristo, at may kilala tayong mga nabuklod sa isang asawa na hindi matapat. Ang katapatan ay isang indibiduwal na pagpili kung paano natin ipamumuhay ang mga tipang nagawa natin. Ang hindi pagkabuklod sa asawa ay hindi pumipigil sa pag-unlad ninyo sa inyong pagiging disipulo sa Tagapagligtas. Kapag patuloy kayong naging magiting sa inyong patotoo kay Jesucristo, nagpapatuloy ang inyong pag-unlad.

Mga Paanyaya sa mga Hindi pa Na-endow

Matapos sabihin iyan, bilang isang Apostol ng Panginoong Jesucristo, mayroon akong mga paanyaya para sa bawat isa sa inyo. Ang paanyaya ko sa mga nabinyagan pero hindi pa na-endow ay na maghanda kayo at tanggapin ang inyong endowment. Ang desisyong tanggapin ang endowment ay personal at dapat gawin nang may panalangin. Depende lamang ito sa kalayaan ninyo—hindi ng iba. Bukod pa riyan, hindi tungkulin ng sinumang iba pa—mga lider, kaibigan, kaibigan, barkada, pamilya, o ako—na magpasiya nito para sa inyo o labis na impluwensyahan kayo na gawin ito. Natutugunan na ng marami sa inyo ang lahat ng pamantayan para ma-endow kung hangad ninyong matanggap at maigalang ang mga sagradong tipan sa templo sa buong buhay ninyo. Sa Pangkalahatang Hanbuk mababasa natin:

“Maaaring piliin ng mga miyembro na tanggapin ang sarili nilang endowment kapag natugunan nila ang lahat ng sumusunod na mga kundisyon:

  • Sila ay hindi bababa sa 18 taong gulang.

  • Nakapagtapos na o hindi na sila dumadalo ng high school, secondary school, o ng katumbas nito.

  • Nakalipas na ang isang buong taon mula noong sila ay nakumpirma.

  • Mayroon silang hangaring tanggapin at tuparin ang mga sagradong tipan sa templo sa buong buhay nila.”

Hanggang maging handa kayo, patuloy na maghanda. Kabilang dito ang paggawa ng gawain sa family history at pagiging marapat at paggamit sa isang temple recommend para mag-proxy sa mga binyag at kumpirmasyon. Magtuon ding mabuti sa tipang nagawa na ninyo. Tapat na tumanggap ng sakramento linggu-linggo. Kung pipiliin ninyong hindi dumalo sa sacrament meeting kahit puwede kayong dumalo, inilalagay ninyo ang inyong sarili sa espirituwal na panganib. Patuloy na ipamuhay nang tapat ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag tinanggap ninyo ang paanyayang ito, mas maglalapit ito sa inyo sa Diyos.

Mga Paanyaya sa mga Hindi pa Nabuklod

Bumaling tayo sa mga nabinyagan at na-endow pero hindi nabuklod sa isang asawa. Alam nating lahat na ang mabuklod sa isang asawa ay kinapapalooban ng kalayaan ng iba. Hindi ninyo ipinapasiya ang hakbang na ito nang mag-isa. Ang aking paanyaya ay nakatuon sa maaari ninyong gawin.

Kung hindi pa kayo nabiyayaan na mabuklod sa isang asawa nang dahil sa inyong kalayaan, huwag ninyong ipagpaliban na samantalahin ang inyong mga oportunidad. Huwag ninyong pagsarhan ng pinto ang posibilidad. Noong Mayo 2023, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:

“May plano ang mapagmahal na Ama sa Langit para sa Kanyang mga young adult, at bahagi ng planong iyan ang kasal at mga anak.

“… Pinapayuhan namin kayo na ituon ang inyong mga pakikisama sa iba ang kasarian sa mga pakikipagdeyt na may potensyal na mauwi sa kasalan.”

Tandaan, ang buhay na walang hanggan ay hindi isang usapin ng kasalukuyang katayuan sa pag-aasawa kundi ng pagiging disipulo; ibig sabihin, ang pagiging “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” (Doktrina at mga Tipan 76:79; tingnan din sa 121:29). Natatanggap ninyo ang biyaya ni Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Bukod pa rito, inaanyayahan ko kayong magtuon sa mga tipang nagawa ninyo. Magpunta nang madalas sa templo at makibahagi sa gawain sa family history. Tapat na tumanggap ng sakramento linggu-linggo. Kapag ginawa ninyo ito, mapapatibay ninyo ang inyong kaugnayan kay Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 18:12–13).

Sa mga taong hindi kailanman nabuklod sa asawa sa buhay na ito o mga taong ang pagbubuklod ay hindi umayon sa kanilang inaasahan, isipin ang nakaaaliw na pangakong ito ni Pangulong Lorenzo Snow noong 1899. Patungkol sa mga babaeng walang asawa, sinabi niya: “Mukhang may malaking panaghoy tungkol sa kalagayang ito. Hindi kailangan lalo na ito. …[Ngunit] ang ilang napakahangal na doktrina ay iniharap na sa ilan sa kababaihan tungkol dito at sa iba pang mga bagay na katulad nito. … Walang sinumang Banal sa mga Huling Araw na namamatay matapos mamuhay nang tapat ang mawawalan ng anumang bagay dahil sa pagkabigong gawin ang ilang bagay samantalang hindi naman siya nabigyan ng oportunidad na magawa iyon. … Matatamo nila ang lahat ng pagpapala, kadakilaan at kaluwalhatian na matatamo ng sinumang lalaki o babae na nagkaroon ng oportunidad na ito. … Magkakaroon [sila] ng mga paraan para matamo nila ang lahat ng pagpapalang kailangan ng mga taong may asawa.”

Napilitan akong idagdag na hindi kayo dapat mahumaling kung nagkaroon man kayo ng oportunidad na mabuklod sa isang asawa at hindi kayo nabuklod o na ang pagbubuklod ninyo sa isang bahay ng Panginoon ay hindi naging katulad ng inyong inaasahan. Huwag kayong magduda sa inyong desisyon. Ang biyaya ng Diyos ay sapat para sa lahat. Lahat ng “di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto [at iwawasto] sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” Kapag tinanggap ninyo ang paanyayang ito, mas maglalapit din ito sa inyo sa Diyos.

Mga Paanyaya sa mga Nabuklod sa Isang Asawa

Para sa mga nabuklod sa isang asawa, ang pagbubuklod na ito ay isang mahalagang kaganapan sa inyong buhay, hindi isang katapusan ng paglalakbay. Kailangan ninyong sumulong at magtuon sa mga tipang ginawa ninyo, tulad ng paghihikayat ko na gawin ng iba: tapat na tumanggap ng sakramento, sumamba sa templo, at gumawa ng gawain sa family history. Bukod pa riyan, hangaring maging mas mabuting asawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Maging asawang karapat-dapat sa inyong asawa. Kung mapalad kayong maging magulang, maging magulang na karapat-dapat sa inyong mga anak. Kapag tinanggap ninyo ang paanyayang ito, mas maglalapit din ito sa inyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at magpapatibay sa bigkis ng inyong pakikipagtipan sa Kanila.

Mga Paanyaya para sa Lahat

Gumawa man kayo ng isa o maraming tipan, sundin ang babala ng Tagapagligtas:

“Subalit ang tao ay maaaring mahulog mula sa biyaya at malayo sa buhay na Diyos;

“Samakatwid mag-ingat ang simbahan at manalangin tuwina, upang huwag silang mahulog sa tukso;

“Oo, at maging yaong mga pinabanal ay magsipag-ingat din” (Doktrina at mga Tipan 20:32–34).

Nagtakda ang Diyos ng maraming tipan para pagpalain tayo, hindi para hatulan tayo. Ang pagtutuong mabuti sa mga tipang nagawa natin at paghahanda para sa susunod ang pinakamainam na paraan para makapaghandang tanggapin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit. Ito ay kung paano tayo “nag-iisip nang selestiyal.” Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay makapangyarihang magligtas. Nais Niyang magkaroon ng malapit na relasyon sa inyo, maging ng isang relasyon sa tipan. Dalangin ko na nawa’y gumawa kayo ng mga tipan nang may tunay na layunin at hayaang pagpalain kayo ng mga tipang iyon ngayon at hanggang sa kawalang-hanggan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa David A. Bednar, “Nakabigkis sa Tagapagligtas sa Pamamagitan ng mga Tipan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022, 3–5.

  2. Ang simpleng pag-amin o pagkilala sa paniniwala sa Diyos ay hindi sapat. Bagama’t nakikipagkasundo tayo sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng tipan, hindi natin iniligtas ang ating sarili. Sinabi ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon, “Tandaan, matapos kayong makipagkasundo sa Diyos, na dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos kayo ay maliligtas” (2 Nephi 10:24). Kahit matapos nating magawa at matupad ang maraming tipang ito sa Diyos, maliligtas lamang tayo sa pamamagitan ng biyaya sa kabila ng lahat ng ating magagawa. Ang pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng tipan ay tulad ng paggawa ng isang kasunduan sa pagitan ng dalawang partidong nag-aaway.

  3. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” Gospel Library.

  4. Nakikipagtipan lamang tayo kapag hangad nating lubusang maging tapat sa pagtupad nito. Tingnan sa Robert Bolt, A Man for All Seasons: A Play in Two Acts, xiii–xiv, 140.

  5. Tingnan sa David A. Bednar, “Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Liahona, Mayo 2009, 97–100. Ang proseso ay malamang na hindi kumpleto hanggang sa “tayo ay [maging] katulad niya” (Moroni 7:48), kapag ganap na tayong nabago.

  6. Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), Gospel Library.

  7. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,” Gospel Library. Tinapos ni Pangulong Nelson ang kanyang pahayag sa pangangako na, “At sa pagtatapos ng mortal na buhay, katangi-tangi ang muling pakikipagkita ng bawat pinagtipanang anak sa ating Ama sa Langit [tingnan sa Awit 116:15].”

  8. Ang Melchizedek Priesthood ay inakailangan sa tipan para sa matatapat na kalalakihan.

  9. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 27.2, Gospel Library.

  10. 10,Pangkalahatang Hanbuk, 27.2.

  11. 10,Pangkalahatang Hanbuk, 27.2.

  12. 10,Pangkalahatang Hanbuk, 27.2.

  13. 10,Pangkalahatang Hanbuk, 27.2.

  14. 10,Pangkalahatang Hanbuk, 27.2.

  15. Jeffrey R. Holland, “Personal Purity,” Liahona, Nob. 1998, 76. Tingnan din sa David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Dalisay,” Liahona, Mayo 2013, 41–44; Dale G. Renlund at Ruth Lybbert Renlund, “Ang Banal na mga Layunin ng Seksuwal na Intimasiya,” Liahona, Ago. 2020, 14–19.

  16. Pangkalahatang Hanbuk, 27.2; tingnan din sa David A. Bednar, “Ang Bahay na Ito ay Itayo sa Aking Pangalan,” Liahona, Mayo 2020, 84–87.

  17. Ang kalayaan ay nananatiling gumagana. Malaya tayong sirain ang ating mga tipan at tuluyang talikuran ang mga ito, pero masama ang mga ibubunga nito. Tingnan sa Jeremias 17:5; Ezekiel 18:26; 33:12, 18; Malakias 2:1–5; Mateo 7:27; 12:45; 13:21; Lucas 12:47; Mga Hebreo 6:4–8; 10:26–27; 2 Pedro 2:22; Alma 24:30; 47:36; Helaman 12:2; Doktrina at mga Tipan 82:3; 84:41, 54.

  18. Dallin H. Oaks, “Mga Kaharian ng Kaluwalhatian,” Liahona, Nob. 2023, 29.

  19. Pangkalahatang Hanbuk, 27.2.2.

  20. Dallin H. Oaks, “Panindigan ang Katotohanan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 21, 2023), Gospel Library.

  21. M. Russell Ballard, “Umasa Kay Cristo,” Liahona, Mayo 2021, 55.

  22. Lorenzo Snow, “Discourse by President Lorenzo Snow,” Millennial Star 61, blg. 35, 547.

  23. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023), 66.

  24. Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 117–119.